Inday TrendingInday Trending
Isinisi ng Babae sa Katrabaho ang Nagawang Pagkakamali, Sa Huli ay Siya Pa ang Nawalan ng Trabaho

Isinisi ng Babae sa Katrabaho ang Nagawang Pagkakamali, Sa Huli ay Siya Pa ang Nawalan ng Trabaho

Nagtatrabaho sa iisang pharmaceutical company o pagawaan ng gamot ang dating magkaklase sa kolehiyo na si Olivia at si Noah. Sila rin ang naipagsama upang gumawa at maglinang ng gamot na panglunas sa isang kilalang karamdaman sa puso.

Tatlong taon na ang nakakalipas at wala pa ring progreso sa nasabing proyekto, kaya naman nagpursigi si Noah na mas trabahuhin pa iyon. Halos gabi-gabi na siyang hindi na umuuwi sa bahay para lamang magsaliksik, samantalang si Olivia naman ay petiks lamang sa kanyang trabaho.

“Noah! ‘Di ka pa uuwi? Tara na,” yaya ni Olivia.

“Mamaya na ako, susubukan ko nang tapusin ito. Mauna ka, baka hinahanap ka na ng mga anak mo,” sagot naman ng subsob sa trabahong si Noah.

“Ano ka ba? Pinapagod mo ang sarili mo, e sinuswelduhan naman tayo kahit hindi pa natin natatapos ‘yan. O, sige mauna na ako,” pagpapaalam nito.

Ilang linggo ang lumipas na ganoon ang nangyayari sa loob ng kanilang laboratory. Halos doon na natutulog si Noah, at palagi namang maaga kung umuwi si Olivia. Gayunpaman, sa tuwing oras ng pasok ni Olivia ay tumutulong pa rin siya sa pagsasagawa ng lunas.

Hanggang dumating ang araw na nakatapos na ang dalawa. Agad nila itong ipinresent sa kanilang boss, na agad namang dinala sa ospital upang isubok sa isang binayarang pasyente. Tiwala ang dalawa na magiging epektibo ang mahigit sa apat na taong proyektong kanilang pinaghirapan.

Ngunit taliwas sa kanilang inaasahan, kinabukasan ay agad silang kinausap ng doktor na sumubok ng kanilang gamot.

“Noah? Olivia? Palpak ang gamot na ginawa ninyo. Imbis na makatulong sa pagpapabuti ng puso ng ginang, lalo pa itong lumala,” wika ng doktor.

“Nako, sir. Heto kasing si Noah ang nagpumilit na ipasa agad namin ‘yan. Sa totoo lang, sabi ko nga sa kanya ay siguraduhin muna namin,” wika ni Olivia habang nagpapalakas sa doktor. Dumating na rin kasi sa parehong kwarto ang mga executives at boss nila sa kanilang kompanya.

“Pero tumulong ka rin naman, hindi ba? At isa pa, pumayag kang ipasa na natin,” sagot ni Noah.

“Tumigil na kayo. Walang magagawa ang pagtatalo ninyo,” wika ng kanilang boss.

“Sir? Patawarin niyo ho ako. Baka nga kasalanan ko po ang lahat. Dahil sa matinding kahihiyan na ito sa aking sarili, gusto ko na pong magresign sa kompanyang ito,” wika ni Noah sabay mabilis na naglakad palabas ng ospital.

“Sinabihan ko na talaga siya, sir. Tapos sa totoo lang? Siya lang halos ang gumawa noon e. Kaya palpak,” sulsol pa ni Olivia na tila ba wala silang pinagsamahan ni Noah.

Makalipas ang dalawang buwan, tila isang himala ang nangyari sa ospital. Ang ginang na pinainom ng gamot na ginawa ni Noah ay bigla na lamang gumaling mula sa matinding sakit niya sa puso. Agad siyang pinasuri upang masigurong ang paggaling niya ay dahil nga sa gamot, matapos ang ilang oras ay nakasiguro nga silang dahil nga iyon sa gamot ni Noah.

Ipinatawag si Noah sa ospital ng kanilang boss upang kausapin, pati na rin si Olivia sa hindi malamang dahilan.

“Noah? Congratulations. Ang ginawa mong gamot ay umepekto sa ating pasyente. Napakaraming buhay ang masasagip nito,” bati ni Sir William habang kinakamayan ang lalaki.

“Sir? Totoo naman ang sabi ni Noah dati. Tumulong po ako d’yan,” sabat naman ni Olivia.

“Kaya nga pala kita pinatawag Olivia, dahil gusto kong malaman mo na tinatanggal na kita sa trabaho.”

“Ha?! Bakit? E tagumpay nga ang proyekto namin ng partner ko oh!”

“Noong panahon na akala ng lahat ay palpak ang eksperimento niyo, anong ginawa mo? Ibinaling mo ang lahat ng sisi kay Noah, hindi ba? Ngayong tagumpay pala ito, gusto mo nang kuhain ang lahat ng parangal? Hindi ko hahayaang mangyari ‘yon. At isa pa, ang dami-daming empleyado ang nagrereklamo sa magaspang mong ugali. Pati na rin sa katamaran mo sa pagtatrabaho. Kaya, pinal na ang desisyon namin. Makakaalis ka na,” patuloy nito.

Pahiyang-pahiya si Olivia. Hindi niya inakalang iyon pala ang dahilan ng pagpapatawag sa kanya. Umalis na siya ng kompanya, habang bumalik naman sa trabaho si Noah. Umani ng sangkatutak na papuri at parangal si Noah sa larangan ng medisina, habang bali-balita ay wala nang kompanya ang nais tumanggap kay Olivia dahil kalat na kalat na ang ginawa niyang kalokohan sa dati niyang kompanya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement