“Naku, ikaw na ba ‘yan, Grace? Grabe naman, ang taba-taba mo na!”
Imbes na mainit na pagbati ay katakot-takot na pamumuna ang inabot niya sa tiyahin na galing sa ibang bansa.
Agad na nalukot ang mukha ni Grace ngunit hindi niya ito ipinahalata.
“Kumusta po? Mukhang nakakaganda sa Japan, Tita!” maligaya niyang bati. Nais niya sanang ibahin ang usapan ngunit tila determinado ito na sirain ang araw niya.
“Alam ko na! Mayroon akong mga nabiling gamot dito. Pampapayat. Sa iyo na lang dahil mukhang mas kailangan mo,” walang prenong sabi nito habang hinalughog ang bag.
Hindi na siya nakatanggi nang sapilitan nitong binigay sa kaniya ang dalawang bote ng mga tableta.
Nang tanggapin niya ang mga iyon ay saka lamang siya nito nilubayan. Ngunit siya rin ang paksa ng usapan nito ang ng kaniyang ina.
“Marjorie! Ano ba namang ‘tong anak mo? Ang taba-taba, parang napabayaan sa kusina!”
Lalo siyang nadismaya nang makitawa ang kaniyang ina at sumang-ayon dito.
“Matagal ko nang sinasabihan ‘yan na magbawas ng kain para pumayat. Hindi naman nakikinig,” komento ng Mama niya.
Mula nang mag-aral siya sa kolehiyo at nadagdagan ng kaunti ang kaniyang timbang ay pare-pareho ang narinig niya sa mga tao. Kakilala man o hindi kakilala. Ang palaging napapansin ng mga ito ay ang “katabaan” niya na kung tutuusin ay tama lang para sa kaniyang edad.
Palibhasa pamilya sila ng mga beauty queen kaya tila inaasahan na ng lahat na dapat ay mala-modelo rin siya.
Masaya naman siya sa kaniyang katawan noong una, ngunit dahil sa mga naririnig ay unti-unti na rin siyang naapektuhan at nawalan ng kumpiyansa sa sarili. Ang pinakamalala pa ay ang mga insultong galing mismo sa sariling pamilya.
“Maghiwalay na tayo. Hindi na kita mahal,” isang araw ay deklara ng kaniyang nobyo.
“B-bakit naman b-biglaan?” gulat na usisa niya.
“Hindi mo alam kung bakit? Hindi pa ba halata? Tingnan mo nga ‘yang sarili mo, Grace. Ang taba mo. Ang pangit mo na! Hindi ikaw yung Grace na niligawan at minahal ko. May iba na akong gusto,” walang awang litanya nito.
Isa iyong malaking sampal para sa kaniya. Nagawa siya nitong ipagpalit sa iba at parang kasalanan niya pa kung bakit. Sa isip niya ay nagdesisyon siya na gawin ang sinasabi ng mga tao: ang magpapayat.
“Kapag pumayat ako, kakainin niyo ang lahat ng sinabi niyo,” determinado niyang pahayag. Nang mga sumunod na araw ay inumpisahan niya na ang pagdi-diyeta.
Tinipid niya ang sarili sa pagkain nang sobra. Halos hindi na siya tumitikim ng pagkain at panay lang ang pag-inom ng mga pampapayat sa paniniwalang iyon ang tamang paraan para mabawasan ang timbang niya.
Madalas man siyang manghina at mahilo ay hindi niya iyon alintana. Ang dating napakasigla niyang personalidad ay nabago. Ngayon ay lantang gulay na siya, ngunit masaya siya dahil unti-unti niya nang nakikita ang kaniyang pagbabago.
Isang araw habang namimili siya ay isang babae ang lumapit sa kaniya.
“Grace, kumusta ka?”
Kumunot ang noo niya habang tinitingnan ito. Hindi siya sigurado kung kilala niya ba ito. Napakaganda ng babae, kahit ang katawan nito ay perpekto.
Nang hindi siya magsalita ay natatawa itong nagpakilala.
“Ano ka ba? Ako ‘to, si Jackie!
Napakurap siya. Unti-unti niyang nakilala ang babae. Si Jackie ay isa sa mga kaibigan niya noong high school.
Ngunit ibang-iba na ito ngayon. Kung noon ay tampulan ito ng tukso, ngayon ay uulanin na ito ng papuri!
Napangiti siya. “Jackie, ang ganda-ganda mo!”
Nang lapitan niya ito upang bigyan ng yakap ay bigla-bigla siyang nakaramdam ng matinding pagkahilo.
Bago siya mawalan ng malay ay ang tarantang paghingi ni Jackie ng saklolo ang narinig niya.
Nang imulat niya ang kaniyang mga mata ay nasa isang ospital na siya.
“Ano’ng nangyari?” agad niyang usisa.
“Nawalan ka ng malay bigla. Ang sabi ng doktor, dahil daw ‘yun kulang ka sa nutrisyon. Umamin ka nga sa akin, hindi ka kumakain, ano?”
Kahit hindi siya sumagot ay alam niyang alam nito ang totoo.
Alam mo, pinagdaanan ko na rin ‘yan dati. Kagaya mo, desperado akong baguhin ang sarili ko agad para makawala sa nakaririndi nilang mga komento. Pero natutunan ko na hindi ‘yan makabubuti sa’yo. Mali ang ginagawa mo, Grace. Dahil sa kagustuhan mong pumayat agad, nakokompromiso ang kalusugan mo,” maahabang sermon nito.
Natahimik siya dahil alam niyang totoo ang sinasabi ng kaibigan. Desperadong-desperado siya na pumayat agad at makita agad ang resulta, hindi para sa kaniya kundi para sa ibang tao.
“Kung gusto mo, tutulungan kita. Pero kung gagawin mo ito ngayon, hindi para sa iba kundi para sa sarili mo.”
Unti-unti siyang tumango at sumang-ayon sa sinabi nito.
Ng mga sumunod na buwan ay binabantayan niya pa rin ang kaniyang pagkain ngunit sinisiguro niya na may sapat na lakas at nutrisyon ang katawan niya. Kasabay noon ay ang pag-eehersisyo.
Ilang buwan pa lang ang lumilipas ay kitang-kita niya na ang resulta. Marami ang tuwang-tuwa sa pagbabago niya ngunit sa pagkakataong iyon, alam niya na kung sino ang mga tunay na may malasakit sa kaniya.
Natutunan ni Grace na higit sa sinasabi ng ibang tao, mas mabuting gawin natin ang pagbabago para sa ikabubuti natin.
‘Wag tayong matakot na magsimula at humingi ng tulong kung kinakailangan. Dahil mayroon mang tumutuligsa, mayroon din namang mga handang umalalay.


