“Bulaklak po para kay Miss Aragon!”
Isang anunsyo ang agad na pumukaw sa atensyon ng mga estudyanteng naroon sa classroom na iyon sa bakante nilang oras. Isang estudyanteng may dalang bulaklak ang dumungaw sa roon para ihatid iyon sa dalagang may apelyidong Aragon.
Dalawa lang naman ang Aragon sa room na iyon. Ang napakagandang si Hazel at ang pinsan niyang si Geneviv na siya naman niyang kabaliktaran.
Agad na tumayo si Hazel upang i-claim ang naturang bulaklak. “Malamang ako ang hinahanap mo. Imposible namang may magpadala ng bulaklak sa pinsan kong manang, e,” aniya.
Damang-dama pa ni Hazel ang pumipilantik na paghawi sa kaniyang mahabang buhok, habang ipinararangya ang bulaklak na kaniyang tinanggap mula raw kay Ezekiel, ang sikat at mayamang binatang nag-aaral sa eskuwelahang kaniya ring pinapasukan.
Kumpulan naman ang kaniyang mga kaeskuwela habang pinupuno siya ng papuri. Humahanga ang mga ito dahil bihira lang ang pagkakataong mapansin ng isang kagaya ni Ezekiel.
“Pero hindi ba at boyfriend mo na si George, Hazel?” tukoy ng kaklase niyang si Joan sa pinaka-kinatatakutan namang kalaki sa kanilang campus. Si George na nobyo ni Hazel. Ang kapitan ng basketball team ng kanilang eskuwelahan at kilalang basagulero.
“Oo nga, pero masama bang tumanggap ng bulaklak galing kay Ezekiel?” may pagmamalaki namang sagot ni Hazel sa kaklase. Taas noo pa niyang sinulyapan ang pinsan niyang si Geneviv na nananahimik sa isang sulok, sa bandang dulo ng kanilang classroom. Alam kasi ni Hazel na may pag-ibig ito para kay Ezekiel at noon pa man ay pinagtatawanan niya na ito dahil naniniwala siyang imposibleng pansinin ito ng binata.
Katulad ng dati ay suot na naman ni Geneviv ang makakapal nitong salamin sa mata. Wala rin sa ayos ang nakalugay nitong buhok na tumatakip sa sariling mukha dahil nahihiya itong ipakita ang malaking peklat nito sa pisngi na nakuha nito noon sa isang aksidente.
“Sadya kasing napakaganda ko, kaya pinipilahan ako ng mga lalaki. Hindi kagaya ng isa diyan, matalino nga pero mukha namang manang!” tatawa-tawang parinig niya pa sa kaniyang pinsan na noon ay napasulyap na sa kaniya.
Nang mamataan ni Hazel na nakatingin sa kaniya si Geneviv ay ipinaikot niya ang kaniyang mga mata. Inirapan niya ang kawawang pinsan na wala namang ginagawang masama sa kaniya.
Talagang mainit na ang dugo ni Hazel kay Geneviv noon pa man. Paano ay dahil sa taglay nitong katalinuhan, palagi siyang ikinukumpara ng kanilang mga kamag-anak dito. Siya kasi ay bulakbol at napakapasaway na bata. Kaya naman ganoon na lamang ang nararamdaman niyang inis kay Geneviv.
“Masakit ba, Geneviv? Iyong lalaking gustong-gusto mo, nagpadala ng bulaklak sa maganda mong pinsan, oh!” patuloy pang pambubuska ni Hazel kay Geneviv habang iwinawagayway ang bulaklak. Ngunit ganoon na lamang ang inis niya nang imbes ay ngumiti pa ito.
“Okay lang ʼyon,” mahinahong sabi nito, “congrats, insan!” dagdag pa nito na sinundan pa ni Geneviv ng sinsero at matamis na ngiti.
Gustong magngitngit ni Hazel sa ipinakitang sportmanship ni Geneviv sa kaniya. Oo na, ito na ang pinakamabait na tao sa mundo! Pero hindi niyon mababago ang inis na nararamdaman niya rito!
Kaya naman nagpatuloy siya sa panlalait sa pinsan. “Mag-ayos ka man lang kasi, Geneviv. Nakakadiri kasi ʼyang hitsura mo kaya walang lalaking lumalapit sa ʼyo,” aniya pa. Napayuko na lang si Geneviv sa kaniyang sinabi.
“Mas nakakapandiri naman ʼyang ugali mo,” isang boses ng lalaki ang nagsalita sa kaniyang likuran, “bakit nasa ʼyo ʼyang bulaklak na ipinadala ko? Hindi iyan para sa ʼyo, para kay Geneviv ʼyan!”
Nagulat si Hazel nang bawiin ni Ezekiel ang bulaklak na hawak niya matapos siya nitong pagsabihan!
Tulala at walang masabi si Hazel sa narinit mula kay Ezekiel. Ganoon din ang kaniyang mga kaeskuwela na ngayon ay pasimple siyang pinagtatawanan!
Namula ang mukha ni Hazel sa sobrang pagkapahiya lalo na nang lapitan ni Ezekiel si Geneviv at ito mismo ang nag-abot ng bulaklak sa kaniyang pinsan! Umamin si Ezekiel matagal na pala siyang may pagtingin kay Geneviv at gusto nitong ligawan ang dalaga!
Dahil sa matinding kahihiyang agad na kumalat sa buong campus ay nakipaghiwalay na rin si George kay Hazel upang hindi ito madamay sa kahihiyan.
Grabeng pagsisisi ang naramdaman ni Hazel sa kaniyang puso lalo na nang sa kabila ng lahat ay nagawa pa rin siyang ipagtanggol ng pinsang si Geneviv.
Hindi sa pisikal na hitsura nakikita ang tunay na kagandahan ng isang tao… naroon iyon sa kaniyang kalooban at iyon ang natutunan ni Hazel sa nangyari sa kaniya.