
Dinala ng Dalagang Ito ang Hulugang Selpon sa Roller Coaster, Makakuha kaya Siya ng Bidyo Katulad ng Nais Niya?
“Vina, sigurado ka bang dadalhin mo ‘yan mamaya habang nakasakay tayo sa roller coaster?” pag-aalinlangan ni Rochelle sa kagustuhan ng kaibigan, isang hapon habang sila ay nakapila sa pagsakay sa isang roller coaster.
“Oo, naman! Para makakuha ako ng mga litrato at bidyo natin habang nakasakay tayo roon! Hindi ba’t masaya ‘yon? Mailalagay ko pa ‘yon sa social media!” kumpiyansadong sagot ni Vina habang umaarte pang tila siya’y nakasakay na sa roller coaster.
“Hindi ba’t hindi mo pa ‘yan bayad? Baka mamaya, mahulog ‘yan, magsisi ka lang,” pagpapaalala pa nito sa kaniya.
“Bakit naman mahuhulog? Nakalagay naman ‘to sa selfie stick, eh, saka kung mahuhulog man ito, edi bibili na lang ako ng bago!” sambit niya saka tumawa nang tumawa.
“Ang yabang mo naman, hulugan nga lang ‘yan, eh!” sagot nito na ikinasimangot niya.
“Biro lang! Ito naman! Isang beses ko pa lang ‘tong nahuhulugan, ‘no, kaya iingatan ko ito maigi habang nakasakay tayo sa roller coaster!” sigaw niya rito saka ipinakita ang selpon niyang nasa isang selfie stick.
“Sige, ha, basta hindi ako nagkulang sa pagpapaalala sa’yo!” wika pa nito saka agad siyang tinalikuran.
Dahil sa kagustuhan ng dalagang si Vina na makisabay sa kaniyang mga kaibigan na pawang mga babad sa social media, kahit na wala naman siyang sapat na pera pangbili ng isang selpon, naglakas loob siyang kumuha ng isang selpon na hulugan sa isa sa kaniyang pinsan.
Nakiusap at nangako lang siya rito na huhulug-hulugan niya ang selpong ito sa tuwing makakatanggap siya ng padala sa nanay niyang nasa probinsya kada buwan na agad naman nitong sinang-ayunan nang sabihin niyang papatungan niya ito ang presyo nito ng dalawang libo.
Wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang tuluyan na niyang makuha ang selpong ito. Todo post siya sa social media, kuha ng litrato roon, kuha ng bidyo rito, patugtog doon, laro ng online games dito.
Kaya naman, ngayong may pinuntahan silang amusement park ng kaniyang mga pinsan, hindi siya nagdalawang isip na dalhin ang selpon niyang ito upang ibida sa social media ang kaniyang pinuntahan.
Pagkarating pa lang nila roon, todo kuha na siya ng bidyo at litrato ng mga tanawin, pagkain at ng mga sasakyang talaga nga namang makakapagbaliktad sa sikmura ng mga tao.
Dahil nga gusto niyang maibida sa social media ang bawat pangyayari rito, nais niya ring kuhanan ng bidyo ang pagsakay nila sa roller coaster. Pagsabihan man siya ng mga pinsan, hindi niya ito pinansin.
Ilang minuto pa ang nakalipas, tuluyan na nga silang nakasakay sa roller coaster. Katulad ng nais niya, pumuwesto siya sa unahan at agad na itinaas ang kaniyang selfie stick lulan ang kaniyang selpon upang makita sa bidyo ang lahat ng pinsan niya.
“Ayan na, malapit nang umandar!” sigaw niya nang tumunog na ang makina ng naturang roller coaster. Agad na niyang sinimulan ang pagkuha ng bidyo na labis niyang ikinatuwa dahil nakikita niya ang reaksyon ng mga takot at kinakabahan niyang pinsan.
Sigaw siya nang sigaw nang magsimula nang umandar ang rollercoaster at patuloy na bumibilis. Kaya lang, nang biglang bumaligtad ang roller coaster, sa sobrang takot na naramdaman niya, bigla niyang nabitawan ang kaniyang selpon kasama ang pinagmamalaki niyang selfie stick.
“Ang selpon ko!” mangiyakngiyak niyang sigaw habang nagpupumiglas sa kaniyang kinauupuan.
Maya maya pa, tuluyan na ngang tumigil ang naturang roller coaster at agad niyang hinanap sa lupa ang kaniyang selpon. Nakita niya itong durug-durog malapit doon. Mangiyakngiyak niya itong pinulot at sinubukan kung bubukas pa.
Ngunit kahit anong hipan ang gawin niya, hindi na talaga ito bumukas na labis niyang ikinalungkot. Doon siya humagulgol nang inam habang pinagmamasdan ang selpong sampung buwan niya pang babayaran. Hindi na niya nasulit ang araw na iyon dahil ang isip niya’y nasa selpon na sira na.
At dahil nga inutang niya lang ito, kahit hindi na niya napapakinabangan ang selpong iyon, binayaran niya pa rin ito.
“Kung hindi ko lang sana dinala sa roller coaster ‘yon, sana may nagagamit pa akong selpon ngayon!” iyak niya habang mag-isang umiiyak sa kaniyang silid.
Simula noon, natuto na siyang magpahalaga sa mga bagay na mayroon siya. Natuto rin siyang magtiis sa kung anong mayroon siya. Sa ganitong paraan, hindi na siya nahirapang ipagpilitan ang mga bagay na gusto niya at makuntento na talaga nga namang nagbigay ng saya sa kaniya.

