
Pangarap ng Babae na Makaahon sa Hirap Kaya Nilisan Niya ang Kanilang Lugar Pati ang Lalaking Iniibig Niya; Tama Kaya ang Naging Desisyon Niya?
Ayaw na ayaw na ni Carmen na magtrabaho pa sa asinan na pangunahing pinagkukunan nila ng ikabubuhay ng kaniyang pamilya. Halos isumpa niya ito kapag kinakausap ang kaibigang si Enton na isa ring trabahador doon.
“Nakakasawa na talaga ang ganitong buhay, araw-araw na lang na asin ang kasama ko, maalat na tuloy ang pakiramdam ko sa katawan ko, pati buhay ko’y inaalat na rin!” inis niyang sabi kay Enton.
“Ayan ka na naman, eh, puro ka reklamo sa trabaho natin,” sagot ng lalaki.
“Sunog na sunog na kasi ang balat ko sa araw-araw… ang itim-itim ko na, o! Gustung-gusto ko nang makaalis sa pesteng trabahong ito!” aniya pa.
“Mabuti nga at mayroon pa tayong pinagkakakitaan, eh, ‘di tulad ng iba riyan na walang trabaho. Kung pumapayag ka na kasing magpakasal sa akin, ‘di malulutas na ang problema mo! Hindi ka na magtatrabaho rito sa asinan dahil sa bahay ka na lang pipirmi,” hirit pa ni Enton.
“Tigil-tigilan mo nga ako riyan, Enton! Anong ipapakain mo sa akin, puro asin? Pareho lang naman tayong dito nagtratrabaho. Ayokong lumaki ang magiging anak natin na hirap din ang magigisnan,” sagot ng dalaga.
Matagal nang nanliligaw sa kaniya si Enton. Ang totoo’y may pagtingin din naman siya sa binata. Kung tutuusin ay lahat ng katangian ng isang lalaking nais niya ay taglay nito. Napakasipag din ni Enton at lahat ng trabaho ay kayang-kaya ng lalaki ngunit natatakot si Carmen na sagutin ang kaibigan dahil kagaya niya ay mahirap din ito at isa ring trabahador sa asinan. Kung sila ang magkakatuluyan ay anong klaseng buhay ang ibibigay nito sa kaniya? Sawa na nga siya sa hirap kaya ayaw niyang makapangasawa ng mahirap din. Tinitikis niya ang sariling damdamin para sa mataas niyang pangarap na makaahon sa kahirapan.
Isang araw ay kinausap niya si Enton. Buo na ang pasiya niya na lisanin ang lugar na iyon.
“Ano? Luluwas ka ng Maynila para lang pumasok na kasambahay?” gulat na tanong ng lalaki.
“Inirekomenda ako ng pinsan kong si Josie sa kaibigan ng amo niya. Malaki ang sasahurin ko roon ‘di tulad ng sahod natin sa asinan na kulang na kulang pa sa mga gastusin natin. Hindi pa ako maiinitan dahil maghapon akong nasa loob ng bahay ng magiging amo ko na naka-aircon!” tugon niya.
“Buo na ba talaga ang pasiya mo, Carmen? Hindi na magbabago ang isip mo?” seryosong tanong ni Enton.
“Oo, Enton. Hindi na magbabago ang isip ko. Huwag kang mag-alala, palagi naman kitang tatawagan o itetext eh. At kapag nakakita ako ng trabahong para sa lalaki, ipapasok kita para lagi rin tayong magkikita. Ito na ang simula ng katuparan ng mga pangarap ko na makaahon sa hirap.”
“Kung nakapagdesisyon ka na, eh sino ba ako para pigilan ka? Alam mo naman na palagi akong nakasuporta sa iyo. Kung ako ang tatanungin ay simple lang ang pangarap ko, isang payak na buhay na kasama ka… subalit kung talagang buo na ang loob mo’y maghihintay na lang ako sa iyong pagbabalik. Narito ako na matiyagang maghihintay para sa iyong pag-ibig,” sagot ni Enton.
“Salamat, Enton sa pag-unawa. Hayaan mo, kapag natupad ko na ang mga pangarap ko’y babalik ako rito at bibigyan ko ng katugunan ang alok mong pag-ibig sa akin,” sambit ni Carmen na hinawakan ang mga kamay ng lalaki na ang ibig sabihin ay may pag-asa ito sa kaniya.
Hindi naging hadlang si Enton sa pag-alis ni Carmen. Agad siyang lumuwas sa Maynila at pumasok na kasambahay sa isang pamilya. Akala niya ay magaan lang ang trabaho niya ngunit nagkamali siya. Halos lahat ng mga gawaing bahay ay inuutos sa kaniya. Hindi na rin siya nakakakain sa tamang oras dahil palaging tambak ang mga trabaho niya.
