Inday TrendingInday Trending
Nagtaka ang Ginang sa Ugaling Ipinapakita ng Anak, Nanlumo Siya nang Malaman ang Dahilan nito

Nagtaka ang Ginang sa Ugaling Ipinapakita ng Anak, Nanlumo Siya nang Malaman ang Dahilan nito

“Anak, anong klaseng ugali na naman ang pinakita mo sa harap ng mga katrabaho ng tatay mo? Bakit ka ba gan’yan ngayon, ha? Talaga bang kaya mo na ang buhay mo ngayon? Ni hindi mo ako pinakikinggan kanina nang sinasaway kita!” sermon ni Cathy sa kaniyang nag-iisang anak, isang tanghali pagkauwi nila galing sa isang salu-salo kasama ang mga katrabaho ng kaniyang asawa.

“Bakit ko ba siya kailangang galangin, mama?” walang modong sagot nito habang kalmadong kumukuha nang iinuming tubig.

“Ano ba ‘yang pinagsasasabi mo, Lydia? Sinong demonyo ba ang sumapi sa’yo?” galit niyang tanong dito, labis nang nag-iinit ang dugo niya sa anak dahil sa kabastusang pinakita nito sa naturang salu-salo.

“Walang demonyong sumapi sa akin, mama, sadyang hindi ko lang siya kayang galangin pa,” wika pa nito na lalong nagpainit sa dugo niya.

“Bakit ba? Anong dahilan, ha? Tatay mo siya, Lydia! Siya ang tumataguyod, nagpapalamon, at nagbibigay ng pera pangpaaral sa’yo!” panunumbat niya rito.

“Obligasyon niya ‘yon bilang padre de pamilya, mama, walang dapat ikapasalamat!” katwiran pa nito dahilan para kaniya na itong masampal.

“Sumusobra ka na, Lydia! Hindi na kita makilala! Anak ka ba talaga namin?” tanong niya rito habang ito’y nakatungo’t humahagulgol.

Labis na nagtataka ang ginang na si Cathy sa kakaibang ugaling pinapakita ng kaniyang anak na dalaga nitong mga nakaraang araw. Alam niya kasing simula pagkabata nito, napakalapit na nito sa kaniyang asawa.

Halos hindi na niya nga mapaghiwalay ang dalawang ito noon. Palaging magkasama ang mga ito sa anumang gawain katulad na lang ng paglalaba ng kanilang mga damit, pagkain ng kanilang paboritong pagkain, paglalaro ng basketbol at marami pang gawain.

Sa katunayan, dati siyang nakakaramdam ng pagkainggit sa asawa dahil sa atensyong binibigay ng anak nilang ito at sa kasiyahang mayroon ito kapag sila’y magkasama.

Kaya naman, ngayong araw na nagpamalas ng kakaibang ugali ang kaniyang anak sa harap ng mga katrabaho ng kaniyang asawa, ganoon na lamang siya labis na nagalit dito.

Sabay-sabay silang kumakain noon sa isang malawak na hapag-kainan nang ipaabot ng kaniyang asawa sa dalaga ang isang putaheng nais nito. Wika ng kaniyang anak, “Bakit hindi mo ipaabot sa mga katrabaho mong katulad mo, sinungaling?” na talaga nga namang nagbigay ng kahihiyan sa kaniya dahilan para agad niya itong hilain pauwi nang hindi ito makinig sa kaniya.

Matapos niya itong sampalin, ganoon na lang siya nakaramdam ng labis na pagkaawa rito kaya agad niya itong niyakap at kinausap nang mahinahon.

“Ano bang problema niyo ng papa mo? May pagtatalo ba kayo? Hindi kayo nagkaintindihan?” tanong niya rito habang pinupunasan niya ang mga luha nito.

“Hindi talaga kami magkakaintindihan, mama, dahil sinungaling siya! Pati mga katrabaho niyang kasabay nating kumain, mga demonyo ang mga iyon!” sigaw nito.

“Magdahan-dahan ka sa pananalita mo, Lydia! Matanda sila kaysa sa’yo, matuto kang gumalang!” saway niya na lalong ikinaiyak nito.

“Paano ko sila gagalangin kung patago ka nilang sinasaktan, ha? Bakit ba bulag ka sa katotohanan, mama? Bakit ba sobrang bait mo? Bakit hindi mo makitang niloloko ka na ni papa? Pinagtatakpan pa siya ng mga katrabaho niya!” sambit nito sa gitna ng mga paghikbi na ikinatigil ng mundo niya, “Halika, bumalik tayo roon, mama, siguradong lumabas na ang tunay na kulay ng mga iyon!” yaya pa nito saka agad siyang hinila pabalik sa naturang restawran.

At katulad ng hinala ng anak niya, kitang-kita niya kung gaano kasaya ang mga ito kasama ang asawa niyang may kakandong na dalagang katrabaho nito. Naghihiyawan pa ang mga ito sa tuwa nang halikan ng dalaga ang kaniyang asawa na lalo niyang ikinapanlambot.

“Tititigan mo lang ba sila? Gan’yan ka ba talaga kahina, mama?” sambit ng kaniyang anak, hindi pa man siya nakakasagot dito, agad na itong pumasok ng naturang restawran at binubuhasan ng tubig ang kaniyang asawa at ang dalagang nakakandong dito, “Ang tapang mo, papa, ano? Ang kapal ng mukha niyong lahat!” sigaw pa nito na talagang nagpaiyak lalo sa kaniya.

Dito na siya nakita ng kaniyang asawa at ng mga katrabaho nito. Agad siya nitong nilapitan at biglang nagsialisan ang mga katrabaho nito. Lumuhod ito sa harap niya habang nagpapaliwanag ng kasinungalingan. Pero imbis na patawarin niya ito katulad ng ginagawa niya noon pa man, buong lakas niya itong sinampal at sumigaw ng, “Magandang araw sa inyong lahat! Ito ang asawa kong manloloko! Tingnan niyo maigi ang mukha niya, huwag kayong magpapaloko sa pangit na ‘to!” saka niya hinila pauwi ang anak niyang umiiyak.

Sa kanilang bahay, ang dating halakhakang umuugong dito ay napalitan ng iyakan nilang mag-ina.

“Ayos lang kahit mawala na siya sa atin, mama, binilog niya maigi ang ulo ko noon pa man! Basta, huwag mo akong iiwan, ha?” sambit pa nito na lalo niyang ikinaiyak.

“Hindi, kailanman, anak. Hindi ka iiwan ni Mama,” sagot niya sa anak. Sugatan man ang puso ay mataas ang kaniyang kumpyansa na kakayanin nilang mag-ina ang mga darating na pagsubok basta’t sila ay magkasama.

Umalis silang mag-ina sa bahay na iyon at umuwi ng probinsya. Doon nila pinagpatuloy ang buhay nila nang walang padre de pamilyang manlilinlang.

Advertisement