Inday TrendingInday Trending
Nagkamali Siya sa Pagpili sa Dalawa Niyang Manliligaw; May Pag-asa pa ba Siyang Itama ang Mali?

Nagkamali Siya sa Pagpili sa Dalawa Niyang Manliligaw; May Pag-asa pa ba Siyang Itama ang Mali?

Nakapagdesisyon na si Tiara. Alam niya na kung sino ang sasagutin niya!

Mayroon siyang dalawang masugid na manliligaw – si King, ang kababata niya na parating nakabuntot sa kaniya, at si Gerald, ang pinakasikat na estudyante sa school nila.

“Ano, Tiara? Mas pipiliin mo ang mayabang na si Gerald kesa sa napakabait na si King? Nababaliw ka na ba?” inis na komento ng kaibigan niyang si Sam nang sabihin niya rito ang desisyon niya.

Sumimangot siya. “Suportahan mo na lang ako! Oo, marami ang nagsasabi ng mayabang si Gerald, pero kahit kailan ay hindi siya naging masama sa akin. Mabait siya sa’kin lagi, Sam. Saka ilang buwan na rin simula noong manligaw siya sa’kin,” paliwanag niya.

“Bakit ayaw mo kay King? Mabait siya, matalino, at higit sa lahat, matagal mo na siyang kilala!” hindi sumusukong turan nito.

“Sam, sikat si Gerald. ‘Pag ako ang naging girlfriend niya, sisikat din ako, ano ka ba?” katwiran niya.Napailing ito. Tila sumuko na sa pagpapaliwanag sa kaniya.

“Bahala ka. Gawin mo kung anong makakapagpasaya sa’yo,” sagot na lang nito.

“Sasagutin ko siya bukas. Birthday ko!” halos magtitili siya sa sobrang kilig.

Pauwi na siya nang hapong iyon nang makasabay niya sa paglalakad ang kababatang si King.

“Tiara, hatid na kita sa bahay niyo,” magiliw na alok nito, na pinagbigyan niya naman. Magkalapit lang din kasi ang mga bahay nila.

“Tiara, may pag-asa ba ako?” maya-maya ay walang kaabog-abog na tanong nito.

Napabuntong hininga siya. Alam niya na kailangan niyang sabihin dito ang totoo.

“Sorry, King. Si Gerald ang pinipili ko. Sasabihin ko na sa kaniya bukas.”

Hindi ito umimik. Ngunit nakita niya ang pasimpleng pagpupunas nito ng luha.

“‘Wag kang mag-sorry. Ang mahalaga lang naman sa akin ay mapunta sa taong mamahalin at aalagaan ka,” anas nito.

“Magkaibigan pa rin naman tayo, King. Hindi mababago ‘yun,” katwiran niya.

“Mag-iingat ka lagi, Tiara. Happy birthday!” pilit ang ngiting bulalas nito bago naglakad palayo. May sasabihin pa sana siya ngunit nakalayo na ito.

Nang luminga-linga siya ay noon niya lang napagtanto na naroon na pala siya sa tapat ng bahay nila. Pilit niyang pinalis ang lungkot na nararamdaman. Alam niya na tama ang desisyon niyang piliin si Gerald.

Kinabukasan, maaga siyang pumasok sa eskwelahan. Siniguro niya na magandang-maganda siya.

Pagpasok niya pa lang sa gate ng school ay nakita niya na si Gerald. Nakangiti ito habang hinihintay siya.

Bahagya siyang nadismaya nang makitang wala itong bitbit na kahit na anong regalo para sa kaniya ngunit iwinaksi niya iyon.

“Good morning,” nakangiting bati nito.

Hinintay niya na batiin siya nito ng “happy birthday” ngunit wala naman itong sinabi.

“Baka may sorpresa siya sa’kin!” sa isip-isip niya.

Sa naisip ay bumalik ang ngiti sa kaniyang mga labi.

