Pitong Taon Pa Lamang ay Nagtatrabaho na ang Bata, Limang Pisong Barya ang Nakapagbago sa Buhay ng Kawawang Ulila
Nang ikasal ang mga magulang ni Tonyo ay nagdesisyon ang dalawa na lumipat ng Maynila mula sa probinsiya nila. Ngunit dahil sa hindi inaasahang pangyayari, maagang binawian ng buhay ang dalawa. Kaya naman maagang naiwan mag-isa at palaboy-laboy sa lansangan ang pitong taong gulang na si Tonyo.
Sa tulong ng isang mag-asawang pulubi, natuto si Tonyo na mangalakal ng basura na kanyang ibebenta sa malapit na junk shop. Sa kakaunting barya na kanyang kinikita doon, doon niya kinukuha ang kanyang pangkain at baon pamasok ng eskwela.
Kahit pa mapait ang naging buhay ng bata at maaga siyang namulat sa hirap ng buhay mag-isa, nakabaon sa pagkatao ni Tonyo ang mga pangaral sa kanya ng kanyang ama’t ina na maging mabuting tao.
Isang hapon matapos niyang mangalakal ay agad siyang tumungo sa junk shop upang ibenta ang mga bakal at boteng nakuha siya sa mga basurahan sa Maynila. Sa kasamaang palad, nasa labinlimang piso lamang ang kabuuan ng buong araw niyang pinaghirapan. Habang naglalakad pabalik sa kariton na kanyang tinutulugan kasama ng iba pang pulubi, hindi niya inaasahang malaglag ang limang piso sa palaisdaang kanyang dinadaanan.
“Hala! Ang limang piso ko! Pambili ko na ito ng kalahating kanin at kaunting sabaw,” sigaw ng mangiyak-ngiyak na bata.
Kahit maliit na halaga ang limang piso, para kay Tonyo ay napaka-laki na nito. Kaya naman hindi siya nagdalawang-isip na tumalon sa palaisdaan at sisirin ang kailaliman nito upang kunin ang baryang nahulog niya.
Pagkatalon sa tubigan, nahirapang makakita sa ilalim ng palaisdaan si Tonyo dahil maputik at karamihan ng lumulutang doon ay basura na lamang. Gayunpaman ay desidido siyang makuha ang limang piso kaya naman kinapa niya na lamang ito habang nakapikit sa maruming tubig.
Kakapusin na ng hininga si Tonyo nang makapa na niya ang limang piso. Tuwang-tuwa siya dahil hindi masasayang ang pinagpaguran niya ngayong araw. Sa wakas ay malalamnan niya na ang kumakalam niyang sikmura.
Pagka-ahon sa tubig, nagtaka siya dahil bukod sa baryang kanyang kinuha ay may kapiraso ng gintong metal ang sumabit kasama nito. Nang banlawan niya ng malinis na tubig, tumambad sa kanya ang magandang ginintuang singsing na kumikintab-kintab pa. Kahit bata pa siya, alam niyang malaking halaga ang magiging kapalit nito kaya naman pumunta siya sa pinakamalapit na sanglaan upang itanong ang halaga noon.
“Ale, pwede niyo ho bang tingnan kung magkano itong singsing na ito?” tanong ng bata sa babae.
“Saan mo ‘yan nakuha? Ninakaw mo ba ‘yan?” masungit na tugon ng babae.
“Hindi po, nakuha ko lang po sa palaisdaan,” sagot ni Tonyo.
“Akin na,” kinuha ng babae ang singsing at agad nanlaki ang kanyang mata.
“Bilhin ko na lang sa’yo ‘to! Bibigyan kita ng limang libong piso. Ano, payag ka?” tanong ng nakangising babae. Alam niyang magandang klase ang gintong iyon at mahigit sa isang daang libo ang tunay na presyo nito. Hindi siya nagdalawang-isip na gulangan pa ang kawawang bata.
“Ay hindi po, itinanong ko lang po ang presyo. Hindi naman po akin ‘yan,” magalang na sagot nito.
