
Isang Papag ang Napulot at Iniuwi ng Asawa Niya; Sunod-sunod na Kakatwang Pangyayari ang Naranasan Nila
Mula sa malayo ay rinig na rinig na ni Salome ang tinig ng kaniyang asawa na si Arnaldo.
“Salome! Salome!”
Tila sabik ito, kaya naman tinanaw niya ito mula sa kahoy na bintana. Mag-isa nitong bitbit ang isang papag na gawa sa kahoy!
Takang sinalubong niya ang asawa na noong ay ilang hakbang na lamang mula sa maliit nilang tahanan.
“Aba’y saan mo naman nakuha ‘yan?” usisa nito nang mailapag nito ang papag sa tapat ng bahay.
“Doon sa may tambakan. Sayang din naman kasi at magagamit pa,” anito habang nagpupunas ng tagaktak nitong pawis.
Sumang-ayon naman siya sa asawa. Tama ito, magagamit pa talaga ang papag at nakakapanghinayang kung itatapon.
Perpekto pa ang laki noon dahil sigurado siyang kasya silang mag-asawa doon, pati na ang dalawang bata.
“Tamang-tama! Mas ayos na ‘yan kaysa maglatag tayo ng karton at banig sa sahig!” aniya sa asawa.
Magkatuwang nilang binuhat ang papag papasok ng bahay. Pinunasan lang niya iyon ng basahang basa upang masiguro na walang kahit na anong dumi ang nakakapit doon.
Hatinggabi. Naalimpungatan si Salome dahil pabiling-biling sa higaan ang bunso niyang anak. Pawisan din ito kaya naman nilakasan niya ang electric fan at itinutok sa bata.
Hinaplos-haplos niya ang likuran nito hanggang sa lamunin na rin siya ng antok.
Kinabukasan, habang nagluluto siya ng almusal ay panay ang hikab niya, bagay na napansin ni Arnaldo.
“Hindi kasi makatulog si bunso, parang naiinitan. Nagigising-gising ako kaya napuyat,” katwiran niya.
“Baka hindi pa sanay sa bago nating higaan,” dagdag naman nito, na may punto rin naman nang mapag-isip-isip niya.
Ngunit nang gabing iyon, sa kaniyang pagtataka ay ang panganay na anak naman niya ang hindi nakatulog nang maayos. Nagising na lamang itong nag-iiiyak kaya wala siyang ibang magawa kung hindi ang bantayan ito at makipagkulitan dito.
Inggit na inggit nga siya sa bunso at sa asawa na mahimbing ang pagkakatulog.
Katutulog lamang ng panganay niya, at papikit na rin ulit siya ng marinig niya ang pag-ungol ni Arnaldo.
Nang lingunin niya ito ay tahimik tagaktak ang pawis nito habang pabiling-biling ang ulo habang mariin ang pagkakapikit.
Dali-dali niya itong nilapitan nang mapagtantong binabangungot ito. Marahan niyang tinapik ang pisngi ng asawa.
“Arnaldo, gumising ka…” aniya habang tinatapik ito sa pisngi.
Nang hindi ito magising ay saka niya ito niyugyog sa balikat. Ilang minuto niya rin itong ginising bago ito bumalikwas ng bangon na tila hapong-hapo.
“Binabangungot ka,” wika niya sa asawa habang inaabutan ito ng isang baso ng tubig.
“Oo nga. Buti ginising mo ako. Gusto kong sumigaw, pero walang lumalabas na boses,” nakangiwing kwento nito. Bakas sa mukha nito ang bahagyang takot.
“Baka dahil sa pagod ‘yan. Matulog ka pa riyan, magluluto na ako ng almusal,” aniya sa asawa. Alam niya kasi na pagod na pagod ito sa maghapong pagtatrabaho.
Nang makatapos siya ng mga gawaing bahay nang hapong iyon ay nakaramdam siya ng pagod, kaya naman sumalampak siya sa papag.
“Pwede pa ako humiga-higa, nasa school pa naman ang mga bata,” sa isip-isip niya.
Hindi niya namalayan na na nakaidlip pala siya. Ngunit nang idilat niya ang kaniyang mata ay nagimbal siya sa nakita.
Sa may paanan niya ay may nakatayong lalaki na naka-suot ng itim na pantalon at barong tagalog. Pilit niyang inaaninag ang mukha nito, ngunit hindi niya makita.
Halos manginig siya sa takot nang may mapagtanto – bakit may lalaking nakabarong sa loob ng bahay nila?
Napasigaw siya sa takot, ngunit walang tinig na lumalabas.
Napabalikwas siya nang marinig ang mga anak niya na nag-iiyakan. Nang idilat niya ang mata niya ay narinig niya ang pagpalahaw ng dalawa niyang anak mula sa labas ng bahay.
Agad siyang tumayo mula sa pagkakahiga. Tagaktak ang kaniyang pawis, kahit na malamig naman ang panahon.
Dumating na pala ang mga anak niya mula sa eskwelahan at umiiyak dahil naka-lock ang pinto ay hindi sila makapasok.
Dali-dali niyang binuksan ang pinto at niyakap nang mahigpit ang mga bata.
Nang dumating si Arnaldo ay agad niyang ikinuwento rito ang kakatwa niyang karanasan. Matagal itong nanahimik bago nagsalita.
“Sa tingin ko, dapat ay hindi natin iniuwi rito ang papag. Ibabalik ko na ‘yan kung saan ko kinuha,” pagdedesisyon nito.
Hindi niya na iyon tinutulan dahil tama ito. Nagsimula lang naman sila makaranas nang kakaiba noong inuwi ng asawa niya ang papag sa bahay nila.
Inilabas nila ang papag at nang gabing iyon, gaya ng dati ay sa naglatag sila ng karton at banig sa sahig. Nakatulog sila nang mahimbing at payapa.
Kinabukasan din ay ibinalik ni Arnaldo ang papag sa tambakan at labis ang kilabot niya nang marinig ang kwento nito.
“Kamamat*y lang pala ng may-ari ng papag. Binangungot. Kaya pala kahit bago-bago pa, itinapon na ang papag. Siya raw ‘yung naka-barong. ‘Yun ang suot niya noong ibinurol,” kwento nito. Maging ito ay kababakasan ng takot ang mga mata.
“Mabuti habang maaga ay naialis natin sa loob ng bahay. Nakakatakot!” komento niya, na tinawanan naman nito.
“Hayaan mo, ‘pag nagkapera, bibili tayo ng papag. ‘Yung hindi nakakatakot,” pangako nito.
“Ayos na ako sa sahig, basta hindi puyat, at walang lalaking naka-barong na dumadalaw sa panaginip!”
Nagkatawanan ang mag-asawa.

