
Palaging Tinatanggihan ng Dalagang Ito ang Kaibigan, Tila Huli na ang Lahat nang Pumayag Siya
“Linda, pupwede bang mamaya ka na umuwi? Tambay muna tayo roon sa parke! Gusto mo ba ng tusok-tusok? Ibibili kita!” magiliw na sambit ni Melody sa kaibigan, isang hapon pagkatapos ng oras ng kanilang trabaho.
“Naku, Melody, marami pa akong gagawin sa bahay. Ikaw na lang ang tumambay kung gusto mo,” tugon ni Linda habang iniaayos ang mga gamit niya sa kaniyang locker.
“Sige na, Linda, minsan lang naman ako magyaya sa’yo, eh!” giit pa nito habang nagpapaawa.
“Anong minsan? Halos araw-araw mo akong niyayayang tumambay kung saan-saan pagkatapos ng trabaho natin! Ano bang mayroon sa’yo, ha? Bakit gusto mo laging tumambay?” sunod-sunod niyang tanong dito dahil sa kaniyang pagkainis.
“Wala lang, gusto lang kitang makasama at makakwentuhan,” tugon nito habang nakatungo.
“Diyos ko! Hindi ka ba nagsasawa sa pagmumukha ko? Buong maghapon na tayo magkasama sa trabaho!” sagot niya habang iiling-iling.
“Oo nga, pero hindi ba’t iba pa rin ‘yong tayong dalawang lang?” tanong pa nito na lalo niyang ikinainis.
“Hay, naku, Melody, ipahinga mo ‘yan! Marami pa akong gagawin, huwag mo akong pilitin,” nakasimangot niyang sambit.
“Sige, ipapahinga ko na lang,” mahinang wika nito saka agad na umalis, napailing na lang siya dahil alam niyang nagtatampo na naman ito.
Wala nang mas sasaya pa sa dalagang si Linda nang parehas silang makapasok ng kaniyang kaibigan sa isang kumpanyang pinapangarap nila noon pa man bilang mga casino dealer. Bukod kasi sa malaki na ang natatanggap niyang sahod dito, palagi niya pang nakakasama ang kaibigan sa lahat ng kaniyang ginagawa.
Kaya lang, hindi nagtagal, nakaramdam siya ng labis na kapaguran sa trabaho. Kung dati’y masaya siya sa trabaho niya, ngayo’y nakararamdam siya ng pagkasawa rito na nagbubunga ng bahagya niyang paglayo sa kaibigan lalo na sa tuwing nais nitong tumambay o lumabas kasama siya.
Palagi niyang katwiran, “Imbis na itambay o igala ko ang natitirang oras sa isang araw, ipapahinga ko na lang! Magkikita rin naman kami bukas,” dahilan para kahit araw-araw siya nitong kulitin nitong mga nakaraang araw, araw-araw niya rin itong hinihindian at idahilan na marami siyang gagawin sa bahay kahit wala naman.
Nagtatampo man ito, kinabukasan naman ay papansinin ulit siya nito dahilan para hindi niya ito labis na intindihin. Nang araw na ‘yon, pagkaalis ng kaibigan niya, agad na rin siyang nagpasiyang umuwi. Sumakay siya ng jeep katulad ng nakasanayan niya at paglipas lamang ng ilang minuto, tuluyan na siyang nakarating sa panuluyang inuupahan niya.
Pagkarating na pagkarating niya roon, agad niyang itinapon sa kama ang sarili niya at huminga nang malalim. Sinilip niya rin ang selpon niya at napailing na lang siya nang makitang nagpadala ng mensahe ang kaibigan niya.
“Mahal kita, Linda! Salamat sa palagiang pagpapasaya sa akin!” mensahe nito.
“Ano bang mayroon kay Melody? Ayaw akong tantanan!” sambit niya sa sarili habang patawa-tawa.
At dahil nga pagod na ang katawan niya, pagkatapos niyang tignan ang mensahe ng kaibigan, agad na rin siyang nakatulog nang hindi kumakain.
Nagising na siya bandang alas dose ng gabi dahil sa tawag ng kaibigan niyang ito.
“Melody naman! Sumobra naman ang kakulitan mo! Natutulog na ‘yong tao, eh!” bungad niya rito matapos niyang sagutin ang tawag nito.
“Linda, si Mamang Mely ito, wala na si Melody,” hikbi ng matanda na nakapagpabaligwas sa kaniya.
“Mamang naman, hindi po ‘yan magandang biro, ha? Nasaan po ba si Melody? Pakitanong po sa kaniya kung gusto niya pa ring tumambay ngayon sa parke, sasamahan ko na po siya! Ibibili ko pa siya ng ilang kilong kikiam at fishball!” sambit niya sa pagbabakasaling binibiro lang siya nito.
“Totoo, Linda, marami siyang ginawang liham na nagsasaad ng kalungkutang nararamdaman niya bago niya pinatulog habang buhay ang sarili niya. Nandito kami ngayon sa morgue, labis akong nanlalambot,” hagulgol pa nito na talaga nga namang nagpaluha sa kaniya.
Labis na pagsisisi ang naramdaman niya nang oras na ‘yon, nais man niyang samahan ang kaibigan, wala na siyang magawa ngayon.
At dahil alam niyang siya ang nais nitong makasama hanggang sa huli nitong pagkakataon, nang makahinga-hinga siya, agad na niya itong pinuntahan.
“Ang ganda-ganda mo, Melody, hindi ka bagay d’yan! Halika na, tatambay pa tayo sa parke, hindi ba? Bumangon ka na riyan!” hikbi niya nang makita na niya ito sa loob ng kabaong.
Doon niya labis na napagtanto na kung siya’y napapagod na sa buhay, may taong mas napapagod kaysa sa kaniya. Ito ang dahilan para ganoon niya ipangako sa sarili na kapag may mangangailangan ng kahit presensya lamang niya, hinding-hindi niya na ito ipagdadamot.