Inday TrendingInday Trending
Grabe ang Tampo ng Kaniyang Lolo nang Makaligtaan Niya ang Kaarawan Nito; Paano na Siya Makakabawi?

Grabe ang Tampo ng Kaniyang Lolo nang Makaligtaan Niya ang Kaarawan Nito; Paano na Siya Makakabawi?

Problemado si Rico. Halos isang linggo na kasing matamlay ang kaniyang Lolo. Nagsimula ang pagmumukmok nito nang makaligtaan niya ang kaarawan nito.

Kaya naman gustong-gusto niyang bumawi sa kaniyang Lolo Karding, subalit mukhang mahihirapan siya.

Lahat na ay inaalok niya sa matanda. Tinanong niya ito kung gusto ba nito ng bagong sapatos, dami, cellphone – o ‘di kaya ay computer para naman malibang-libang ito – ngunit naging matigas ang pagtanggi nito.

Parati lamang itong nasa kwarto at nakatanaw sa bintana.

Inalok niya na rin ito ng kung ano-anong paborito nitong masasarap ng pagkain ngunit ayaw din nito.Ano ba ang gagawin niya para mapasaya ang kaniyang Lolo?

Sabado. Walang pasok si Rico nang araw na iyon kaya naman nagdesisyon siya na linisin ang mga tambak sa bodega.

Nais sana niya na gawin iyong munting opisina dahil kung minsan ay pinapayagan sila na sa bahay na magtrabaho.

Nasamid siya nang pagbukas pa lamang ng pinto ng bodega ay sinalubong na siya ng makapal na alikabok.

“Mukhang marami-rami akong lilinisin,” naiiling na bulong niya bago sinimulan ang pangangalkal.

Pinaghiwalay niya ang mga pwede pang mapakinabangan at ang mga kailangan nang itapon. Kahit karamihan sa mga appliances na naroon ay sira na, may iilan pa ring kaya pang pakinabangan.

Isa na roon ang lumang radyo. Naalala pa niya noong bata pa siya. Sa t’wing araw ng Linggo ay kasama niya ang kaniyang Lolo na nakikinig ng mga lumang kanta. Ito, habang humihigop ng mainit na kape, at siya naman, habang umiinom ng mainit na gatas.

Nang subukan niya ang radyo ay hindi pa galralgal ang tunog nito at maayos pa.

Hindi maiwasan ni Rico ang mapangiti sa daloy ng masayang alaala. Muli tuloy siyang nakonsensya.

Mula pagkabata kasi ay silang mag-Lolo na ang magkasama. Pero dahil sa sobrang abala sa trabaho ay nakaligtaan niya ang araw na espesyal para rito.

Nang ituloy niya ang pagkakalkal ay muli siyang napangiti.

“Buhay pa pala ang mga komiks na ‘to?” natutuwa niyang bulalas.

Mabilis niyang inisa-isa ang mga pahina at napasuntok siya sa hangin sa saya nang makitang maaari pang mapakinabangan ang lahat ng komiks.

Ang Lolo niya ang nagturo sa kaniyang magbasa. At isa sa pinakapaborito niyang basahin ay ang mga katatakutang komiks na nirerentahan nito.

Hindi niya alam na naitago pala iyon ng Lolo niya matapos ang ilang dekada.

Marami pang nakalkal si Rico na naging dahilan para magbalik siya sa nakaraan. Dahil doon ay isang ideya ang naisip niya.

Parang alam niya na kung ano ang magpapasaya sa Lolo Karding niya.

Linggo. Maagang gumising si Rico. Nagtungo siya sa panaderya upang bumili ng pandesal, ang paboritong almusal nilang mag-Lola.

Gumawa siya ng kapeng barako. Siniguro niya na manunuot ang amoy ng kape sa buong bahay. Hindi naman siya nagkamali dahil ilang sandali lang ay nakarinig na siya ng kaluskos sa silid ng kaniyang Lolo, tanda na gising na ito.

Noon niya binuksan ang lumang radyo. Napangiti siya nang marinig ang isang pamilyar na kanta na madalas nilang sabayan.

Ilang segundo lang ang lumipas ay lumabas na ang kaniyang Lolo. Maaliwalas ang mukha nito habang nakapako ang tingin sa radyo na tumutugtog.

“Lolo, kape at pandesal po?” nakangiting alok niya, na hindi naman nito tinanggihan.

Tahimik na kumain sila ng almusal habang nakikinig sa mga lumang awitin na panaka-naka nilang sinasabayan.

Galak ang nakita niya sa mukha ng matanda nang ipakita niya rito ang mga komiks na nakalkal niya mula sa bodega.

“Buhay pa pala ang mga ‘to?” ngiting-ngiting bulalas nito.

Maya-maya pa ay abala na silang mag-Lolo sa pagpapalitan ng komiks.

“Mahina ka na pala, ‘Lo. Dati madalas kang mauna magbasa, ngayon babagal-bagal ka na!” kantiyaw niya sa matanda.

“Malabo na ang mata ko!” humahagikhik na katwiran naman nito.

Napangiti si Rico. Matagal-tagal niya rin kasi hindi narinig ang matinis na halakhak ng kaniyang Lolo. At walang ibang dahilan kundi dahil lagi siyang abala sa trabaho, kaya hindi na sila nakakapag-usap.

Noon niya napagtanto na hindi masisilaw ang Lolo niya sa kahit na anong mamahaling regalo o gamit. Dahil ang mahalaga lamang dito ay mga sandaling magkasama sila.

Namasa ang kaniyang mata nang maalala ang kasalanan niya sa matanda.

“Sorry po, Lolo. Sorry po kung kung minsan ay nakakaligtaan ko kayo,” aniya sa matanda.

“Walang problema ‘yun sa’kin, hijo. Alam ko na may mga responsibilidad ka. Gusto ko lang na kung minsan ay makausap ka pa rin kahit papaano. Alam mo naman na ikaw lang ang mayroon ako. Anong gagawin ko kung makalimutan mo na ako? Eh ‘di wala na akong silbi sa mundo?” madamdaming sagot nito.

“Paano naman kita malilimutan, Lolo? Ikaw na ang tumayong Nanay, Tatay, Lolo, at Lola para sa’kin, Lolo!”

Isang malaking ngiti ang ibinigay nito sa kaniya. Muli ay binalot sila ng mapayapang katahimikan, habang tumutugtog nang mabini ang isang lumang kanta.

Natutunan ni Rico kung gaano kahalaga ang Lolo niya. Kaya naman sisiguraduhin niya na hindi na nito mararamdaman na may bagay na hihigit pa kaysa rito. Mas mahalaga pa ito sa kahit na anong bagay sa mundo!

Advertisement