“Hoy, Carmen, pagkatapos mong maglinis diyan ay magluto ka na! Darating na mamaya ang senyorita mo, tiyak na gutom na ‘yon!” malakas na sigaw ng amo niyang babae.
“Opo, senyora!”
Hindi pa siya tapos sa kanyang ginagawa ay inutusan naman siya ng isa pang dalagitang anak ng amo niya.
“Carmen, labhan mo naman itong bestida ko, gagamitin ko bukas!” sigaw ng dalagita.
“Sige po, tatapusin ko lang muna itong ginagawa ko,” maayos niyang sagot.
“Tang *na, mamaya na ‘yan! Unahin mo muna ang inuutos ko sa iyo!” galit na sabi ng dalagita at ibinato sa mukha niya ang hawak nitong damit.
Gustong maiyak ni Carmen ngunit pinigil niya ang luhang nais kumawala sa mga mata.
“O-po, senyorita!” aniya. “Puro na lang sila utos. Parang alipin kung tratuhin nila ako rito,” habol pa niya sa isip.
At ang higit na masakit, minsan ay napagbibintangan pa siya sa kasalanang hindi niya ginawa.
“Nawawala ang aking antigong singsing at ikaw lang ang nakita kong pumasok sa kuwarto ko, Carmen!” galit na galit na sabi ng kaniyang among babae.
“Hindi ko po kinuha ‘yon, senyora. Naglinis lamang po ako ng kuwarto niyo at wala akong ginalaw na kahit ano. Ang anak niyo pong si Senyorita Luisa ang nakita kong naghalungkat ng mg gamit niyo kanina, maniwala kayo sa akin!” pagtatanggol niya sa sarili.
“Estupida! Huwag na huwag mong pagbibintangan ang anak ko sa nagawa mong kasalanan! Aminin mo na kasi na ikaw ang kumuha niyon at ibabawas ko na lamang sa suweldo mo! Aba, malaking halaga ‘yon! Hmp! Talagang mahirap pagkatiwalaan ang mga pat*y gutom!” inis na sagot ng among babae.
Wala siyang nagawa kundi ang umiyak. Kahit hindi siya ang kumuha ng alahas ng amo ay hindi ito naniniwala sa kaniya.
“Hindi talaga ako ang kumuha niyon!” hagulgol niya sa kusina habang nagluluto.
‘Di nagtagal ay napatunayan din na hindi talaga siya ang kumuha ng antigong singsing. Umamin ang anak ng kaniyang amo na ito ang kumuha pero imbes na humingi ng tawad ang among babae ay binalewala lang nito ang nangyari. Sa takot na maulit ang pangbibintang sa kaniya ay nagdesisyon na si Carmen na umalis sa trabaho at bumalik na lang sa probinsya.
“Hindi na talaga ako babalik pa sa bahay na ‘yon! Hindi tao ang turing nila sa akin! Sana ay nakinig ako noon kay Enton,” sambit niya sa sarili.
Pagbalik niya sa asinan ay malugod siyang sinalubong ni Enton.
“O, Carmen, nagbalik ka! Natupad mo na ba ang mga pangarap mo?” tanong nito.
“Napagtanto ko na wala sa Maynila ang pangarap ko, Enton. Nagbalik ako para dito ko na lamang bubuuin ang mga pira-piraso kong pangarap, sa piling ng mga taong tunay na nagmamahal sa akin,” sagot niya na ang tinutukoy ay ang pamilya niya, mga kaibigan, at si Enton.
Tuwang-tuwa si Enton sa sinabi niyang iyon. Isang mahigpit na yakap ang iginanti nito sa kanya at isang masuyong halik sa labi.
“Mahal kita, Enton. Ayoko nang dayain pa ang puso ko. Sanay ay nakinig ako sa iyo na huwag nang lisanin ang lugar natin, patawarin mo ako,” wika ni Carmen.
“Hinding-hindi mo pagsisisihan ang iyong pagbabalik sa piling ko,” masayang sagot ng lalaki.
Ano ba kung maglasang asin man at masunog ang balat ni Carmen sa init ng araw, basta’t ang mahalaga ay maligaya sila ni Enton. Makalipas ang ilang linggo ay ikinasal sila. Hindi inasahan ni Carmen na sa kaniyang pagbabalik sa asinan at pagpapakasal sa lalaking nagmamahal sa kaniya nang labis ay isa pang suwerte ang darating sa buhay niya dahil lingid sa kaalaman niya’y pinamanahan ng malaking lupain si Enton ng yumao nitong tiyahin na walang ibang pamilya kaya sa lalaki ibinigay ang malaking ektarya ng lupang taniman. Tama ang desisyon ni Carmen na sa lugar nila ipagpatuloy ang kaniyang mga pangarap dahil bukod sa walang kahulilip na pag-ibig ni Enton ay magandang buhay rin ang ibibigay nito sa kaniya.