Inday TrendingInday Trending
Labis kung Magmahal ang Ginang na Ito, Pati Babae sa Diyaryo’y Kaniyang Pinagseselosan

Labis kung Magmahal ang Ginang na Ito, Pati Babae sa Diyaryo’y Kaniyang Pinagseselosan

“Hoy, Mely, ano na naman bang sinusumbong sa akin ni Arnel, ha? Ano na namang ginawa mo sa babasahing diyaryo niya?” tanong ni Neri sa kaniyang anak, isang umaga matapos magsumbong ang kaniyang manugang tungkol sa ginagawa ng kaniyang anak.

“Ginupit ko lang naman ang mga babaeng nakasuot ng bikini roon, mama, anong masama roon? Ayoko lang naman na makakita siya ng mga sexy na babae tapos pagpapantasiyahan niya!” sagot ni Mely habang patuloy na ginugupit ang mga sexy na babae sa bagong biling dyaryo bago ibigay sa kaniyang asawa.

“Patawarin ka naman ng Diyos, Mely! Pati ba naman mga babae sa diyaryo, pagseselosan mo? Kakainggitan mo? Tingnan mo itong ginawa mo sa diyaryo, mababasa pa ba ito ng asawa mo? Guray-guray na nga, mukha pang pandakot ng dumi ng aso!” sambit pa ng kaniyang ina na ikinainis niya.

“Bakit ba nagagalit ka sa akin, mama?” tanong niya rito saka padabog niyang ibinaba ang hawak niyang gunting.

“Sobra ka na kasi magmahal, anak! Nakakatakot ka na! Sakal na sakal na ang asawa mo sa’yo!” wika pa nito saka hinablot ang hawak niyang diyaryo.

“Magtiis siya, ako ang pinakasalan niya, eh!” sagot niya pa.

“Iyon na nga, eh, kasal na kayo! Wala ka nang…” hindi na niya pinatapos ang pagsasalita nito at agad nang hinablot pabalik ang dyaryong ginugupit niya.

“Kahit kasal na, naaagaw at nagloloko pa rin, mama!” giit niya pa dahilan para mapabuntong-hininga na lang ito at siya’y layasan.

Mahal na mahal ng ginang na si Mely ang kaniyang asawa. Sa sobrang pagmamahal niya rito, halos araw-araw lumalalim ang kaniyang pagiging selosa na pati mga artista at modelong babae ay ayaw niyang makita ng kaniyang asawa.

Katwiran niya pa, “Baka kapag nakakita ng maganda at sexy na babae ‘yan, ipagpalit ako niyan!” dahilan para kahit mga litrato ng babae sa magazine, diyaryo at kung ano pa mang gamit ay kaniyang inaalis bago pa man makita ng kaniyang asawa.

Maganda at sexy naman talaga siya noon, kaya lang, simula nang isilang niya ang kanilang anak na kambal, doon na siya lumubo at hindi na muling bumalik ang dati niyang katawan at kutis na talaga nga namang nagbigay sa kaniya nang matinding insekuridad.

Sa katunayan, pati panunuod ng telebisyon ng asawa niya ay kaniyang binabantayan at kapag may sexy na babaeng lumabas sa telebisyon, agad niya itong isasara at masamang titingnan ang asawa niya. Tatawanan lang siya nito at agad na yayakapin na kaniyang lalong ikinaiinis.

Nang araw na ‘yon, matapos niyang gupitin ang mga sexy na babae sa diyaryo, napagdesisyunan niyang labhan ang mga uniporme ng kaniyang asawa.

Kaya lang, bago niya ilublob ang uniporme nito sa tubig, nakita niyang tila may isang bagay sa bulsa ng pantalon nito at pagkapa niya rito, agad nang nag-init ang ulo niya nang mapagtantong lipstick ito.

Agad niyang tinawagan ang kaniyang asawa kahit na ito ay nasa trabaho.

“Umuwi ka rito, may pag-uusapan tayo,” sambit niya na agad naman nitong pinagbigyan.

Wala pang ilang minuto, agad na itong nakauwi sa kanilang bahay. Hindi pa man ito nakakapasok sa kanilang pintuan agad na niyang ipinakita rito ang lipstick na nakuha niya.

“Bagong bili mo ‘yang lipstick? Magkano ‘yan?” walang muwang na sabi nito na lalo niyang ikinainis.

“Huwag mo na akong lokohin, Arnel, kanino itong lipstick na ito?” seryoso niyang tanong.

“Aba, malay ko, mahal. Bakit ako ang tatanungin mo, eh, ikaw lang ang gumagamit ng lipstick dito sa atin?” tanong pa nito dahilan para makurot na niya ito sa braso.

“Nasa pantalon mo ito!” sigaw niya pa, bago pa sumagot ang asawa niya, narinig nilang nagwawala na kakaiyak ang isa sa kambal nilang anak.

“Mama! Nasaan na po ‘yong laruan na tinago ko roon sa labahan ni papa? Kinuha ba ni kambal? Nakakainis talaga ‘yon!” sigaw nito na bigla niyang ikinakamot ng ulo.

“Pinauwi mo ako dahil sa lipstick na laruan ng anak natin?” patawa-tawang tanong ng asawa niya sa kaniya, “Mahal, ikaw lang ang pinakamaganda at sexy na babae para sa mata ko. Ni minsan hindi sumagi sa isip kong mambabae o tumingin sa iba dahil ikaw lang ang gusto kong makasama habang buhay. Kahit literal mo na akong ipako sa bahay na ito, ayos lang, mapatunayan ko lang na ikaw lang talaga. Kayo ng mga anak natin ang buhay ko, hindi ko kayo kayang lokohin,” wika pa nito saka siya hinalikan sa noo na kaniyang ikinaiyak.

Simula nang pagkakataong iyon, unti-unti niyang binago ang sarili para na rin sa asawa niyang alam niyang naghihirapan na rin sa ugali niya.

Sa ganoong paraan, lalo niyang naparamdam sa asawa kung gaano niya ito kamahal at lumuwag ang kaniyang puso at pag-iisip dahil ngayon, siya’y nakatuon sa kanilang pamilya.

Advertisement