Inday TrendingInday Trending
Mas Pinili ng Babae ang Mayaman at Tituladong Lalaki Kaysa sa Lalaking Patapon ang Buhay, Pagisisisihan Niya Pala ang Naging Desisyon

Mas Pinili ng Babae ang Mayaman at Tituladong Lalaki Kaysa sa Lalaking Patapon ang Buhay, Pagisisisihan Niya Pala ang Naging Desisyon

Matagal nang nanliligaw si Benedict kay Reyna ngunit hindi siya gusto ng dalaga. Maging ang mga magulang nito ay ayaw sa kanya.

“Reyna, bigyan mo naman ako ng pagkakataon na patunayan ang sarili ko sa iyo!” wika ng binata.

“Sorry, Benedict pero hindi ikaw ang tipo kong lalaki,” sagot ng dalaga.

Bukod kasi sa pasaway at basagulero ang binata ay marami pa itong bisyo gaya ng pag-inom, paninigarilyo at pambababae. Mahilig din itong magsasama sa mga barkadang walang direksyon ang buhay. Hindi rin nakatapos ng pag-aaral si Benedict dahil puro bisyo at pagbubulakbol ang alam kaya hindi ito pumasa sa panlasa niya.

Matapos niyang bastedin si Benedict ay isa na namang lalaki ang nagpahayag ng damdamin nito para sa kanya at iyon ay walang iba kundi si Stephen.

Nagmula sa mayamang pamilya ang binata at nakapagtapos sa kursong Architecture kaya botong-boto rito ang mga magulang niya.

“Naku, anak huwag mo nang pag-isipan pa, si Stephen ang nababagay sa iyo. Napakabait na bata, matalino, walang bisyo at nanggaling sa buena pamilya. Siya ang makapagbibigay sa iyo ng magandang buhay,” payo ng kanyang ina.

“Mas ‘di hamak na mas boto ako kay Stephen kaysa sa Benedict na iyon na hindi na nga nakapagtapos sa pag-aaral ay bulakbulero pa. Wala kang mapapala sa lalaking iyon!” gatol pa ng kanyang ama.

Habang nakahiga sa kama ay pinag-isipan maiigi ni Reyna ang sinabi ng mga magulang at sa naging desisyon niya ay tiyak na hindi siya magsisisi.

Sinagot niya si Stephen at sila ay naging opisyal na magkarelasyon. Nagbuhay reyna talaga siya nang maging boyfriend ang binata. Palagi siya nitong hatid sundo sa trabaho gamit ang magara nitong kotse. Gabi-gabi ay kumakain sila sa mamahaling restaurant at palagi siya nitong binibigyan ng mamahaling regalo.

Pati mga magulang niya ay naambunan ng suwerte dahil pati ang mga ito ay binibigyan ng pera ng binata para sa pang-araw-araw na gastusin.

“Masaya ka ba, babe?” tanong ni Stephen.

“Oo, babe, wala na talaga akong mahihiling pa!” aniya.

Hindi na inaksaya ni Reyna ang pagkakataon at agad na nagpakasal sa binata. Sa una ay patuloy ang pagbubuhay reyna niya ngunit napansin niya na habang tumatagal ay nagbabago ang ugali ng asawa.

“Kailan ka pa natutong uminom at manigarilyo? Alam mo naman na ayaw ko sa lahat ay lalaking may bisyo!”

Sa inis ng lalaki ay sinampal siya nito ng ubod lakas.

“Puwede ba, huwag mo akong pakikialaman sa gusto ko, asawa lang kita!” anito.

Nagpaalam din ito sa kanya na mag-o-overtime sa trabaho ngunit nabalitaan niyang sumama lang pala ang asawa sa mga kabarkada nito at magdamag na nag-inuman sa bar.

Isang gabi ay dumating itong lasing na lasing at napansin niya na may marka ng pulang lipstick sa kuwelyo ng damit nito.

“Ano ‘to, ha? Kailan ka pa nambababae? Sagutin mo ako!” bulyaw niya rito.

Imbes na magpaliwanag ay sinuntok siya nito sa tiyan na agad niyang ikinabuwal. Sa sobrang sakit ay hindi niya nakayanang makatayo.

“Ughh…bakit mo sa akin ‘to ginagawa, Stephen…”

Nang minsan dumalaw siya sa bahay ng mga magulang ay ikinuwento niya ang ginagawang pananakit sa kanya ng asawa.

“Ma, Pa, hindi ko na po kaya ang mga sampal at suntok ni Stephen!”

“Ang walang hiyang iyon! Kailan ka pa niya sinasaktan?” tanong ng kanyang ama.

“Buhat po ng naging mag-asawa kami. Akala ko mabait siya, akala ko wala siyang bisyo pero ‘yun pala…” patuloy na paghagulgol ni Reyna.

“Huwag ka nang bumalik sa inyo. Dumito ka na lang. At kapag pumunta dito ang lalaking iyon at kinuha ka ay kami ang makakalaban niya!” galit na wika naman ng kanyang ina.

Nang minsang lumabas siya ng bahay at bumili ng pandesal sa panaderya ay nakita niya ang isang pamilyar na mukha. Si Benedict, na may kasamang babae at batang babae na kung tatantiyahin niya ay nasa dalawa hanggang tatlong taong gulang.

“B-Benedict?”

Dahil napako na ang tingin niya kay Benedict ay napansin siya ng tindera sa panaderya.

“Kilala mo ba si Benedict at ang asawa niya?” tanong ng babae.

“M-may asawa na siya?” gulat niyang tanong sa kausap.

“Oo. May asawa na siya at iyong kasama nilang cute na bata ang anak nila. Alam mo ba, napakasuwerte nung babae kay Benedict kasi mula nang mag-asawa at magkapamilya ay itinigil na ang mga bisyo, pakikipagbarkada at pagiging basagulero. Ipinagpatuloy rin niya ang pag-aaral sa kolehiyo at nang makapagtapos ay nakapasa sa board exam at isa nang ganap na Engineer. Umayos ang buhay niya nang makilala ang asawang si Daniela. Napakabait din kasi ng babaeng iyon kaya bagay na bagay sila.”

Sa sinabi ng babae ay nakaramdam siya ng inggit at labis na panghihinayang. Kung natutunan niya sanang mahalin si Benedict at kung ito ang pinili niya ay maganda sana ang buhay may-asawa niya at hindi dinanas ang kalupitan ni Stephen. Sa isip niya ay nasa huli talaga ang pagisisisi.

Nakipaghiwalay si Reyna sa asawa dahil sa mga pisikal nitong pananakit sa kanya. Samantalang maganda at tahimik naman ang buhay pamilya ni Benedict, ang lalaking dati niyang binasted na akala niya ay patapon na ang buhay ay ‘di niya akalaing magiging matagumpay at mabuting asawa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement