Mula nang Lumipat ang Mag-Anak ay Nagigising Sila na may mga Nagkakalat ng Dumi ng Tao sa Buong Bahay, Ikagugulat Nila ang Dahilan Niyon
Ipinamana ang malaking bahay sa pamilya ni Salud ng yumao niyang lola. Nang malaman ng kanyang asawa at mga anak ang nasabing pamana ay agad siyang niyaya ng mga ito para makita ang bahay.
Apat na oras ang biyahe papunta sa lugar kaya nang marating nila iyon ay laking gulat nila nang masilayan ang sinaunang bahay na kung titingnan ay parang itinayo pa noong panahon ng mga Kastila.
“Ma, ang suwerte naman natin kasi sa iyo ‘to ipinama ni Lola Maria,” sabi ng panganay niyang anak na si Anya.
“Sa sobrang laki yata ng bahay ay kakalog-kalog tayo diyan. E, apat lang tayong titira,” wika naman ng kanyang asawang si Samuel.
“Ewan ko ba, wala naman akong alam dito, e! Tumawag lang si Atty. Paz at ang sabi ipinamana daw sa akin itong bahay,” aniya.
Walang ano-ano ay sinalubong sila ng isang may edad na babae at lalaki na mukhang mag-asawa.
“Kayo na po ba si Salud?” tanong ng babaeng may katabaan ang katawan.
“Oo, ako nga. Sino po sila?”
“Ako po si Henia at siya naman po ang asawa kong si Manolo. Kami po ang katiwala ng bahay.”
“Pumasok na po kayo sa loob para makapagpahinga kayo!” sabi ng lalaki na may mahabang buhok.
Pagpasok nila sa bahay ay mas lalo silang namangha dahil sa mga mamahaling muwebles na naroon.
Naging abala ang mag-anak sa paglilinis ng bahay katulong sina Henia at Manolo. Gabi na nang matapos sila sa kanilang mga ginawa.
“Magpapaalam na po kami,” wika ni Henia.
“O, bakit naman aalis kayo, ‘di ba’t kayo ang katiwala dito? Sumabay na kayo sa aming maghapunan,” anyaya ni Salud.
“Opo, kami ang katiwala ng bahay nung hindi pa kayo dumadating. Ngayong narito na kayo ay babalik na kami sa bahay namin sa kabilang bayan. Huwag kayong mag-alala tuwing umaga ay pupuntahan namin kayo dito para tumulong sa mga kailangan niyo. Salamat din po sa alok pero ayaw kasi namin gabihin sa daan. Pagsapit po kasi ng alas-sais ng gabi ay wala ng tricycle na naghahatid ng mga pasahero sa bayan.
“Ganoon ba? Sayang naman! Sige at mag-iingat kayo!”
Nang makaalis ang mag-asawa ay sabay-sabay na naghapunan ang mag-anak. Matapos kumain ay nagpahinga muna sila ng ilang oras at nagpasiya nang matulog.
Kinaumagahan ay nagulat si Salud sa nakita.
“Diyos ko! Bakit may ganito dito!” sigaw niya.
Pagkagising niya ay agad na tumambad sa kanya ang mga t*e na nagkalat sa sahig. Halos bumaligtad ang kanyang sikmura sa baho ng amoy niyon.
Nagising rin si Samuel at ang dalawa niyang anak sa tindi ng baho na parang nabubulok na kung ano.
“Saan nanggaling iyan?” tanong ni Samuel habang takip-takip ng kamay ang ilong.
“Ma, ang baho naman!” sigaw ng bunsong anak na si Rap Rap.
“Hindi ko rin alam. Paggising ko ayan na ang naabutan ko. Nagkalaat ang mga t*e sa lapag, sa banyo, sa sala at sa kusina!”
Habang nagkakagulo ang mang-anak ay biglang dumating ang mag-asawang Henia at Manolo.
“Anong nangyari dito? Bakit ang daming t*e!” sigaw ng babae.
“Hindi rin namin alam kung saan nanggaling ang mga iyan,” aniya.
Matapos nilang linisin ang buong kabahayan ay takang-taka pa rin ang lahat sa nangyari.
“Diyos ko! Di kaya masasamang espirito ang gumawa nun, Ma?” ani Anya.
