Inday TrendingInday Trending
Binigyan ng Bulaklak ng Mag-Asawa ang Isang Babae; Hindi Nila Akalain na Ibabalik Nito ang Bulaklak na Ibinigay Nila sa Tamang Panahon

Binigyan ng Bulaklak ng Mag-Asawa ang Isang Babae; Hindi Nila Akalain na Ibabalik Nito ang Bulaklak na Ibinigay Nila sa Tamang Panahon

Pumutok na ang panubigan ni Sylvia kaya agad siyang dinala ng asawang si Roldan sa ospital.

Ilang oras ang lumipas at nailuwal na niya ang panganay nilang anak na babae na pinangalanan nilang Angeline. Matapos makapanganak ay ilalagay na sana si Sylvia sa pribadong kuwarto para makapagpahinga ngunit punuan na ang mga isahang kuwarto roon kaya sa pandalawahan na siya dinala ng mga staff ng ospital.

Doon niya nakilala si Harriet. Isa sa mga babaeng pasyente na nagsilang din ng sanggol.

“Hello!” bati nito sa kaniya.

“Hi! Ikaw ba ang makakasama ko rito sa kuwarto?” sagot ni Sylvia.

“Oo. Ako nga pala si Harriet. Unang anak mo rin ba ang baby mo? Babae o lalaki?” tanong pa ng kausap.

“Ako naman si Sylvia. Babae ang panganay namin ng asawa ko,” sagot ni Sylvia.

“Pareho pala tayo, baby girl din ang isinilang ko. Malas lang niya dahil hindi na niya kailanman masisilayan ang ama niya,” wika ni Harriet na napalitan ng lungkot ang mga mata.

Nagulat si Sylvia sa tinuran ng babae.

“Anong ibig mong sabihin?”

“Kamakailan ay nabalitaan ko na napasama ang asawa ko sa mga binawian ng buhay sa lumubog na barko sa bansa kung saan siya nagtatrabaho bilang pahinante. Sa kasamaang palad ay hindi ko man lamang siya nagawang ipagluksa dahil hindi pa nahahanap ang kaniyang labi. Sa ngayon ay hindi ko alam kung paano bubuhayin na mag-isa ang anak namin,” kuwento ni Harriet na ‘di na napigilan na maiyak.

Hindi nila napansin na nakikinig na rin pala sa usapan nila si Roldan na kanina pa interesado sa inilalahad ni Harriet. Gaya ni Sylvia ay naantig na rin ang puso ni Roldan sa malungkot na istorya ng babae.

“Huwag kang mag-alala, makakaraos din kayong mag-ina. May awa ang Diyos,” sabi ni Sylvia kay Harriet na patuloy pa rin ang pagluha.

“Tama ang asawa ko, huwag kang susuko sa buhay para sa iyong anak,” sabad ni Roldan.

“Salamat sa inyong dalawa ha? At least, medyo gumaan ang pakiramdam ko sa sinabi niyo,” sagot ni Harriet.

Nabalitaan ng mga kaibigan at kamag-anak ng mag-asawa ang pagsisilang ni Sylvia kaya laging pinupuntahan ng mga bisita ang kanilang kuwarto.

“Flowers for the new mother!” masayang wika ng isa sa malalapit na kaibigan ng mag-asawa.

“Ang gaganda naman ng mga bulaklak na ito! Thank you sa pagdalaw niyo!” tugon ni Sylvia.

Ang kalahati ng kuwarto kung saan naroon si Sylvia ay napuno ng mga pagkain at naggagandahang bulaklak na dala ng kaniyang mga bisita samantalang ang parteng kinaroroonan ni Harriet ay tahimik at walang dumadalaw ngunit kahit palaging maraming bisita si Sylvia ay hindi nakaramdam ng inggit si Harriet bagkus ay natutuwa pa ito.

“Masarap talaga ang maraming nagmamahal, ano? Maraming alaalang tinatanggap. Nakakapawi ng lungkot lalo na ang mga bulaklak na ‘yan na kay gaganda at kay babango pa na pati ako ay nahahawa sa kasiyahan mo,” wika ni Harriet sa kasama.