Hindi naman siya nabigo dahil nang dumating siya sa klasrum nila ang isang regalo ang nakapatong sa lamesa niya. Walang nakalagay na pangalan doon ngunit alam niya na kung kanino ‘yun galing.

“Sabi na eh, hindi nakalimutan ni Gerald,” kinikilig na bulong niya.

“Happy birthday, Tiara!” isa-sang bati ng kaniyang mga kaklase.

“Salamat,” tugon niya sa bawat bumabati.

Itinabi niya ang regalo sa kaniyang bag at nag-pokus sa pag-aaral.

Alas singko na nang matapos ang klase nila.

Gaya ng dati ay nag-aabang sa kaniya sa Gerald sa labas ng eskwelahan. Ngunit ang inaakala niyang espesyal na araw na puno ng sorpresa ay hindi nangyari.

“Uy, hindi kita maihahatid, ha. May usapan kasi kami ng mga kaibigan ko na magkikita-kita kami,” anito nang salubungin siya.

Napasimangot siya. “Birthday ko ngayon, tapos hindi mo man lang ako sasamahan?”

Kitang-kita niya ang gulat na rumehistro sa mukha nito.

“Ha? Birthday mo pala? Sorry, nakalimutan ko,” napapakamot sa ulong tugon dito.

Pilit niyang itinago ang pagkadismaya.

“Ayos lang. Saan tayo magde-date?” nakangiting tanong niya sa lalaki bago umangkla sa braso nito.

“Hindi nga ako pwede ngayon, Tiara,” sabi ni Gerald bago inalis ang braso niyang nakakapit dito.

“Kahit birthday ko?” taas kilay na taong niya.

Nagulat siya nang sigawan siya nito.

“Oo nga! Ang kulit mo, paulit-ulit ka! Hindi naman kita girlfriend, grabe ka kung makalingkis sa’kin!” bulyaw nito bago nagdadabog na naglakad palayo.

Naiwan siyang tigagal at tulala. Noon niya napagtanto na tama pala ang mga naririnig niya tungkol sa lalaki. Hindi nga maganda ang pag-uugali nito! Siya na mismo ang nakasaksi.

Hindi niya mapigilang maiyak sa sama ng loob. Birthday na birthday niya pa naman!

Naglalakad na siya pauwi nang maalala niya ang regalo na nakita niya sa ibabaw ng mesa niya kaninang umaga.

Kung hindi iyon galing kay Gerald, kanino? Iyon ang tanong bumabagabag sa kaniya.

Nang buksan niya ang regalo ay nakita niya isang photo album. Napangiti siya nang mapansin na kakulay iyon ng paborito niyang kulay. Pula.

Unang pahina pa lang ay alam niya na kung sino ang nagbigay noon. Si King.

Makikita sa bawat larawan ang iba’t ibang okasyon na kasama niya si King, mula pa noong mga bata pa sila.

Nang nasa kalagitnaan na siya ang mga bagong larawan ang naroon. Mga larawan niya. Karamihan sa mga larawan doon ay nakangiti siya, at kinunan nang hindi niya nalalaman. Napagtanto niya na mahal na mahal nga talaga siya ng kaniyang kababata. Ngunit hindi ito ang pinili niya dahil lamang sa mababaw niyang rason.

Ang kahuli-hulihang pahina ay naglalaman ng isang sulat. Nang mabasa niya iyon ay tumulo ang luha na kanina niya pa pinipigilan.

Nakasaad sa liham na aalis na si King!

Lakad-takbo ang ginawa niya para makarating sa bahay ng kababata. Ngunit lumaylay ang balikat niya sa nasaksihan.

Nakaalis na pala ang mga ito.

Wala siyang ibang magawa kundi ang umiyak dahil sa pag-alis ng kababata. Wala na ang nag-iisang lalaki na tunay na nagmahal sa kaniya.

Isang mapait na katotohanan ang natutunan ni Tiara. Maging matalino nawa ang lahat sa pag-ibig. Dahil laging nasa huli ang pagsisisi.

Advertisement