
Sakim sa Yaman at Mapanghusga ang Dalagang Ito, Isang Matanda ang Nagbigay Aral sa Kaniya
“Ano ba naman ‘yan? Mahuhuli na ako sa trabaho, eh! Bakit ba kasi nila pinapayagan ang mga pedicab na bumili rito sa drive-thru? Nakakainis naman!” inis na sambit ni Loraine sa kaibigan, isang umaga nang may maunang pedicab sa sasakyan niya sa drive-thru ng isang fastfood restaurant.
“Maghintay ka lang, friend, baka mamaya maraming binibili si manong na pagkain!” saway ng kaniyang kaibigan na ikinailing niya.
“Marami ‘yang bibilhin? Diyos ko! Sa itsura niyan na para bang hindi marunong magbasa? Saka, paanong marami siyang bibilhin, eh, pedicab niya nga, hindi niya mapaayos! Kita mo, o, punit-punit na ang likurang bahagi!” sagot niya pa habang pinagmamasdan ang matandang nasa kanilang harapan na kausap ng isang empleyadong kumukuha ng order nito.
“Malay mo naman, ‘di ba?” wika pa nito na ikinainis na niya.
“Naku, tigil-tigilan mo ako sa pag-iimahinasyon mo, ha? Nagugutom na ako at mahuhuli na ako sa trabaho!” sigaw niya rito saka bahagya niya itong binatukan.
“Halata nga, halos nalait mo nga buong pagkatao ng matandang nasa harapan, eh,” patawa-tawang sambit pa nito.
“Totoo lang ang sinasabi ko, ‘no! Baka nga nautusan lang ‘yan, eh, kaya nakapunta ‘yan dito!” panghuhusga niya pa rito saka matagal niya itong binusinahan upang magmadali sa pagbili.
Madali para sa isang mayamang dalagang si Loraine ang manghusga ng mga tao sa paligid niya dahil sa taba ng bulsang mayroon siya. Kahit saan man siya magpunta, hindi maaaring wala siyang minanaliit ng tao, lalo na kung naiistorbo siya ng mga ito.
Sa katunayan, yumaman lang naman siya dahil sa pagsama niya sa mga masisipag at matatalino niyang mga kaibigan na nakabuo ng isang kumpanya. Nang maging tanyag ang kumpaniyang ito at nagsialisan ng bansa ang kaniyang mga kaibigan upang bumuo pa ng ibang kumpanya sa ibang bansa, siya ang naiwan sa naturang negosyong nandito sa Pilipinas.
Simula nang siya na ang humawak dito, ni ayaw na niyang mapapalapit sa mga taong kapos-palad. Naging tikom ang kamay niya sa pagbabahagi ng biyayang nakakamtan niya kahit sa kaniyang sariling pamilya. Wika niya pa, “Ako ang naghirap tapos sila ang makikinabang? Hindi ko sila obligasyon, ‘no!”
Nang araw na ‘yon, matapos niyang businahan nang matagal ang naturang matanda, agad na itong umandar patungo sa parking lot kung saan nagtutungo ang mga naghihintay na order.
At dahil nga dalawang burger at dalawang kape lang ang binili nila ng kaniyang kaibigan, agad na rin silang sumunod sa parking lot upang maghintay ng kanilang binili.
“Sana naman, dalian nilang kumilos, ‘no? Kung hindi, magwawala talaga ako rito!” sigaw niya.
Magrereklamo pa lang sana siyang muli nang maagaw ng hindi baba sa limang empleyadong may bitbit-bitbit na mga pagkain ang patungo sa direksyon nila na ikinapagtaka niya.
Tumigil ang mga ito sa matandang lulan ng naturang pedicab na nasa harapan nila na ikinapagtaka niya at dahil nga nais niyang mapaligiran ng mga mayayaman, hindi niya pinalampas ang matandang ito.
“Mukhang mayaman nga itong si lolo, ha? Teka, baka maengganyo ko itong mag-invest sa kumpanya natin,” wika niya sa kaibigan na ikinailing nito.
Paglapit niya sa matanda, agad niyang tinanong kung mayaman ba ito at kung nais mang-invest ng pera sa kanilang kumpanya. Tinawanan lang siya nito at sinabing, “Hindi ako mayaman, hija, itong pinangbili ko ng sandamakmak na pagkain, ipon ko ito ng isang buwan sa pamamasada. Ibibigay ko ito sa mga batang lansangan, karamihan kasi sa kanila, hindi pa nakakatikim ng ganitong klaseng pagkain,” na kaniyang ikinagulat.
“Bakit uunahin mo pa ang iba, tatay, kaysa sa sarili mo?” tanong niya rito.
“Iyon naman talaga ang dapat gawin ng mga tao, hija, kaya kahit kakaunti lang ang pera ko, ipapamigay ko ito para mabigyan din ako ng biyaya. ‘Yon ang pinakamagandang investment sa buhay, hija, sana matutuhan mo rin iyon,” pangaral nito na bahagyang ikinalingid ng luha niya.
Agad nang umalis ang naturang matanda pagkatapos ng kanilang pag-uusap. Hindi niya magawang magmaneho pagkatapos noon dahil para siyang nanghina kasabay nang pagtaba ng puso niya dahil sa magkahalong emosyon. Naalala niya pa ang kaniyang mga lolo’t lolang nasa probinsya na kahit piso ay hindi niya natulungan dahil sa pagiging sakim niya.
Nang araw na ‘yon, imbis na sa trabaho siya dumiretso, sa bahay ng kaniyang mga lolo’t lola sila dumiretso ng kaniyang kaibigan. Binili niya ang mga ito ng grocery at bigyan ng pera pampaayos ng bahay ng mga ito.
Mangiyakngiyak siyang niyakap ng mga ito at sa unang pagkakataon, nakaramdam siya ng sayang hindi niya maipaliwanag na hindi naibibigay ng pera sa kaniya.
Simula noon, halos linggo-linggo na siyang namamahagi ng tulong sa kanilang kumunidad katuwang ng matandang iyon na hinanap niya pa. “Sa pagtulong lang pala ako sasaya, sana noon pa man, ginawa ko na ito,” mangiyakngiyak niyang sambit habang pinagmamasdang mamigay ng pagkain ang naturang matandang lulan na ngayon ng kaniyang sasakyan.