Inday TrendingInday Trending
Natanggal sa Trabaho ang Mister Kaya Naman Pinasok Niya ang Pagdedeliver na Patok na Patok Dahil Sa Pandemya, Bagay na Hinding-Hindi Niya Malilimutan Kailanman

Natanggal sa Trabaho ang Mister Kaya Naman Pinasok Niya ang Pagdedeliver na Patok na Patok Dahil Sa Pandemya, Bagay na Hinding-Hindi Niya Malilimutan Kailanman

“Ma… may bad news at good news ako sa iyo,” saad ni Edmond sa kaniyang buntis na misis na si Alena habang nagluluto ito ng sinigang. Kadarating lamang ni Edmond mula sa kaniyang trabaho sa factory.

“Ano iyon? Kinakabahan naman ako sa bad news mo,” balik na tanong ni Alena sa mister. Pitong buwan siyang buntis. Namumutok ang kaniyang tiyang pagkalaki-laki, na tila siya nakalunok ng pakwan. Ito ang unang anak nila ni Edmond makalipas ang isang taong pagpapakasal.

“Anong gusto mong unahin ko?” tanong ni Edmond.

“Unahin mo na lang ang bad news, para naman sumaya ako sa good news mo,” sabi ni Alena.

“Nagbawas ng mga empleyado ang kompanya, at isa ako sa mga natanggal nila,” pagbabalita ni Edmond sa misis.

Tinakasan ng ngiti si Alena. Bumakas sa mukha nito ang pag-aalala.

“Bakit ngayon pang may pandemya, saka kung kailan naman manganganak pa ako. Oh, eh ano naman ang good news mo?” tanong ni Alena.

“Magdedelivery rider na lang muna ako. Pahihiramin ako ng motorsiklo ng isang kasamahan ko sa trabaho na hindi naman natanggal. Sabi nga niya sa akin, bakit hindi ko na lang daw bilhin, tutal hindi naman daw niya ginagamit,” sabi ni Edmond.

“At kailan ka naman natutong magmaneho ng motorsiklo?” usisa ni Alena.

“Marami ka pa talagang hindi alam sa akin, ikaw talaga. Noong hindi pa tayo nagkakakilala, may motor talaga ako. Naibenta lang dahil nagkasakit ni Mama. Medyo kinalawang na ako, pero kaya naman iyan,” sabi ni Edmond.

“Aba’y mabuti naman. Ingat ka lang at delikado pa ang sitwasyon ngayon dahil sa pandemya,” paalala ni Alena.

Makalipas ng dalawang araw, handang-handa na si Edmond bilang isang delivery rider. Sa unang tatlong araw ay naging maganda naman ang kaniyang ginagawa. Kung saan-saan siya nakararating sa paghahatid ng mga bagay-bagay, kagaya ng mga nagpapabili ng mga pagkain, milk tea, at iba pa.

“Mukhang itutuloy-tuloy ko na ito. Pumayag yung kasamahan ko na hulog-hulugan ko yung motor niya,” minsan ay nasabi ni Edmond sa misis. Pumayag naman si Alena basta’t maayos naman at ligtas ang kaniyang trabaho.

Isang araw, nakatanggap ng isang pa-deliver si Edmond mula sa isang lalaking brusko. Nakabalot ito sa isang kahong may kalakihan. Mahigpit ang bilin sa kaniya ng lalaki.

“Ano po ba ang laman nito sir? Puwede po bang malaman? Para kasing mga bote po,” tanong ni Edmond.

“Ah oo, mga bote iyan. Sukang paombong. Paki-ingatan na lang ha, mahal iyan. Kailangang makarating sa customer,” bilin ng bruskong lalaki.

Hindi na nag-usisa pa si Edmond. Maingat niyang inilagay ang kahon sa likod na bahagi ng motor at humarurot na siya.

Subalit sa nadaanan ni Edmond ay may checkpoint. Iniisa-isa ang mga sasakyan at ininspeksyon, kabilang si Edmond. Ipinagbabawal pala ang anumang uri ng inuming nakalalasing sa lungsod na iyon dahil sa ipinatutupad na liquor ban.

Nakaramdam ng kaunting kaba si Edmond. Hindi siya sigurado kung sukang paombong nga ang laman ng mga alak sa kahon na kaniyang idedeliver. Ganoon na lamang ang kaniyang pagkamangha nang makitang mga bote ng alak pala ang laman ng kahon. At ang mas nakagugulat— may mga pakete ng ipinagbabawal na gamot.

“Sir, hindi po sa akin iyan. Napag-utusan lang po ako,” hindi magkandatutong paliwanag ni Edmond sa mga pulis.

“Sa presinto ka magpaliwanag,” sabi sa kaniya ng pulis.

Pagdating sa presinto ay todo-paliwanag si Edmond. Ipinakita pa niya ang mga mensahe sa kaniya ng customer na nagpadeliver sa kaniya. Pinagalitan siya ng mga pulis dahil hindi man lamang daw niya sinusuri ang laman ng mga package na kaniyang ipina-dedeliver.

Ayaw siyang pakawalan ng mga pulis hangga’t hindi nahuhuli ang lalaking nagpadeliver sa kaniya. Mabuti na lamang at natunton kaagad ito ng mga pulis. Ngunit sa malaking pagkagulat ni Edmond, sinabi ng lalaking brusko na kasabwat talaga siya at nagpapanggap lamang siyang delivery rider.

“Sir… maniwala po kayo… hindi ko po sila kilala, wala po talaga akong kinalaman dito. Nagtatrabaho lang po ako nang matino, hindi ko po alam ito…” pagmamakaawa ni Edmond. Naiiyak na siya.

Kalahating araw na nadetine sa presinto si Edmond, at matapos ang masusing imbestigasyon, napatunayang wala talagang koneksyon si Edmond sa kanila. Napaamin din ang naturang lalaki. Agad naman siyang pinalaya ng mga pulis.

“Salamat sa Diyos. Akala ko, dadalawin ka na namin sa kulungan eh,” lumuluhang sabi ni Alena.

“Wala akong kasalanan. Inosente ako, kaya hindi mangyayari iyan,” sabi ni Edmond.

“Babalik ka pa ba sa pagdedeliver?” tanong ni Alena. Hindi kumibo si Edmond. Tinitigan lamang ang asawa.

Kinabukasan, maagang bumangon si Edmond. Tiniyak niyang may sapat na gaas ang kaniyang motorsiklo. Marami pa siyang ihahatid na delivery. Hinding-hindi niya malilimutan ang kaniyang karanasan, subalit hindi ibig sabihing hihinto na siya sa bago niyang pinagkakakitaan.

Advertisement