
Kaskasero ang Binata sa Paggamit ng Motorsiklo, Dito Niya Tuloy Naihatid ang Dalagang Nililigawan
“Jovin, dahan-dahan ka lang sa pagpapatakbo mamaya, ha? Sabi ng mga kaibigan ko, huwag na huwag daw akong aangkas sa’yo dahil kaskasero ka raw magmotor. Natatakot ako na baka ito na ang huling araw ko sa mundong ito,” sambit ni Daphne sa kaniyang manliligaw, isang tanghali habang sila’y kumakain sa isang restawran.
“Ano ka ba naman, Daphne? Bakit naman kita ipapahamak? Hindi ko pa nga napaparamdam sa’yo kung gaano kita kamahal, eh,” nakangiting sagot ni Jovin sabay kindat pa sa dalaga.
“Ibig sabihin, kapag naparamdam mo na sa akin na mahal mo ako, ipapahamak mo na ako?” tanong nito na ikinatawa niya.
“Hindi pa rin, syempre! Ang gusto ko lang sabihin sa’yo, magtiwala ka sa akin. Basta ikaw ang angkas ko, magdodoble-ingat ako. Ayokong ilagay sa alanganin ang buhay ng babaeng magiging ina ng mga anak ko!” wika niya na ikinatawa nito.
“Hoy! Ibang klase ka mag-isip! Isang buwan mo pa lang ako nililigawan, anak na agad ang nasa isip mo!” sagot nito habang nag-iihit kakatawa.
“Aba, syempre, nanliligaw ako para maging asawa ka, hindi para maging nobya lang,” seryoso niyang sagot saka agad na hinawakan ang kamay nito at hinalikan.
Kilala sa pagiging kaskasero sa kanilang lugar ang binatang si Jovin. Walang araw na hindi maririnig sa kanilang barangay ang maingay na tambucho ng kaniyang motorsiklo dahil sa bilis niyang magpatakbo kahit na alam niyang maraming tao sa isang lugar.
Mayroon kasi siyang ugaling pagkamainipin na nagbunga ng kaniyang pagiging kaskasero. Kahit na siya’y nasisiyahan sa pagpapatakbo niya ng motorsiklong pinag-ipunan niya, nais niyang agad na makarating sa destinasyon niya, lalo na kung ang dalagang nililigawan niya ang pupuntahan niya.
May pagkakataon pa ngang bago niya ito dalhan ng bulaklak sa bahay nito, mayroon pa siyang nabanggang aso sa kalsada na tinakbuhan niya lamang. Wika niya pa, “Aso lang naman ‘yon, hindi naman ako makakasuhan doon.”
Kaya naman, nang araw na ‘yon, kung kailan unang beses niyang iaangkas sa kaniyang motorsiklo ang naturang dalaga, ganoon na lang ang kabang nararamdaman nito sa kaniya at dahil nga gustong-gusto niyang maiangkas ito upang maramdaman ang kamay nito sa bewang niya, ginawa niya ang lahat upang mapagaan ang loob nito.
Ilang minuto pa ang lumipas, nagyaya na siyang magtungo sa susunod nilang destinasyon.
“Saan naman tayo magpupunta?” tanong nito.
“Sa Tagaytay! Gusto kong ipakita sa’yo ang ganda ng mga tanawin doon!” sagot niya habang sinusuotan ito ng bagong bili niyang helmet.
“Naku, malayo-layo. Dahan-dahan lang, ha? Ayos lang kahit ilang oras tayo bumiyahe, basta ligtas tayong makarating at makauwi,” paalala nito.
“Huwag kang mag-alala, akong bahala sa’yo, sakay na!” wila niya pa saka pinisil-pisil ang pisngi nito.
Katulad ng pangako niya sa dalaga, dahan-dahan niya ngang pinatakbo noong una ang kaniyang motorsiklo. Kaya lang, nang maramdaman niyang hindi ito nakahawak sa kaniya, agad niyang hinarurot ang kaniyang motorsiklo hanggang sa mapayakap ito sa likuran niya.
“Jovin, naman!” sigaw nito sabay palo sa balikat niya.
“Yumakap ka kasi sa akin!” patawa-tawa niyang sagot saka bahagya itong nilingon habang mabilis pa rin ang takbo niya.
Ngunit, pagbalik niya ng tingin sa kalsada, mayroon ng isang malaking trak ang pasalubong sa kanila. Agad niyang pinihit ang kaniyang manibela ngunit tila huli na ang lahat dahil nadaplisan na sila nito at sila’y bumangga sa isang poste.
“A-ayos ka lang ba, Daphne?” tanong niya sa dalaga nang maramdaman niya ang sakit ng pagkabangga nila.
Ngunit nakailang tanong na siya, wala pa ring sumasagot sa kaniya dahilan para pilitin niyang lumingon sa likuran niya at doon na lang siya labis na napaluha nang makitang ang dalagang angkas niya ay nasa ilalim na naturang trak, tanggal na ang helmet nito, walang malay at naliligo na sa sariling dugo.
“Daphne!” tangi niyang sigaw, nais man niya itong lapitan, hindi niya magawa dahil sa paa niyang nabugbog at kamay na hindi magalaw.
Ganoon na lang ang galit ng pamilya nito sa kaniya lalo na nang malamang wala na ito. Labis man siyang magsisi sa ginawa at maiyak sa pagkawala ng minamahal, wala siyang ibang magawa upang maibalik ang buhay nito.
Tuluyan ding naputol ang tag-isang kamay at paa niya na talaga nga namang naging dahilan upang siya’y tumigil na sa pagmomotorsiklo.
“Bakit sa ganitong paraan pa ako matuto?” pagtangis niya sa araw ng libing ng dalagang minamahal niya. Kung maibabalik lamang ang nakaraan… Ngunit alam niyang hindi na.