
Ang mga Anak ang Pinagtatrabaho ng Ginang na Ito, Natuliro Siya nang Sigaw-sigawan ng Panganay na Anak
“Bakit ito lang ang nalikom mong pera, Toto? Kumupit ka rito para may maipangbili ka ng baraha, ano?” galit na sambit ni Dolores sa kaniyang bunsong anak habang binibilang ang hindi bababa sa singkwenta pesos na barya, isang hapon pagkauwi nito galing sa panlilimos.
“Naku, hindi po, nanay! Marami po kasing nag-iikot na mga pulis ngayon sa palengke kaya hindi po ako makapaggala-gala roon. Iyong ibang kasama ko nga po, nahuli ng mga pulis dahil wala naman kaming face mask,” kwento pa ng naturang musmos na labis niyang ikinagalit.
“Huwag mo akong pagsinungalingan, ha! Dati naman kahit may mga pulis na nagroronda, may naiuuwi kang malaki-laking pera! Umamin ka nang bumili ka ng baraha! Bakat na bakat d’yan sa shorts mo, o!” sermon niya rito habang kaniya itong dinuduro-duro.
“Napulot ko lang po ito, mama, sa kalsada. May mga naglalaro po kasing bata roon, pinatuyo ko lang po ito,” nakatungong wika ng paslit saka ipinakita ang barahang halatang galing sa pagkabasa.
“Nagdadahilan ka pa? Bumalik ka roon sa palengke at manglimos! Huwag kang uuwi nang hindi ka nakakaipon ng isang daang piso!” bulyaw niya rito saka niya ito malakas na itinulak palabas.
“Mama, baka po mahuli ako…” nag-aalinlangang sagot nito.
“Wala akong pakialam!” sigaw niya dahilan para mapilitan itong muling humayo sa palengke upang manlimos.
Kinse anyos ang ginang na si Dolores nang siya’y magpabuntis sa lalaking kinababaliwan niya upang huwag siyang iwan. Naniniwala kasi siyang kung magkakaroon na sila ng anak, hindi na siya iiwan nito katulad ng nais nito matagal na.
Siya nga ay nagtagumpay sa layunin niyang iyon dahil pinanagutan siya nito at sila’y nagkaroon ng isa pang anak pagkalipas ng limang taon.
Kaya lang, pagkasilang niya sa kanilang bunsong anak, doon na siya tuluyang iniwan nito. Labis man siyang nagmakaawa at umiyak sa harapan nito upang isalba ang kanilang pamilya, hindi na siya pinakinggan nito.
Simula noon, siya na ang mag-isang tumaguyod sa kaniyang dalawang anak. Ngunit paglipas ng apat na taon, nang matantiya niyang kaya nang mangalakal ng kaniyang panganay na anak, tumigil na siya sa trabaho niyang paglalabandera at umasa na lang dito.
At dahil nga naramdaman niyang tila kulang pa rin ang kinikita ng kaniyang panganay na anak, pati ang apat na taong gulang niyang anak, kaniya nang pinagtrabaho.
Araw-araw niya itong pinapagala sa kalsada upang manglimos habang siya, nagpapakasarap sa perang naiipon nito at ng kaniyang panganay na anak. Bumibili naman siya ng pagkain nilang tatlo ngunit lamang ang ginagasta niya para sa kaniyang sugal at bisyo at sa tuwing kakaunti ang nalilikom ng kaniyang mga anak, ganoon na lang siya nagagalit sa mga ito.
Nang araw na ‘yon, matapos niyang muling paalisin ang bunsong anak, agad siyang nagpunta sa kalapit na tindahan upang ipagbili ng sigarilyo, kendi, at softdrinks ang sikwenta pesos na bigay ng anak.
Ngunit, habang siya’y naglalakad pauwi sa kanilang bahay, natanaw niyang magkasama na ang kaniyang dalawang anak na pauwi na rin sa kanilang bahay.
“Hoy! Bakit uuwi na kayo agad? May nalikom na ba kayong pera, ha?” sigaw niya sa mga ito.
“Nalikom na pera? Iyan na lang ba talaga ang importante sa’yo, mama? Apat na taon lang itong si bunso, papalimusin mo kahit maggagabi na at maraming pulis na rumoronda? Para lang may pangbisyo ka?” sagot nito na ikinagulat niya maigi.
“Aba, sumasagot ka na? Baka nakakalimutan mo kung sino ang kinakausap mo!” bulyaw niya rito saka niya ito binatukan.
“Sino ka ba talaga? Nanay ka ba namin? Kasi kung nanay ka namin, ikaw ang magpapakain sa amin, hindi kami ang magpapalamon sa’yo!” sigaw rin nito sa kaniya, nagsimula na silang tingnan ng kanilang mga kapitbahay dahil dito.
“Sumosobra ka na! Nakakahiya sa mga kapitbahay!” saway niya rito saka bahagya niyang sinuntok ang dibdib nito.
“Dapat ka lang talagang mahiya! Nag-anak-anak ka, hindi ka naman responsableng ina! Hindi mo kami dapat pinapahirapan nang ganito, mama, gusto naming mag-aral, hindi magpalamon at tumugon sa bisyo ng walang kwentang taong tulad mo!” sigaw pa nito saka agad na hinila papasok sa kanilang bahay ang kanilang bunso, habang siya, naiwang tuliro roon dahil sa mga sinabi ng anak.
Magdamag niyang inisip ang lahat ng sinabi ng kaniyang anak na labis niyang ikinaiyak. Doon niya napagtantong tila hindi nga siya naging mabuting ina sa mga ito.
“Hindi ko dapat sila pinapahirapan nang ganito. Bakit ba ngayon lang ‘to sumagi sa isip ko?” iyak niya.
Simula noon, pinursigi niyang muling magbanat ng buto para sa mga ito. Pinahinto niya na sa pangangalakal at panlilimos ang mga anak at siya’y pumasok bilang isang kasambahay sa kaniyang kaibigan.
Hindi pa man niya agad na maipasok sa paaralan ang kaniyang anak, nangako siya sa sariling gagawin ang lahat upang makabawi sa mga ito.