“Baka naman ang lola mo ang may kagagawan nun, Salud. Baka ayaw talaga ng lola mong mapasa iyo ang bahay na ito? Di ba nga nung nabubuhay pa ang matanda ay napakasama ng ugali?” sabad ni Samuel.
“Tumahimik ka nga, Samuel!” Kung ayaw niyang mapunta sa akin ang bahay, e bakit pa niya ipinamana ito sa akin?”
Nang sumunod na araw ay laking gulat ni Salud nang magising siya na punumpuno na naman ng t*e ang kama nilang mag-asawa, pati na ang sahig, banyo, sala hanggang sa kotse nila ay tadtad ng t*e.
“Hindi na ‘to nakakatuwa! Kung sino man ang gumagawa nito, mahuhuli rin kita!” aniya.
Bumuo ng plano si Salud kung paano mahuhuli kung sinuman ang gumagawa ng kababuyang iyon sa kanila.
Nagtulug-tulugan si Salud para malaman kung ano ang nasa likod ng nakakadiri at nakakasulasok na misteryo ng malaking bahay ng kanyang Lola Maria.
Alas dos ng madaling araw nang makarinig siya ng mga kaluskos. Mayamaya ang naulinigan din niya na may mga naglalakad sa labas ng kuwarto. Ginising niya ang asawa at sinabihang huwag mag-ingay. Habang palapit nang palapit ang mga yabag sa kanilang kuwarto ay kinuha ni Samuel ang itinatagong baril at inihanda ang sarili sa kung anuman ang mangyayari habang hawak naman ni Salud ng flashlight.
Nang buksan nila ang pinto ay hindi sila makapaniwala kung sino ang naroon.
Kitang-kita ng dalawa sina Henia at Manalo, ang mag-asawang katiwala ang naglalagay ng t*e sa buong kabahayan.
“Anong ibig sabihin nito?!” sigaw ni Salud.
Itinutok naman ni Samuel ang hawak na baril sa mag-asawa.
“Kayo pala ang may kagagawan ng kabahuan at kababuyan dito sa bahay! Bakit niyo ito ginagawa sa amin?”
“Oo, kami nga ang naglalagay ng t*e dito sa bahay. Dahil gusto naming kayong paalisin dito!” malakas na sabi ni Henia.
“At bakit gusto niyo kaming paalisin? Bahay ito ng lola ko at katiwala lang kayo!”
“Iyon ang akala niyo, dahil kami ang tunay na may-ari ng bahay na ‘to. Ito ay tunay na pagmamay-ari ng aking yumaong ina na inapi at pinalayas ni Donya Maria. Ampon lang si Maria ng mag-asawang kumupkop sa kanya at ang tunay na anak ay ang aking ina na si Gizelda. Nang mawala ang kanyang mga magulang ay nagreyna-reynahan na ang bruha mong lola at inapi-api ang aking ina at pinalayas sa sarili niyang bahay hanggang sa mawalan ng buhay ang aking ina sa sama ng loob!” pagbubunyag ng babae na hindi na napigilan pa ang maluha sa sinapit ng ina.
“H-hindi ko alam! Wala akong alam na iyon pala ang totoong nangyari. Ako na ang humihinngi ng tawad sa lahat ng kasamaang ginawa ng lola ko sa iyong ina,” mapagkumbabang wika ni Salud.
“Patawarin niyo rin kami. Hindi namin gustong guluhin kayo, ito lang ang alam naming paraan para mabawi ang pag-aari ng aking ina.”
Dahil sa nabunyag na lihim ay agad na kinausap ni Salud ang kanilang abogado para malaman kung nagsasabi ng totoo ang babae. Napatunayan naman na ang totoong may-ari talaga ng nasabing bahay ay ang ina ni Henia na si Gizelda at bilang anak ay ito ang may karapatan sa malaking bahay.
Nagpasalamat naman sa kanya ang babae. Para kay Salud ay dapat lang na ibalik sa totong may-ari ang dapat sa mga ito.
Matapos ang lahat ay sabay-sabay na bumalik ang mag-anak ni Salud sa Maynila at ipinagpatuloy ang masaya at tahimik nilang buhay.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!