
Nagpadala sa Tukso ang Padre de Pamilyang Ito, Naiyak Siya sa Ginawa ni Misis
“Mahal, nand’yan na lahat ng kailangan mo, ha? Mayroon ka na riyang medyas, panyo, panloob, at iba pang kailangan mo. Tawagin mo lang ako kapag may kailangan ka pa, ha? Magluluto lang ako ng almusal sa kusina,” sambit ni Honey sa bagong gising niyang asawa, isang umaga matapos niyang ipaghanda ang mga kailangan nito sa pagpasok sa opisina.
“Salamat, mahal! Kahit matagal na tayong mag-asawa, hinding-hindi ka pa rin talaga nagbabago!” nakangiting wika ni Fred habang pinagmamasdan ang nakangiting asawa.
“Aba, syempre naman! Hangga’t walang nagbabago sa’yo, hindi ako magbabago!” patawa-tawang sagot nito.
“Mahal na mahal mo talaga ako, ‘no?” tanong niya rito saka niya ito niyakap.
“Hindi kita papakasalan kung hindi kita mahal na mahal! Kaya, handa akong gawin ang lahat para sa’yo, at sa mga anak natin. Pagsisilbihan ko kaya habang nabubuhay ako!” wika nito habang nakatingin sa mga mata niya.
“Salamat, maraming salamat, mahal ko! Pagpapakasal sa’yo ang isa sa mga tamang desisyong ginawa ko sa buong buhay ko!” sigaw niya pa na ikinatawa nito mabuti.
“Naku, ang tamis naman! Pero kailangan ko nang maghanda ng almusal natin, mamaya na tayo maglambingan!” sambit nito dahilan para magkunwari siyang malungkot na ikinatawa nito.
Masipag at talaga nga namang maaasahan ang asawa ng padre de pamilyang si Fred na talaga nga namang kaniyang pinagmamalaki sa lahat. Mapasusuotin man niyang damit o kahit kakainin niyang pagkain, ihahanda nito sa harapan niya.
Sobra siya nitong alagaan pati na ang kanilang mga anak. Halos hindi na nga ito nagpapahinga matugunan lang ang kanilang mga pangangailangan.
Kaya lang, sa pagiging maaasikasuhin ng asawa, ni hindi na ito nagkakaroon ng pagkakataon na makapaglambingan sa kaniya. Pag-uuwi siya galing trabaho, kung hindi ito nagpapahinga na, antok na antok na ito at wala nang ganang makipaglambingan sa kaniya. Sa umaga naman, pagkagising niya, nagluluto na ito ng almusal na labis niyang ikinaiinis kung minsan.
Dahil sa problema niyang ito na hindi niya naman masabi-sabi sa kaniyang asawa dahil alam niyang para sa kanila namang mag-aama ang ginagawa nito, naging malapit siya sa tukso, lalo na sa mga bago niyang katrabaho na pawang mga dalaga’t may magagandang katawan.
Nang minsan silang magkayayaang magkakatrabaho na mag-inuman, may hindi inaasahang pangyayaring ang nangyari nang siya’y malasing. Nagawa niyang iuwi sa isang motel ang isang dalagang katrabaho niya at doon sila nagpalipas ng gabi.
Wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang gabing iyon dahil sa wakas, muli niyang naranasan ang matagal na niyang nais maramdaman at kahit hindi ito sa pagitan nilang mag-asawa, tinuloy-tuloy niya ito hanggang sa magsawa siya. Kinaumagahan, maaga siyang nagising sa sandamakmak na tawag ng kaniyang asawa’t mga anak na labis niyang ikinataranta.
Agad siyang nagbihis at umuwi sa kanilang bahay kahit na hindi pa gising ang dalagang kasama niya.
Pagdating niya sa bahay, nakahanda na sa pagpasok sa eskwela ang kaniyang mga anak na kailangan niyang ihatid habang tahimik na naghuhugas ng pinggan ang kaniyang asawa.
“Pasensya na, mahal, napasarap ang…” pagdadahilan niya rito nang hindi nito pansinin ang presensya niya.
“Ang pagtulog mo kasama ang ibang babae? Ayos lang, naiintindihan kita. Ihatid mo na ang mga bata, baka huling pagkakataon mo na ‘yang gawin sa kanila,” wika nito na ikinalaki ng mata niya.
“Ma-hal, naman, hindi ba’t mahal mo ako? Anong pinagsasabi mo?” uutal-utal niyang tanong dito habang nagkakamot ng ulo.
“Mahal kita pero hindi para magpat*nga ako sa’yo! Ayokong masira ang pamilya natin para sa mga anak natin pero ayoko namang lumaki silang may manlolokong ama!” sigaw nito sabay sampal sa kaniya na ikinagulat ng kanilang mga anak.
Agad din nitong hinila palabas ang kaniyang mga anak bitbit-bitbit ang ilang gamit na hinanda na pala nito.
“Saan kayo magpupunta?” tanong niya ngunit wala siyang natanggap na kahit isang sagot.
Hinabol niya man ang mga ito, pilit siyang tinaboy ng kaniyang asawa. Wala siyang ibang magawa kung hindi ang maiyak habang nakaluhod sa kalsada.
“Bakit ko ba ipagpalit ang mag-ina ko para sa isang gabing kaligayahan?” iyak niya habang tinitingnan paalis ang sasakyang sinakyan ng kaniyang mag-iina.
Hindi naging madali ang buhay niya nang mawala ang kaniyang mag-iina lalo na ang kaniyang asawa. Wala nang nag-aasikaso sa kaniya at walang maingay sa kanilang bahay na labis niyang kinakapanibago at pinagsisihan.
Nalaman niya sa kaniyang kaibigan kung saan nagpunta ang kaniyang mag-iina. Agad niya itong pinuntahan upang humingi ng tawad.
Hindi pa man niya muling maibalik sa kanilang bahay ang mga ito, masaya siyang kahit papaano makasama ang mga ito sa saglit na panahon.
Simula noon, ginawa niya ang lahat upang bumalik ang tiwala ng kaniyang asawa at labis siyang umiwas sa tukso alang-alang sa babaeng pinakamamahal niya.