Kahit Gipit ay Hindi Nagawa ng Kasambahay na Pagnakawan ang Amo, Malaking Gantimpala ang Ipinagkaloob sa Kanya ng mga Ito
Sa mahigit sampung kasambahay na kinuha ng mag-asawang si Lorie at Mando, tanging si Josie pa lamang ang nakaka-tagal. Bukas ay ang ikalawang taon na niyang naninilbihan sa matandang mag-asawa. Ayon sa mga nakaraang kasambahay nila, mahirap daw kasing pagsilbihan ang dalawa dahil matanda na nga at mahirap kausap. Maraming rin silang utos, madaldal, kadalasan ay makulit, at maselan sa pagkain.
Malaki ang pinapasweldo ng mag-asawa dahil noong kabataan nila ay nakaka-angat sila sa buhay. Hindi sila nabiyayaan ng anak kaya naman ang lahat ng ipon nila ay kung saan-saan na lamang din napupunta.
Para kay Josie, wala sa kanya ang pagsisilbi sa dalawa dahil halos ituring na niya itong sarili niyang mga magulang. Sa kabila ng mga ipinag-uutos at ipinagagawa sa kanya, napakabait ng trato sa kanya ng mag-asawa. Kaya naman napakalaki ng tiwala ni Lorie at Mando kay Josie.
Isang araw, nakatanggap ng tawag si Josie mula sa kanyang kapatid na nagbabantay sa kanyang anak.
“Ate! Si Junjun, isinugod namin sa ospital. Namumutla kasi at napaka-taas ng lagnat,” balita ni Trisha sa kanyang ate.
“Ha? Diyos ko, ang anak ko! Papunta na ako diyan, magpapaalam muna ako sa amo ko,” sagot nito.
“Magdala ka ng pambayad ate ha, ang sabi ng doktor kailangan daw ng hindi bababa sa sampung libo para sa pambayad dito sa ospital. Tapos iyong mga gamot pa,” anito.
Nang ibaba na ni Josie ang telepono, halos mamutla siya sa narinig. Saan nga ba niya biglaang kukunin ang sampung libong piso? Naisipan niyang bumale muna sa mag-asawa, ngunit naalala niyang kakabale nga lang pala niya noong nakaraang buwan para sa pag-eenroll ng kanyang anak sa eskwela. Inisip ni Josie na baka isipin ng asawa ay inaabuso na niya ang kabaitan ng mga ito.
Nag-ikot-ikot siya sa bahay upang mag-isip nang makita niya sa ibabaw ng mesa ang gintong relo ng kanyang amo, kasama ang makapal na pera na galing pang Europa. Sumagi sa isip niya na dahil madalas namang may nakakalat na ganoon sa bahay na iyon, hindi naman mahahalata kapag kumuha siya ng ilan. Pero bigla niya rin itong inalis sa kanyang isip, dahil ayaw niyang masira ang tiwala ng dalawang matanda.
“Josie! Ano bang iniisip mo? Umayos ka nga! May iba pang paraan,” bulong nito sa sarili. Napangiti siya nang maalala ang kwintas na pamana sa kanya ng yumaong ina niya. Agad siyang pumunta ng sanglaan at sinangla ang kwintas sa halagang P15,000.00.
“Hay, hindi na bale. Matutubos ko rin ‘yon,” bulong niya muli sa sarili habang papunta ng ospital.
Ilang araw ang lumipas at mabilis namang gumaling ang kanyang anak. Bumalik na siya sa bahay ng kanyang amo upang magtrabaho nang muli at manilbihan.
“Josie? Kumusta ang lagay ng anak mo?” tanong ni Lorie.
“Ayos naman po, sa awa ng Diyos ay magaling na siya. Naiuwi na rin ng kapatid ko sa bahay namin matapos ang tatlong araw,” sagot nito.
“Tatlong araw nga pala kayong namalagi sa ospital, ano? Nako! Bakit hindi ka agad nagsabi sa akin, e ‘di sana ay nabigyan kita ng pambayad sa ospital ng anak mo,” anito.
“Napaka-bait niyo pong talaga. Pero ayos lang po, naisanla ko na po ang kwintas na bigay sa akin ni mama. Nakabayad na po kami sa ospital, kaya wala na po kayong dapat ikabahala,” nakangiting sagot ni Josie.
Napangiti na lamang si Lorie at bumalik na sa kwarto nilang mag-asawa.
Kinabukasan, maagang nagising si Josie upang ipagluto na ang kanyang mga amo ng agahan. Nang katukin at buksan niya ang pintuan sa kanilang silid, laking gulat niya nang makita ang dalawang magkatabing nakahiga at pareho nang walang buhay. Sa kanilang tabi ay isang dokumento na nakasulat sa labas ay “Josie”.
Binuksan niya ito,
“Maraming salamat sa serbisyong ibinigay mo sa aming mag-asawa. Alam naming dalawa na mahirap na kaming alagaan pareho, ngunit ikaw lamang ang nagtiyaga sa amin. Kitang-kita rin namin ang pagiging tapat at marangal mong pag-uugali. Kaya’t kung sakaling dumating ang araw na mawala na kami, gusto kong malaman mo na ipinamamana na namin sa iyo ang lahat ng pagmamay-ari namin. Ang lahat ng ito ay karapat-dapat sa iyo. Muli, maraming salamat at paalam.”
Naluha namang agad si Josie. Sinubukan niya pang gisingin ang dalawa ngunit magkayakap na itong binawian ng buhay. Tumawag siya ng ambulansya upang agad maidala sa ospital ang mag-asawa, at napag-alaman na ang dahilan ng kanilang pagkawala ay katandaan.
Napunta na nga sa pangalan ni Josie ang lahat ng pagmamay-ari ng yumaong mag-asawa. Dahil sa pagiging matapat, magalang, at marangal ay ginantimpalaan siya ng ganoon. Agad niyang pinalipat ang kanyang pamilya sa bahay ng mag-asawa, at namuhay sila ng maligaya. Ipinangako niya sa sarili na ituturo niya sa kanyang anak, hanggang sa kanyang mga apo, ang magandang asal at pag-uugali na maaaring magdala sa’yo ng labis-labis na pagpapapala.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!