Todo Bigay ang Babaeng Ito sa Kanyang Nobyo, Gumuho ang Kanyang Mundo nang Siya’y Iwan Nito
Dalawampung taon ang dalagang si Maxene nang ligawan siya ni Josh. Noong una ay ayaw niya pa sa binata dahil ang tipo niya sa lalaki ay matangkad at moreno, ngunit si Josh ay maliit lamang at maputi ang kutis. Ngunit dahil sa masugid nitong panliligaw, makalipas ang halos apat na buwan ay sinagot na rin siya ng dalaga.
Noong una’y tila si Josh ang malakas ang tama kay Maxene. Hindi niya maipagpalit ang nobya sa lakad kasama ng kanyang mga kaibigan. Ngunit lumipas ang isa pang taong at tila nabaliktad ang sitwasyon. Ngayon, si Maxene na ang nagkakandarapa sa kanyang nobyo.
“Babe? Saan ka pupunta?” tanong ni Maxene.
“Aalis nga lang. Kasama lang ng mga tropa ko. Inom lang kami sa may Ermita,” mabilis na sagot ni Josh.
“Na naman? Bakit lagi na lang? Pwede bang sumama?” nakangiting paglalambing ni Maxene.
“Tsk! Hindi pwede, puro kami lalaki doon. Anong gagawin mo roon?”
“Ganoon ba? Sige na nga. Ingat ka ha? Babawi ka ng oras sa akin, promise?”
“Oo na nga. Sige na, alis na ako,” inis na sagot ni Josh.
Kahit pa malamig na ang pakikitungo ng binata, takang-taka ang pamilya at mga kaibigan ni Maxene dahil todo-todo pa itong magbigay sa nobyo niya.
“Maxene! Magpakita ka naman sa amin. Palaging si Josh na lang ang kasama mo,” text sa kanya ng kaibigan niya noong kolehiyo.
Madalas siyang kinukulit ng mga ito na sumama kapag may lakad sila, ngunit palagi na lamang nagdadahilan si Maxene na abala siya sa kanyang trabaho. Pero ang totoo ay palagi lamang siyang nakabuntot kung saan man pumunta si Josh.
Isang hapon, nagising si Maxene sa text ng hindi kilalang number sa kanyang cellphone.
“Pumunta ka ngayon sa bahay ng boyfriend mo. Bilisan mo.”
Labis namang nagtaka si Maxene, ngunit sinunod niya ang payo nito. Agad siyang nagbihis at pumunta sa apartment ng kanyang nobyo. Inakala niya pa ay may sorpresa sa kanya si Josh kaya’t kinikilig pa itong pumasok ng pintuan gamit ang kopya ng susi na mayroon siya.
Ngunit lahat ng kilig ay napalitan ng sakit at panlulumo nang makita niya si Josh na nakahiga sa kamang siya pa ang bumili, habang nakapatong ang isang babae na tila sarap na sarap sa kanyang nobyo.
“ANG KAPAL NG MGA MUKHA NIYO! JOSH! HOY!” sigaw ng namumula sa galit na si Maxene.
“Anong ginagawa mo rito?” gulat na tanong ni Josh.
“Mahalaga pa ba ‘yon?! Sino ‘yan?! Lumayas ka ritong haliparot na babae ka!” sigaw ni Maxene habang umaakmang kakaladkarin palabas ang babae. Ngunit natigilan siya nang bigla na lamang siyang sinigawan at itinulak papalayo ni Josh.
“Huwag mo siyang sasaktan! Maxene, pwede ba? Umalis ka na rito. Hindi na ikaw ang mahal ko, matagal na. Makakaalis ka na!” ‘ika ni Josh.
Lalong nanggigil sa galit si Maxene.
“Talagang siya pa ang pipiliin mo kaysa sa akin?! Josh! Ibinigay ko sa’yo ang lahat. Kinalimutan ko ang mga kaibigan ko! Ang pera ko, imbis na sa pamilya ko ibinibigay ay sa’yo ko na lang inilalaan. Tapos ganito? Josh naman! Please lang, huwag mo akong iwan,” nagmamaka-awang sambit ni Maxene.
