Inday TrendingInday Trending
Ipinagtabuyan Niya ang Matandang Tindera ng Kakanin; Karma ang Kaniyang Inabot

Ipinagtabuyan Niya ang Matandang Tindera ng Kakanin; Karma ang Kaniyang Inabot

“ʼNay, magkakano ho itong tinda ninyong suman?”

“Sampung piso lang ang isa, anak.”

“Naku, Nanay! Ang sarap po ng binili kong Biko sa inyo kahapon! Pabili nga po ulit ng dalawa!”

“Ako rin ho, ʼNay, pabili ho!”

Kanina pa pinagmamasdan ni Aling Miling ang matandang tindera ng kakanin na pumupuwesto sa tapat ng kaniyang karinderya at namamangha siya sa dami ng kostumer na bumibili at pumipila rito simula pa lamang nang itoʼy maglatag ng paninda sa daanan. Halos maubos na nga ang unang hanay ng ibaʼt ibang kakanin nito samantalang ni hindi pa nga ito nakaka-treinta minutos doon!

“Doray, halika nga rito!” pumapalatak niyang tinawag ang kaniyang tauhan sa karinderya na mabilis namang lumapit sa kaniya.

“Bakit ho, Ate?”

“Paalisin mo nga ʼyang matanda riyan sa tapat! Istorbo ʼyan sa mga kostumer natin dahil nahaharangan niya ang mga daraanan nila!” utos naman niya rito. Bakas ang pagkabwisit sa kaniyang mukha. Paano ay naiinggit siya sa lakas ng paninda ng matanda, laloʼt siya ay pailan-ilan lamang ang kostumer pag ganitong oras.

“Naku, Ate Miling, huwag naman po. Matagal nang pumupuwesto riyan si Nanay, wala pa man itong karinderya natin. Tulong na ho natin sa kaniya ang pagpapapuwesto riyan,” kakamot-kamot sa ulong sagot naman ni Doray sa kaniya.

“Kaya nga, e! Matagal na siyang pumupuwesto riyan kaya labis-labis nang tulong iyon sa kaniya. Saka, tingnan mo, oh! Wala man lang mapag-park-an ng motorsiklo iyong mga gustong bumili at kumain dito sa karinderya dahil nakaharang siya. Kaya paalisin mo na!” pagpipilit naman ni Aling Miling.

“Pero, Ate⏤” akma pa sanang tututol si Doray sa kaniyang kagustuhan nginit pinandilatan niya ito ng mata.

“Gagawin mo ang utos ko o tatanggalin kita sa trabaho ngayon din?” banta niya rito kaya napilitan na lamang itong tumalima, labag man iyon sa kagustuhan nito.

Ngingisi-ngisi si Aling Miling habang pinagmamasdang nagliligpit ng kaniyang paninda ang matandang tindera ng kakanin. Akma pa nga sana itong tutulungan ni Doray ngunit maagap niya itong tinawag at pinabalik na sa trabaho.

Ang kawawang matanda ay lumipat na lamang ng puwesto. Narinig ni Aling Miling na nakiusap ito sa kabilang kainan kung pupuwede itong makipuwesto roon at pumayag naman ang may-ari.

Walang pakialam si Aling Miling. Basta, wala na ito sa tapat ng kaniyang karinderya. Ayos na siya roon!

Matapos ang araw na iyon ay unti-unting dumalang lalo nang dumalang ant mga kostumer na dumadalaw sa karinderyang iyon ni Aling Miling. Dumalang nang dumalang hanggang sa naging halos tatlong kostumer na lamang ang minsaʼy napaparaan doon para tumingin-tingin ng ulam.

Ang tatatlo na ay naging dalawa pa kalaunan, naging isa, hanggang sa dumating ang araw na iyon⏤wala na silang kostumer pa.

“Ano ang nangyayari at biglang nawala ang mga kostumer na pumupunta rito?!” nang tanghaling iyon ay napahiyaw na si Aling Miling sa sobrang pagkainis dahil wala na talagang gustong kumain sa kanilang karinderya, gaano man nila ibaba ang presyo ng kanilang mga putahe!

“Baka ho nakarma kayo dahil napakasama ng ugali ninyo!” lakas-loob nang tanong ni Doray sa kaniya

“Ano kamo?!” nabibiglang tanong ni Aling Miling sa malakas na tinig.

“Wala ho! Aalis na ho ako. Inyo na ho ang sahod ko para sa linggong ito. Abuloy ko na ho sa negosyo ninyong malapit nang mawala,” sabi pa nito bago tuluyan nang lumabas ng karinderya.

Galit na sinundan ni Aling Miling si Doray palabas upang sanaʼy bungangaan ito sa ginawang pambabastos sa kaniya, ngunit ganoon na lamang ang pagkagulantang niya nang makita ang kabilang kainan na punong-puno at pinipilahan ng kostumer!

Sa loob ng maliit na kainang iyon ay naroon din ang matandang tindera ng kakanin na siyang pinalayas niya noong nakaraan sa tapat ng kaniyang karinderya. Pinapasok pala ito ng may-ari at hinayaang doon maglatag ng sariling paninda sa loob upang hindi ito gaanong mahirapan sa pagtitinda sa labas lalo na at kainitan. Dahil doon ay dinayo ng mga suki ng tindera ng kakanin ang maliit na karinderya at nalaman ng mga tao na masasarap pala ang putaheng itinitinda roon kaya naman dinagsa rin ito ng mga kostumer!

Naging napakasuwerte ng may-ari ng maliit na kainang iyon dahil naging napakabuti rin nito sa matanda, samantalang si Aling Miling ay minalas dahil sa kasamaan ng kaniyang ugali. Doon niya napagtantong mas matondi palang karma ang darating sa ʼyo kapag gumawa ka ng hindi maganda sa kapwa.

Advertisement