Inday TrendingInday Trending
Inakala ng Lalaki na Pera ang Napulot Niya; Mali Pala ang Kaniyang Akala

Inakala ng Lalaki na Pera ang Napulot Niya; Mali Pala ang Kaniyang Akala

“Ano ba ‘tong buhay na ito, kung kailan na malapit nang manganak ang asawa ko saka naman ako nawalan ng trabaho,” lulugu-lugong sambit ni Ian sa isip habang naglalakad pauwi.

Nagbawas ng mga empleyado sa pinapasukan niyang opisina dahil nalulugi na raw ang kumpanya at isa siya sa mga inalis na trabahador. Ang masamang balitang iyon ay mas nagpasakit pang lalo sa ulo niya dahil sumabay pa iyon sa nalalapit na panganganak ng kaniyang misis.

Pagdating niya sa bahay ay agad siyang sinalubong ng asawa.

“O, bakit ngayon ka lang umuwi? At bakit parang ang laki ng problema mo, mahal?” tanong ni Mirabel.

“Natanggal kasi ako sa trabaho, mahal. Nalulugi na raw ang kumpanya kaya nagbawas ng mga empleyado,” tugon niya sa malungkot na boses.

“Ano?! Nakakalungkot nga ‘yan. Kung kailan pa na malapit na akong manganak saka ka nawalan ng pagkakakitaan. Saan tayo kukuha ng perang gagamitin sa panganganak ko?”

“Di bale, mahal, may naipon naman ako, pero hindi ko alam kung sasapat iyon sa panganganak mo. Hayaan mo at maghahanap ulit ako ng trabaho.”

Kinaumagahan ay nagsimulang maghanap ng trabaho si Ian. Nagpasa siya ng resume sa mga kumpanyang pinuntahan niya ngunit palaging sinasabi ay tatawagan na lang siya.

“Ilang kumpanya na ang pinuntahan ko at pinagpasahan ng resume, pero wala akong natatanggap na tawag,” sabi ni Ian habang pinupunasan ng panyo ang pawisang noo.

Sa isang kumpanya na pinuntahan niya ay halos ipagtabuyan siya ng guwardiya.

“Wala kaming bakante rito kaya umalis ka na! Nakakaistorbo ka lang dito!” anas ng lalaking guwardiya.

“Magpapasa lang ako ng resume, baka sakaling magkaroon kayo ng job opening,” sagot niya.

“Bakit ba ang kulit mo? Eh, wala nga bakante! Umalis ka na bago pa kita kaladkarin sa labas!”

Masama ang loob niyang nilisan ang kumpanyang iyon. Kahit nakaranas ng hindi magandang karanasan sa paghahanap ng trabaho ay nagpakatatag pa rin ang lalaki.

“May awa ang Diyos. Hindi niya kami papabayaan,” bulong niya sa sarili.

Pag-uwi niya sa bahay ay nagpadala rin siya ng resume gamit ang email sa iba pang kumpanyang inaplayan niya ngunit kahit doon ay walang nagrereply sa kaniya. Sa isip niya ay mahirap na talagang makahanap ng mapapasukang trabaho lalo na at trenta y nuwebe anyos na siya at may edad na rin. Ngunit patuloy siyang nanalangin at hindi nawalan ng pag-asa.

Habang naglalakad siya papunta sa aaplayang trabaho ay may napansin siya sa daan.

“P-pera ba ‘yon?”

Nakita niya ang nakatiklop na tila perang papel na kulay dilaw.

“Mukhang limandaang piso itong napulot ko. Ang suwerte ko naman. Pandagdag pamasahe ko rin ito,” wika ni Ian sa masayang tono.

Pinulot niya ang inakalang perang papel at nang buklatin niya ay gayon na lamang ang pagkadismaya niya nang malamang hindi pala limandaang piso ang napulot niya. Kakulay lang pala ng limandaang pisong perang papel ang nakita niyang maliit na flyer ng isang kumpanya na naghahanap ng mga staff para sa bubuksang branch sa Makati. Nakita niyang bago ang petsang nakasulat doon.

“Aba, nangangailangan pala sila ng mga office staff. Tawagan ko kaya ang kumpanyang ito,” sabi niya sa sarili.

Tinawagan niya ang opisina at tama nga na naghahanap ang mga ito ng mga tao para sa bagong branch ng kumpanya. Agad siyang nagsumite ng aplikasyon at isang araw lang ang lumipas ay tinawagan siya ng HR para sa interview. Madali lang ang mga pinagdaanan niyang proseso. Dalawang interview ang naipasa niya at agad siyang natanggap sa trabaho. Ipinaalam niya ang magandang balita sa kaniyang asawa.

“Mahal ko, may trabaho na ako!”

“Talaga, mahal ko? May trabaho ka na?”

“Oo. Natanggap ako sa inaplayan kong trabaho sa Makati. Mabuti na lamang at nalaman kong nangangailangan sila ng mga trabahdor dahil sa napulot kong flyer sa kalye.”

“Ang suwerte mo, mahal dahil ikaw ang nakapulot!” gulat na wila ni Mirabel sa mister.

“Kaya nga, eh. Ipinagpapasalamat ko sa Diyos na ako ang nakakuha ng flyer. Hindi niya talaga tayo pinapabayaan.”

Dahil sa may trabaho na si Ian ay hindi na siya nagkaroon ng problema sa perang gagamitin sa panganganak ng misis. Naging maayos ang trabaho niya sa pinapasukang kumpanya. ‘Di nagtagal ay na-promote siya at naging supervisor. Maayos ding nailuwal ni Mirabel ang kanilang panganay na anak.

Kung para sa iyo talaga ang isang bagay, lalapit at lalapit ito sa iyo. Gagawa ng paraan ang tadhana upang makamit ang nais. Huwag lang bibitiw at patuloy na maniwala at manalig sa Maykapal.

Advertisement