Nakapulot ng Limpak-Limpak na Pera ang Babae sa Bus, Hindi Niya Inakalang Bigla Rin Itong Maglalaho
Sa pagsakay ni Jacque sa bus ay napansin niya ang kulay itim na bag sa upuan. Mag-isa na lang siya na pasaherong natira naroon, ang iba ay nagsibaba na. Nahiya naman siyang magtanong sa drayber at sa kundoktor, kaya sa pagbaba ng sasakyan ay tinangay na lang niya ang nakuhang bag. Nang buksan niya iyon ay labis niyang ikinagulat ang nakita.
“Wow, ang daming pera!”
Ngayon lang siya nakakita at nakahawak ng malaking halaga. Binilang niya iyon at umabot sa limang milyong piso ang perang nasa loob ng bag.
Gusto niya sanang isauli ang pera ngunit kanino?
Dahil hindi alam kung kanino ibabalik ang napulot na malaking halaga ay inangkin na niya iyon. Sa isip niya ay baka ito ay hulog ng langit sa kanya.
“Sumakay lang ako ng jeep, nagkapera na ako agad! Ang suwerte ko!” aniya.
Agad niyang ikinuwento sa matalik na kaibigan na si Jennifer ang inakalang malaking biyaya.
“Ano, limang milyong piso?” ‘di makapaniwalang tanong ng kaibigan.
“Past, huwag kang maingay at baka may makarinig sa atin!”
“Isauli mo iyan, Jacque! Baka hinahanap na iyan ng totoong may-ari!” payo nito.
“Hindi ko nga alam kung kanino ko ibabalik, e! At isa pa, ako na ang nakakuha kaya akin na ‘to,”
“Bahala ka, basta sinabihan kita, ha!”
Hindi sinunod ni Jacque ang sinabi ng kaibigan. Ang mahalaga sa kanya ay magastos na niya ang nakuhang pera.
Dahil ngayon lang siya nakahawak ng ganoong kalaking pera ay hindi siya magkandatuto kung saan iyon gagastusin kaya ang una muna niyang binili ay mga mamahaling damit. Maghapon siyang nag-uli sa mall at bumili ng sari-saring damit at sinamahan pa niya ng mga mamahaling sapatos.
Hindi pa siya nakuntento at bumili pa siya ng mga mamahaling alahas sa alahera na pinatuloy pa niya sa kanyang bahay. Eksakto namang naroon din si Jennifer para mahingan niya ng opinyon.
“Kay gaganda naman ng mga alahas na ‘to! Purong ginto ba ito?”
“Oo naman, Madam! Purong-puro iyan,” sabi ng alahera.
“Bakit naman kasi kailangan mo pang bumili ng alahas, kay mamahal niyan, o! Gamitin mo naman sa tama iyang pera mo,” wika ni Jennifer.
“Naku, ano namang alam mo , e tindera ka lang naman sa palengke. Hindi mo ba alam na ang mga alahas ay puwedeng gawing investment, puwede mong ipamana? Ikaw kasi wala kang alam sa mga ganito.”
Medyo sumama ang loob ni Jennifer sa sinabing iyon ng kaibigan ngunit hindi na lang ito nagpahalata.
“Aba, porket nagkaroon ka lang ng malaking pera, e inaaway mo na ako?” biro nito.
“Ikaw naman kasi, e! Kung wala kang magandang sasabihin at kung kokontrahin mo lang ako ay huwag ka na lang magsalita.”
“Bahala ka na nga! Basta sinabihan kita!
Umismid ang babae at itunuloy ang pakikipagnegosasyon sa alahera.
“Magkano ba itong mga napili kong alahas?” tanong niya.
“Isang milyon po, misis!” anito.
“I-isang milyon, e dalawang pirasong kuwintas at dalawang pares na hikaw lang ito, a?”
“Naku, misis mahal talaga ang bigayan niyan kasi purong ginto ang kuwintas at diyamante naman ang hikaw.”
“Sige, sige na nga ito na ang bayad ko, cash iyan ha!” sabay kuha ng pera sa bag.
“Jacque naman, palagi mo bang dinadala ang bag na iyan kung saan-saan?” Tandaan mo, hindi biro ang halagang hawak mo,” pahabol na sabi ni Jennifer.
“Nandito lang naman tayo sa bahay at saka bakit ka ba nangingialam! Sa iyo ba itong bag? Huwag mong sabihing naiinggit ka? di ba binibigyan kita ng balatong isang milyon kaso ayaw mo naman tanggapin!”
“Ayoko talaga dahil hindi ko naman alam kung saan nanggaling iyan, Baka mamaya may sumpa pa iyan at madamay pa ako.”
“Sobra ka naman!”
Tahimik lang silang pinagmamasdan ng babae, mayamaya ay nagtanong ito.
“A-ano bang pinag-uusapan niyo? Anong balato?”
Kumunot ang noo ni Jennifer at sinagot ang babae.
“Hindi mo na siguro kailangan malaman pa, miss. Di ba narito ka para mag-alok lang ng alahas at hindi para makipag-close sa amin!”
“Pasensya na. Sige mauna na po ako!” paalam ng alahera.
Nang umalis ang babae ay kinurot ng ubod lakas ni Jennifer ang kaibigan.
“Ano ka ba, bakit mo pa pinangangalandakan ang pera mo sa harap nung babae? Hindi natin siya kilala, hindi mo dapat sinasabi kung kani-kanino iyang milyones mo! Iba na ang panahon ngayon,”
“Hayaan mo siya, hindi na babalik iyon dahil nabayaran ko na siya.”
Lumipas ang isang linggo, habang nagtitinda sa palengke ay nagulat na lang si Jennifer nang makitang papalapit sa kanya ang humahagulgol na si Jacque.
“O, anong nangyari sa iyo at para kang kinakatay na baka sa pag-iyak mo?”
“Jennifer, nilooban ang bahay ko at tinangay pati ang bag na mayroong pera!”
“Ano? Iyan na nga ba ang sinasabi ko, e! Binalaan na kita di ba?”
“Hndi lang iyon, ang mga binili kong alahas dun sa alahera ay hindi pala totoong ginto at diyamante, peke ang mga alahas!”
“Paano mo nalamang peke?”
“Nung nilooban ako, akala ko mababawi ko man lang ang nawalang pera sa pamamagitan ng pagsanla sa mga alahas na binili ko. Napahiya pa ako sa sanglaan nang malamang peke ang mga alahas. Anong gagawin ko, nawalang parang bula ang kaperahan ko!” atungal pa ng babae.
“Sabi ko na nga ba hindi mapagkakatiwalaan ang babaeng iyon. Hula ko, iyon din ang nanloob sa iyo at kumuha ng pera. At saka huwag kang mag-iiyak diyan! Hindi mo naman pinagpaguran iyon at hindi naman talaga sa iyo ang pera kaya wala kang dapat panghinayangan. Ang mahalaga ay hindi ka sinaktan nang nanloob sa bahay mo at iyon ang totoong suwerte.”
“Sorry kung hindi ako nakinig sa iyo. Sorry din dun sa mga sinabi ko! Inaamin ko, masyado akong naging gahaman sa perang hindi naman akin.”
“Balewala na sa akin iyon. Ang mahalaga ay walang masamang nangyari sa iyo.”
Laking panghihinayang ni Jacque nang mawala sa kanya ang mga perang napulot niya sa jeep ngunit napagtanto niya na tama ang kaibigan na aanhin niya ang limpak-limpak na salapi kung ang kapalit naman niyon ay ang kanyang buhay.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!