Inday TrendingInday Trending
Problemado sa Pera ang Kumpare niya; Nang Alukin niya ng Tulong, Aba Itoʼy Tumanggi Pa

Problemado sa Pera ang Kumpare niya; Nang Alukin niya ng Tulong, Aba Itoʼy Tumanggi Pa

Kanina pa napapansin ni Carlo na iiling-iling at sasapu-sapo sa ulo ang kaniyang kumpadre at kasamahan sa trabahong si Jonathan, kaya naman agad niya itong nilapitan at tinanong.

“May problema ka ba, pare?” tanong niya rito sabay tapik sa balikat nito upang ipahiwatig ang kaniyang pag-aalala.

“Wala ʼto, pare. Medyo nahihirapan lang ako kung paano madaragdagan itong isang daang piso kong baon para sa dalawang linggong pangkain, pare,” sagot naman nito sa kaniya sabay pakita ng isang daang pisong papel na perang hawak nito.

“Naku! Papaano mo gagawin iyon? Hindi talaga kakasya iyan, pare. Sa mahal ba naman ng bilihin ngayon?” nabibiglang aniya sa kaibigan. Kahit nga siya ay naliliitan sa isang daang piso para sa dalawang linggong pangkain!

Kaya naman agad niyang kinapa ang kaniyang bulsa. Mabuti na lamang at may ekstra pa siyang limang daang piso sa nakaraang sahod niya. Iniumang niya ito kay Jonathan.

“Hiramin mo muna ito, pare, oh. Saka mo na lang bayaran kung may pera ka na,” sabi niya rito.

“Naku, pare, huwag na. Kaya ko naman ito, e. Ayos lang ako,” sagot naman ni Jonathan. Tinatanggihan ang iniaalok niyang tulong.

“Huwag ka nang mahiya, pare. Tanggapin mo na,” pamimilit pa ni Carlo ngunit talagang ayaw iyong tanggapin ng kaniyang kumpare.

Iniisip tuloy ni Carlo na nagyayabang lamang si Jonathan kaya ayaw tanggapin ang kaniyang iniaalok na tulong. Tila hindi kayang tanggapin ng pride nito ang alok niya kaya todo tanggi ito ngayon.

“Pare, alam mo bang limang daan din itong pera ko kanina?” maya-maya ay sabi ni Jonathan.

“Oh, e, bakit iisang daan na lang ʼyan?” takang tanong naman ni Carlo. Kunot na kunot ang kaniyang noo.

“Kasi, ipinahiram ko rin sa isang kasamahan natin, pare,” sagot naman nito, “alam mo bang malubha ang sakit ng anak ni Pareng Felix? Kailangan na itong operahan kundi ay matutuluyan ang anak niya,” dagdag pang pagkukuwento nito na ikipinanlaki ng mata ni Carlo.

“Hindi naman ako namomroblema dahil iisang daan lang ang pera ko, pare. Namomroblema ako, dahil gusto kong madagdagan man lang sana ito para may maipahiram pa ako kay Pareng Felix. Naaawa kasi ako sa anak niya, pare. Kung ako siguro, na huwag naman sana, ang malalagay sa ganoong sitwasyon ay hindi ko kakayanin kaya ganito akong mamroblema ngayon, para sa kaniya,” pagsasaad pa ni Jonathan kay Carlo sabay buntong-hininga. “Kaya kung ako sa ʼyo, pare, sa kaniya mo na lang din ipahiram iyang pera mo. Akoʼy makakaraos kahit asin o kape lang ang iulam ko, pare. Kaunting sakripisyo lang ʼyon para sa taong mas nangangailangan ng tulong natin,” mahaba ngunit makabagbag damdamin pang litanya ni Jonathan kay Carlo.

Tila naman napukaw nang matindi ang puso ni Carlo sa sinabing iyon ng kaibigan. Agad siyang nagsisi na hinusgahan niya ito kanina. Halos maiyak pa si Carlo sa narinig na mga salita sa kumpare niya. Napakamapagbigay at matulungin nito sa kapwa.

Tumayo si Carlo upang saluduhan si Jonathan. Natawa naman doon ang huli, ngunit nagpasalamat naman.

Matapos ang pag-uusap nilang iyon ay sabay nilang inabot ang tulong sa kanilang kasamahan pang si Felix at ang iba pa sa kanilang mga kasamahan sa construction site na iyon ay ginaya na ang kanilang ginawa.

Isang inspirasyon para kay Carlo ang pangunguna ni Jonathan sa pagtulong sa kanilang nangangailangang kasamahan at hindi siya nahiyang ipagsabi iyon sa kanilang mga kasamahan, mga bossing at kahit sa kaniyang mga kapamilya.

Akala ni Carlo ay matanda na siya upang matuto pa ng kagandahang asal, ngunit nagkakamali pala siya. Si Jonathan, na kaniyang kaibigang naghihirap din ay tinuruan siyang huwag maging makasarili. Tinuruan din siya nitong alamin muna ang dahilan ng bawat bagay bago humusga upang sa huli ay hindi ka magkasala. Tinularan ni Carlo ang katangiang iyon ni Jonathan.

Sa paglipas ng panahon ay unti-unting umasenso sa magkaibang paraan ang dalawa. Si Jonathan ay sa negosyo, siya naman ay dahil sa pagiging dedikado sa kaniyang trabaho.

Masaya ang magkumpare lalo na at nakikita nilang ngayon ay malapit nang magtapos ng pag-aaral ang anak ng kanilang kaibigang si Felix na minsan nilang tinulungan.

Nangako si Carlo sa sarili na patuloy niyang ituturo hanggang sa kaniyang mga kaapu-apuhan ang magandang asal na ibinahagi sa kaniya ni Jontahan, upang kumalat pa iyon at patuloy na tularan ng mas nakararami.

Advertisement