
Pinipilit ng Ginang ang Pamangkin na Magpaligaw kahit Ayaw Nito, Nadurog ang Puso Niya sa Nalamang Pangyayari sa Buhay Nito
“Alodia, nasa tamang edad ka na, hindi ka pa rin ba tatanggap ng mga manliligaw? Ilang lalaki na ang nagtangkang umakyat ng ligaw sa’yo pero kahit isa, wala kang tinanggap. Gusto mo bang tumandang dalaga katulad ko?” wika ni Neth sa kaniyang pamangkin matapos nitong sigaw-sigawan ang isang binatang nais manligaw rito.
“Kung tahimik na buhay naman ang kapalit ng pagiging isang matandang dalaga, tita, ‘yon ang pipiliin ko,” sagot nito habang tinatapon sa basurahan ang sandamakmak na bulaklak at tsokolateng dala ng manliligaw nito.
“Naku, ang pamangkin ko talaga, nais pang tumulad sa akin! Malungkot ang maging isang matandang dalaga! Kung wala ka nga sa puder ko, tiyak, panis na ang laway ko noon pa man at bukod pa roon nakakatakot tumanda nang walang sariling pamilya, walang mag-aalaga sa’yo!” pangaral niya pa rito habang kinukuha niya sa kamay nito ang mga tsokolateng gusto niya kasama ang mga liham na nakaipit sa mga bulaklak.
“Edi, mag-aampon na lang ako, tita, o kung hindi naman, kukupkop din ako ng pamangkin katulad mo,” nakangiti pang tugon nito na ikinailing niya.
“Ayaw mo ba talagang magkapamilya?” tanong niya pa.
“Gusto ko po, pero gusto ko, ako lang mag-isa,” patawa-tawang sambit nito dahilan para siya’y matawa na rin.
Isang matandang dalagang ang ginang na si Neth. Bukod kasi sa mapili siya sa binatang makakarelasyon, naging tutok pa siya sa trabaho noong kabataan niya dahilan para mapahanggang ngayong bahagya nang mahina ang tuhod niya, wala pa rin siyang katuwang sa buhay.
Tanging ang dalaga niyang pamangkin ang nakakatulong niya sa bahay. Simula nang dumating ito sa buhay niya nang mawala ang nanay nito, dalawang dekada na ang nakakalipas, tinigil na niya ang paghahanap sa lalaking mapapangasawa niya at binigay ang buong atensyon sa pag-aalaga rito na noo’y sampung taong gulang pa lamang.
Malungkot man ang buhay niya minsan dahil wala siyang asawa, palagi naman siyang napapangiti ng alaga niyang ito na sobrang talino at bibo.
Kaya naman, ngayong nasa tamang edad na ito, ganoon niya na lang ito pinapangaralang tumanggap na ng manliligaw upang huwag maging isang matandang dalaga katulad niya. Mailap kasi ito sa mga binata at talagang ayaw tumanggap ng manliligaw.
Noong araw na ‘yon, habang isinisiksik ng naturang dalaga ang mga bulaklak na natanggap sa kanilang basurahan, pinasok niya sa silid nito ang mga liham na pasimple niyang nakuha rito.
“Kailangang itabi ang mga ganitong bagay, Lydia!” wika niya sa sarili habang naghahanap ng mapagtataguan nito.
Habang siya’y naghahanap ng mapaglalagyan, nakuha ng isang itim na kahon sa itaas ng damitan nito ang atensyon niya.
“Parang ngayon ko lang nakita ‘yon, ha? Sino kaya ang may bigay no’n?” pagtataka niya saka agad itong sinungkit.
Pagbukas niya nito, tumambad sa kaniya ang isang lumang kwaderno na naglalaman ng mga sulat ng naturang dalaga noong siya’y nasa puder pa ng totoo niyang mga magulang.
Naisipan niyang basahin ang mga liham na naroon at labis siyang nabigla sa nalaman niya.
“Mama, muli na naman po akong ginalaw ni papa.”
“Nagpalit ka nga ng asawa, mama, pero parehas lang sila ni papa. Bakit po ang hilig niyo sa lalaking mapagsamantala?”
Bago pa man pumatak ang mga luha niya sa panlulumong nararamdaman, dumating na ang naturang dalaga at agad na kinuha sa kaniya ang naturang kwaderno.
“Tita naman, sabi sa’yo, huwag mong pakikialaman ang gamit ko!” inis na wika nito, kitang-kita niya ang kaba at takot sa mata nito dahilan para agad niya itong yakapin.
Hagulgol nito ang sumunod niyang narinig.
“Kaya ba ayaw mong magpaligaw? Kaya ba ayaw mo sa mga lalaki?” tanong niya rito, tumango-tango lang ito at muli siyang niyakap nang mahigpit.
Hindi niya mawari kung anong dapat sabihin at gawin sa takot na takot na dalaga. Dalawang dekada man na ang nakalilipas, alam niyang sariwa pa rito ang bawat pangyayaring iyon kaya ganito na lang ito katakot.
Wala man siyang magawa sa mapait na karanasan nito dahil ilang dekada na ang nakalipas, sinigurado niya namang araw-araw, kahit paunti-unti, magagawa nito na kalimutan ang pangyayaring iyon sa pamamagitan ng kaniyang pagmamahal.
Kung dati ay pinipilit niya itong magpaligaw, ngayo’y siya na ang tumataboy sa mga binatang nagpupunta sa kanilang bahay hangga’t nararamdaman niyang hindi pa ayos ang puso ng dalaga. Sa ganitong paraan, napoprotektahan niya ang dalaga sa pag-alala sa naturang trauma.
Ayaw man niyang matulad ito sa kaniya, kung may masama naman pala itong karanasan sa mga lalaki, wika niya, “Gawin mo kung anong sa tingin mo makapagbibigay ng kapayapaan sa puso mo. Ang Diyos na ang bahala sa’yo,” saka siya mahigpit na niyakap nito.