Ngunit wala na siyang nagawa. Kahit anong pilit niya ay ayaw na siyang balikan ng kanyang nobyo. Halos mawasak ang kanyang buong pagkatao nang dahil sa mga nangyari. Agad niyang tinawagan ang kanyang bespren na si Danica upang may makausap.
“Hello, bes? Danica?” wika ni Maxene sa kanyang cellphone habang humahagulgol.
“O, bakit? Aba’y nagparamdam ka! Hulaan ko, wala na si Josh ‘no?” pabirong sagot nito.
Ikinwento ni Maxene ang lahat ng kanyang nasaksihan, pati na rin ang mga salitang binitiwan ng lalaking dating siya lamang ang sinisinta. Hindi niya matanggap na bigla na lamang magbabago ang damdamin ni Josh para sa kanya.
“Sabi ko naman kasi sa’yo, hindi ba? Huwag mong gawing mundo ang alam mong tao lang. Ayan, pakiramdam mo tuloy ay wala ka nang pag-asa sa buhay ‘no? Girl! Hello! Lalaki lang ‘yan! Bilis, magkita tayo,” sagot ni Danica.
Nang magkita ang dalawa, agad yumakap si Maxene sa kanyang bespren. Humingi rin ito ng tawad dahil napakatagal niyang hindi nagpakita dahil lamang sa kasusunod niya kay Josh. Agad naman siyang pinatawad nito.
“O, ngayong single ka na, ano nang gagawin mo?” tanong ni Danica.
“Hindi ko alam! Pakiramdam ko ay hindi ko na kayang mabuhay e,” patuloy na pag-iyak ni Maxene.
“Gaga! Ang arte nito! Sasabunutan kita e. Akala mo naman hindi siya nabuhay ng dalawampung taon noong ‘di pa kayo magkakilala,” nakatawang pagpapagaan ng loob na sabi ni Danica.
“Ganito, magsimula ka sa sarili mo. Huwag mong pabayaan ang sarili mo, kumain ka pa rin at uminom ng maraming tubig. Aba’y paano na lang kapag nagkita kayo ulit ni Josh? Baka isipin nun na tama lang ang naging desisyon niya dahil losyang na losyang ka na!”
“Sumunod, libangin mo ang sarili mo. Gawin mo ‘yong mga bagay na hindi mo nagagawa dati noong kayo pa. Kung gusto mo akong yayain lumabas araw-araw e go lang ako!”
“At huli, mahalin mo ang sarili mo. Sa susunod na iibig ka uli, huwag mong hayaang simutin ka nila ng buong-buo. Palagi mong siguraduhin na magtitira ka para sa sarili mo,” sunod-sunod na payo ni Danica,
“Maraming salamat, ha? Makaka-asa ka, tatandaan ko nang lahat ‘yan. Thank you kasi hindi mo ako pinabayaan ngayong mag-isa,” pasasalamat ni Maxene.
“Ikaw pa ba? At may isa pa pala! Kalimutan mo na ‘yon ah? G*go ‘yon! Marami kaming nagmamahal sa’yo.”
Muling nagyakapan ang dalawa. Kahit papaano ay gumaan ang kanina’y umiiyak na puso ng dalaga.
Lumipas ang anim na buwan, at taimtim ngang ginawa ni Maxene ang lahat ng bilin ng kanyang bespren. Hindi nagtagal ay naka-move-on na siya agad at natutunan ang kahalagahan ng pagmamahal at pagtitira para sa sarili.
Magmula noon ay naging maingat na si Maxene sa pagpili ng lalaking mamahalin. At isinapuso niya ang lahat ng turo ng kanyang bespren upang makasigurong hindi na madudurog muli ang puso niyang pinaghirapan niyang buoin.
Isang araw habang nakaupo sa mall si Maxene kasama ang mga kaibigan, nagulat siya nang biglang dumating si Josh at nagmamaka-awang balikan siya. Labis daw itong nagsisisi sa lahat ng mga ginawa niya. Ngunit hindi pumayag si Maxene na makipagbalikan dahil hindi siya makakapayag na saktan muli ni Josh ang kanyang pusong ngayon ay maligaya na. Umalis siya kasama ng kanyang mga kaibigan na may malalaking ngiti sa kanilang mga labi.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!