
Naglayas ang Binatang Ito nang Minsang Pagsabihan ng Ina, Naranasan Niya ang Hirap na Makitira sa Iba
“Mar, wala pa bang pagkain? Sumasakit na kasi ang tiyan ko, eh, kanina pa ako naglilinis ng bahay, wala akong mahagilap kahit isang tinapay sa kusina,” daing ni Jojo sa kaniyang kaibigan, isang tanghali matapos niya itong gisingin dahil sa pagkalam ng kaniyang sikmura.
“Maghintay ka na lang na magluto si mama, Jojo. Nakita mo namang natutulog pa ako, eh, gigisingin mo ako para lang sa pagkain mo!” bulyaw nito sa kaniya saka nagtalukbong ng kumot.
“Syempre, Mar, nahihiya akong magsabi sa mama mo. Ikaw lang naman talaga ang kakilala ko rito, eh,” giit pa niya habang hawak-hawak ang umiingay na tiyan.
“Maghintay ka na nga lang! Ano ba? Gutom na gutom ka na ba talaga? Hindi ka makapaghintay?” inis na sagot nito saka bahagyang nagdabog.
“Pasensya na, sumasakit na talaga tiyan ko, eh,” nakatungo niyang wika habang pinakikiramdaman ang galit na kaibigan.
“Lalayas-layas ka sa inyo tapos mag-iinarte ka rito sa bahay namin! Hindi pupwede rito ‘yong arte mo sa inyo!” sigaw nito sa kaniya saka siya hinagisan ng sampung piso, “O, ayan, bumili ka ng tinapay mo sa panaderya! Huwag mo na akong gigisingin, ha, sasapukin na kita!” babala pa nito sa kaniya, imbis na sumagot, agad na siyang lumabas ng silid nito at bumili ng kaniyang makakain.
Naglayas sa kanilang bahay ang binatang si Jojo nang minsan silang magtalo ng kaniyang ina, halos isang buwan na ang nakakaraan. Ang palagian niyang paglalaro ng kompyuter maghapon at paggagala sa gabi kasama ang kaniyang mga kaibigan ang kinagagalitan nito. Dahil ayaw niyang siya’y pinakikialaman, napagdesisyunan niyang huwag umuwi sa kanila upang makapahinga sa bunganga nito.
Sa katunayan, masasabing perpekto na ang buhay niya sa piling ng kaniyang mga magulang. Kahit siya’y nasa tamang edad na para magtrabaho, ni minsan, hindi siya nito pinilit na maghanap buhay upang magkaroon siya ng sariling pera. Siya pa ang palaging binibigyan ng pera nito panggastos niya sa sarili niya.
Wala rin siyang problema pagdating sa pagkain dahil lagi itong nasa oras kung magluto. Ito pa ang naglilinis ng kaniyang silid, naglalaba ng kaniyang mga damit at bumibili ng mga gamit na kailangan niya.
Halos prinsipe na nga ang turing nito sa kaniya ngunit sa tuwing siya’y pagsasabihan nito tungkol sa mga maling asal at aksyon niya, labis siyang nagagalit dito.
Buong akala niya’y magiging masaya ang buhay niya nang minsan siyang maglayas at manatili sa bahay ng kaniyang kaibigan.
Naging masaya naman ang buhay niya roon noong mga unang araw niya dahil mayroon pa siyang nahuhugot na pera sa bulsa niya. Siya ang palaging bumibili ng pagkain ng mag-anak ng kaibigan niyang ito, nagpapainom siya at kung anu-ano pang gastos ang tinutugunan niya.
Ngunit hindi kalaunan, nang mawalan na siya ng pera, ganoon na lang siya halos inalila ng kaibigan niya’t pamilya nito.
Siya ang pinaglilinis ng bahay, naghuhugas ng pinggan at nagpapakain at nagpapaligo sa mga batang kapatid nito.
Wika ng kaniyang kaibigan, “Iyan na lang ang bayad mo sa pagtira at pagkain dito sa amin,” na labis niyang ikinahiya.Naisin man niyang umalis doon, wala na siyang ibang maaaring mapuntahan dahilan para ganoon na lang siya magtiis.
Nang araw na ‘yon, matapos niyang bumili ng tinapay, agad na rin siyang bumalik sa bahay na iyon. Kaya lang, bago pa siya makapasok sa naturang bahay, pinaghahahagis na ng nanay ng kaibigan niya ang mga gamit niya palabas.
“Tita, ano pong ginagawa niyo?” pagtataka niya.
Doon niya nalamang may nawawala itong pera at alahas, at siya ang pinagbibintangang kumuha nito.
“Umuwi ka na sa inyo! Ayokong may malikot na kamay sa bahay ko!” sigaw pa nito, pilit man niyang linisin ang pangalan niya rito, ayaw siya nitong pakinggan at labis na siyang tinaboy palayo.
At dahil nga wala na siyang ibang mapupuntahan, naisipan na niyang bumalik sa kanilang bahay.
“Bahala na kung gaano kahabang sermon ang ibigay ni mama, basta, ayoko nang makitira sa iba,” mangiyakngiyak niyang sabi habang naglalakad pauwi.
Pagkarating niya sa kanilang bahay, sinalubong siya ng kaniyang mga magulang. Tuwang-tuwa ang mga ito sa pagbabalik niya saka siya mariing na niyakap na labis niyang ikinatuwa.
Tinanong ng mga ito kung bakit mugto ang kaniyang mata at doon niya kinuwento ang kaniyang pinagdaanan.
“Mahirap talagang makitira, anak, ngayong naranasan mo na, sana huwag ka nang maglayas sa simpleng pagtatalo natin dahil walang makakapantay sa pagmamahal na ibinibigay ng pamilya,” pangaral ng kaniyang ina saka siya muling niyakap.
Simula noon, inayos na niya ang kaniyang pag-uugali tungo sa mga kaniyang mga magulang. Nilimitahan niya na rin ang paggamit ng kompyuter at paggagala at bumawi sa mga ito sa pamamagitan ng pagtulong sa gawaing bahay.