Gusto sanang tanungin ni Sylvia sa babae kung bakit wala man lang dumadalaw rito ngunit pinigilan niya ang isip dahil baka makaramdam na naman ng kalungkutan ang kasama.

“Nasa kuwarto natin ang mga bulaklak na ‘yan kaya parehong atin ang mga ‘yan,” tugon ni Sylvia.

Napangiti si Harriet.

“Salamat, Sylvia. Kung napapansin mo’y walang kahit isang bisita na pumupunta rito para dalawin ako iyon ay dahil nasa probinsya lahat ang mga kamag-anak ko at kaibigan. Hindi kasi boto ang pamilya ko sa aking napangasawa kaya mula noon ay tila itinakwil na nila ako. Nang manirahan kami rito sa Maynila ay hindi na nila ako kinumusta man lang. Ngayong dalawa na lamang kaming mag-ina ay balak kong bumalik na sa amin. Baka sakaling matanggap ulit ako ng aking pamilya,” sagot ni Harriet.

“Kung gayon ay babalik ka na sa probinsya?” tanong ni Roldan.

“Oo. Balak ko ay bukas na kami lalabas dito sa ospital at agad kaming tutuloy sa airport. Tutal ay malakas na naman ako,” tugon ng babae.

Tahimik na tumango ang mag-asawa sa sinabi ni Harriet. Maya maya ay may ibinulong si Sylvia sa asawa.

“Huwag mong kalilimutan ha, darling?” sabi ni Sylvia kay Roldan bago lumabas ng kuwarto dahil bibili ito ng kanilang makakain ngunit nang magbalik ito ay isang pumpon ng mga bulaklak ang iniabot nito kay Harriet.

“T-teka, a-ano ito?” gulat na tanong ng babae.

“Handog naming mag-asawa para sa iyo, Harriet. Alaala namin bilang iyong mga kaibigan. Kahit na ilang araw ka pa lang naming nakikilala ay magaan na ang loob namin sa iyo,” tugon ni Sylvia.

Hindi napigilan ni Harriet na maiyak.

“Nag-abala pa kayong dalawa. H-hinding-hindi ko ito makakalimutan, Sylvia, Roldan… dalangin ko’y walang katapusang kaligayahan para sa inyong mag-asawa. Iyon lang ang maisusukli ko sa inyong kabutihan,” sinserong sagot ni Harriet.

Kinabukasan ay nakalabas na sa ospital si Harriet kasama ang anak nito. Ilang araw pa ang lumipas ay si Sylvia naman ang nakauwi sa kanilang bahay kasama ang supling nila ni Roldan.

Mabilis na dumaan ang panahon at nakalimutan na ng mag-asawa si Harriet. Mula nang dumating sa buhay nila ang anak na si Angeline ay puro suwerte at kaligayahan na ang hatid nito sa kanila.

“Napakasuwerte talaga sa atin ni Angeline. Sa tuwing sasapit ang kaarawan niya ay bumubuhos ang biyaya sa atin,” masayang wika ni Sylvia habang kausap ang mister.

“Kahit ako’y ‘di makapaniwala sa suwerteng dumarating sa atin. Biruin mo, malaking pera ang kikitain natin sa investment na iyon at nagkataon na sa mismong araw pa ng kapanganakan ng ating anak nakatakda akong pumirma ng kontrata!” tuwang-tuwang sagot ni Roldan.

Habang lumalaki ang anak ay puro karangalan din ang ibinibigay nito sa kanilang mag-asawa.

“Congratulations, anak! Summa Cum Laude ka ng inyong unibersidad! Ipinagmamalaki ka namin ng iyong mama,” sabi ni Roldan sa anak sa araw ng pagtatapos nito.

“Hindi ko po ito mararating kundi dahil sa inyo. Para sa akin ay kayo dapat ni mama ang binibigyang-pugay,” sagot ni Angeline sabay abot ng pumpon ng mga bulaklak sa mag-asawa.