“Hindi nga sa’yo! May pangalan sa loob oh! Kung ayaw mong ibenta sa akin, umalis ka na rito,” ‘ika ng naiinis nang babae.
Kinuha ng bata ang singsing at binasa ang pangalan na nakaukit sa loob nito. Mabuti na lamang at marunong na siyang bumasa dahil ginagapang niya ang sariling pagpasok sa eskwela.
“R- rita Montilla?” bulong niya sa sarili.
Kahit pa alam ni Tonyo na malaking pera ang maaari niyang kitain sa pagbenta ng singsing, naalala niya ang turo ng kanyang ama na huwag mag-aangkin ng mga gamit na hindi sa kanya. Mabuti na lamang at nakaukit din nang maliit na maliit ang address ng nasabing babae. Agad iyong tinunton ni Tonyo upang isauli ang alahas.
“Tao po?” sigaw ni Tonyo habang pinipindot ang door bell sa labas ng napakagandang bahay.
Isang matandang babae ang lumabas ng pintuan at nakangiting bumati sa kanya.
“Totoy? Anong kailangan mo? Pagkain ba?” tanong ng matanda.
“Ay hindi po, kayo ho ba si Rita Montilla?”
“Ako nga. Bakit, hijo?”
Ikinwento ni Tonyo ang nangyari sa kanya, pati na rin ang singsing na nakuha niya sa ilalim ng tubigan. Agad na nanlaki ang mata ng matanda nang ipakita ni Tonyo ang singsing na hawak niya.
“P- pumasok ka sa loob,” wika ng naluluhang ginang.
Agad namang pumasok si Tonyo. Binigyan siya ng pagkain at inumin ng kasambahay ng matanda ayon sa utos nito. Matapos kumain ay agad na siyang kinausap ni Rita tungkol sa alahas na kanyang nakuha.
“Pumunta lang po ako rito upang isauli ang singsing ninyo. Aalis na po ako. Mangangalakal pa po ulit ako mamaya,” wika ng bata.
“Hijo! Teka, sandali. Ulilang lubos ka na ba?”
“Opo, mag-iisang taon na rin po.”
“Napaka-laki ng pasasalamat ko dahil ikaw ang nakakuha ng singsing kong ito. Sigurado ako na kung sa ibang kamay ito napunta ay napagkakitaan na nila ito. Maraming maraming salamat, hijo! Mahalaga ito sa akin dahil ito ang singsing na bigay sa akin ng aking namayapang asawa. Ninakaw kasi ito noon ng isa sa mga katiwala ko,” paliwanag ng matanda.
“Ganoon po ba? Wala pong anuman. Turo po kasi sa’kin ni papa na h’wag angkinin ang hindi sa akin,” nakangiting sagot nito.
“Hijo? Papayag ka ba kung dito na kita patirahin sa aking bahay? Tutal wala na akong kasama dito. At isa pa, hindi ligtas sa isang bata ang nagtatrabaho ng mag-isa at ng ganyan ka-aga,” alok ng matanda.
Napuno ng luha ang mga mata ni Tonyo. Hindi niya inaasahan na magiging ganoon ang kapalit ng simpleng pagsasauli niya ng gintong singsing na iyon. Maya-maya pa ay pumayag na ang bata. Agad siyang pinalinisan sa isa mga sa kasambahay, binihisan ng maayos, at kinalaunan ay itinuring na sariling anak ng matanda.
“Hindi kasi kami nagka-anak ng mister ko. Kaya noong pumanaw siya, naging napakalungkot ng buhay ko. Kaya masayang-masaya ako na dumating at kumatok ka sa pamamahay ko,” wika ni Rita.
“Maraming salamat din po,” maluha-luhang wika ni Tonyo habang niyayakap ang butihing matanda.
Nang dahil sa mabuting asal ni Tonyo ay nagantimpalaan siya ng higit pa sa inaakala niya. Magmula noon ay masaya at masagana siyang namuhay sa piling ng matanda. Kailanma’y hindi malilimutan ni Tonyo ang naging dulot ng pagsunod niya sa mga bilin ng kanyang yumaong ama’t ina.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!