“Anak naman! Hindi ka na dapat nagbigay ng mga bulaklak dahil para sa amin ng papa mo, ikaw ang pinakamagandang handog sa amin ng Diyos,” naiiyak na tugon ni Sylvia na niyakap nang mahigpit ang anak.

Nag-uumpisa pa lamang na buuin ni Angeline ang mga pangarap nang isang balita ang biglang bumungad sa kanila.

“Ikinalulungkot kong sabihin tita na hindi na umabot nang buhay sa ospital si Angeline. Wala na po siya!” wika ng isa sa mga kaibigan ng dalaga nang tumawag ito sa telepono.

Aksidenteng nasagasaan ng kotse habang naglalakad ang kanilang kaisa-isang anak habang pauwi sa kanilang bahay kasama ang tatlong kaibigan. Isinugod ito sa ospital ng mga kasama ngunit huli na ang lahat. Halos gumuho ang mundo ng mag-asawa sa kinahantungan ng dalaga.

“Wala na si Angeline… ano pa ang halaga ng buhay natin, Roldan?” lumuluhang sabi ni Sylvia habang yakap ang asawa.

“Masaya na siya kung nasaan man siya ngayon. Matuto tayong tanggapin na hindi na natin siya makakasama pero mananatili naman siya sa ating isip at puso,” tugon ng mister.

Ilang linggo matapos mailibing si Angeline ay mayroong dumating na hindi nila inaasahang bisita…

“Magandang araw po. Kayo po ba si Sylvia Martinez?” bungad ng isang magandang dalaga.

“A-ako nga, hija. Ano ang kailangan mo sa akin?” tanong ni Sylvia na kasalukuyang kasama si Roldan na nakaupo sa sala.

“Ako po si Helena, anak po ako ni Harriet Hipolito na nakasabay niyong nanganak noon. Dalawampung taon na ang nakakaraan. Pumanaw na rin po ang inay at mag-isa na rin po ako sa buhay, pero nagbilin siya sa akin na sa tamang panahon ay ibalik ko ang pumpon ng mga bulaklak na ito sa mga kaibigan niya na minsang nagdulot sa kaniya ng kaligayahan. Kahit kailan ay hindi po niya kayo nakalimutan. Gumawa po talaga ako ng paraan para mahanap kayo para matupad ang tanging hiling ni inay,” sambit ng dalaga sabay abot ng pumpon ng mga bulaklak sa mag-asawa.

“O, Harriet! Ang aming kaibigan!” naluluhang sabi ni Sylvia habang bumalik sa alaala ang una nilang pagkikita ng babae.

Hindi makapaniwala ang dalawa sa pagbisita ng anak ng isang kaibigan na sa paglipas ng mga taon ay nakalimutan na nila ngunit ang hindi nila inasahan ay hindi pala sila nito nakalimutan hanggang sa bawian ito ng buhay dahil sa isang malubhang karamdaman. Sa pagkakataong iyon ay sumilay ang ngiti sa labi ng mag-asawa mula nang mawala ang anak nilang si Angeline, hindi nila akalain na isang masayang alaala ang magbabalik sa kanila ng nawala nilang kaligayahan sa tulong ni Helena.

Ulilang lubos na ang dalaga. Matagal na ring sumakabilang buhay ang kaniyang lolo at lola. Mula raw nang magpakasal ang kaniyang ina sa ama ay tinalikuran na sila ng iba nilang kamag-anak. Dahil wala ng ibang pamilya ay kinupkop ng mag-asawa si Helena at itinuring na tunay na anak.

Nagpapasalamat sina Sylvia at Roldan sa yumao nilang kaibigan na si Harriet, sa isip nila ay iniwan nito sa kanila si Helena para maipagpatuloy nila ang buhay kahit na nawalan sila ng anak. Sa tulong ng dalaga ay maipagpapatuloy nila ang pagiging magulang at muling mabuo ang kanilang pamilya.

Advertisement