Inday TrendingInday Trending
Ikinamangha ng Lalaki na ang Malaking Lupain na Taniman ng Prutas ay Pagmamay-ari ng Isang Bata; Nakakaiyak Pala ang Pinagdaanan Nito

Ikinamangha ng Lalaki na ang Malaking Lupain na Taniman ng Prutas ay Pagmamay-ari ng Isang Bata; Nakakaiyak Pala ang Pinagdaanan Nito

“Nasaan na kaya ako? Mukhang maling direksyon ang nakasulat dito sa papel!” inis na sabi ni Joey sa isip habang naglalakad sa madamong lugar na pinagbabaan sa kaniya ng sinakyang bus.

Nakatakda silang magkita ng kaibigan niyang si Dennis. Inimbitahan siya ng lalaki para sa ilang araw na bakasyon sa bahay nito sa probinsya. Matagal na rin silang hindi nagkikita kaya pinagbigyan niya ang paanyaya nito, ngunit sa ibang lugar yata siya napadpad at hindi sa mismong lugar ng kaniyang kaibigan.

“Hindi ko makontak ang loko! Paano na kaya ito?”

Habang naglalakad ay napansin niya ang isang malawak na lupain na taniman ng mga prutas.

“Wow, ang daming puno ng mga prutas dito!”

Iba’t ibang puno ng mga prutas ang naroon: may saging, mangga, bayabas, avocado, papaya, santol, buko at marami pang iba. Parang halos lahat ng uri ng prutas ay naroon na.

“Baka naman puwedeng makakuha kahit na isa lang. Ginutom ako sa mahabang biyahe,” bulong niya sa sarili.

Dali-dali siyang lumapit sa puno ng mangga at sinungkit ang isa sa mga bunga at kinain.

“Ang sarap at ang tamis! Hinog na hinog na ito.”

Habang sarap na sarap siya sa pagkain ay biglang may nagsalita sa kaniyang likuran.

“Sino po kayo? Ano pong ginagawa niyo rito?” tanong ng isang batang lalaki.

Nagulat siya nang makita ito ngunit hindi siya nagpahalata.

“A, eh, ako si Joey. Inimbitahan ako ng aking kaibigan na magbakasyon sa kanilang bahay, pero tila naliligaw yata ako. Nakaramdam din ako ng gutom sa sobrang pagod sa biyahe kaya kumuha ako ng isang pirasong mangga sa puno,” sagot niya.

“Ganoon po ba? May ibinigay po bang address ang kaibigan niyo? Baka matulungan ko kayo.”

Ipinakita ng lalaki ang address na nakasulat sa papel. Mabuti na lamang at marunong magbasa ang bata.

“Mali po talaga ang binabaan niyo. Doon pa po kayo sa kabilang barrio, medyo malayo-layo pa iyon mula rito. Kung gusto niyo ay ihahatid ko kayo bukas sa inyong pupuntahan. Malapit na po kasing dumilim, mahirap nang puntahan ang lugar na iyon. Sumunod kayo sa akin. Sa bahay ko na lamang po kayo magpalipas ng gabi,” sabi ng bata.

Dahil panatag naman ang loob niya ay sumama siya sa batang lalaki. Pagdating nila sa bahay nito ay laking pagtataka niya. Isa lang itong maliit na bahay kubo na nasa sa paanan ng bundok.

“Ang liit lang pala ng bahay niyo. Nasaan ang mga magulang mo at ano nga ulit ang pangalan mo?” tanong niya.

“Ako po si Botchok. Wala na po akong mga magulang. Ako lang po ang mag-isang nakatira rito,” tugon ng bata.

“M-mag-isa ka lang dito?!” gulat na tanong ni Joey.

“Opo, ako lang pong mag-isa ang nakatira rito.”

Maya-maya ay ipinaghanda siya nito ng makakain. Ipinagluto siya ng bata ng sinabawang gulay at hinainan pa siya ng hinog na mga prutas. Napansin niyang sanay na sanay na ito sa mga gawaing bahay at sanay na itong kumilos na mag-isa.

“Napahanga mo naman ako dahil kahit bata ka pa ay nagagawa mo na ang manirahan dito ng mag-isa. Ilang taon ka na ba?”

“Labing isang taong gulang na po ako. Kain na po habang mainit ang sabaw,” alok nito.

Nang higupin niya ang sabaw na inihanda ni Botchok ay muntik na siyang mapatayo sa pagkakaupo sa sobrang sarap niyon.

“Ang sarap nito! Mahusay ka rin palang magluto, bata!”

“Tinuruan po kasi ako ng nanay ko na magluto noong nabubuhay siya. Masarap din po siyang magluto.”

Nang tikman naman niya ang mga prutas ay halos tumirik ang mga mata niya sa sobrang tamis ng mga ito.

“Ang tamis ng mga prutas, bata! Ito ba ‘yung galing sa taniman ng mga prutas kanina?”

“Opo. Galing ang mga ‘yan sa taniman ko ng prutas.”

Nagulat si Joey sa sinabi ng bata.

“I-ikaw ang may-ari ng malaking lupain na taniman ng prutas na iyon?!” gulat na tanong ng lalaki.

“Pag-aari po talaga iyon ng aking mga magulang. Iyon po ang pinagkukunan nila ng ikinabubuhay namin noon, pero mula nang pumanaw ang aking inay at itay ay ako na pong mag-isa ang namamahala sa aming lupain. Sumakabilang buhay po ang aking ina dahil sa kumplikasyon sa baga, pumanaw naman ang aking ama dahil sa malubhang sakit sa dugo. Nang mawala po sila ay nagpapatulong na lamang ako sa mga tauhan ng aking itay sa pag-aani at pagbebenta ng mga prutas. Tumutulong din ako sa pagtatanim at pag-aani kapag hindi ako abala sa pagpasok sa eskwelahan. Mula po noon ay nabuhay na akong mag-isa sa kubo na ito,” tugon ng bata.

Napaiyak si Joey sa mga pinagdaanan ni Botchok ngunit hinangaan naman niya ang nagawa nitong pagsuporta sa sarili at mamuhay na mag-isa sa kabila ng mura nitong edad.

Kinaumagahan ay inihatid siya ng bata sa barrio kung saan siya dapat na nagtungo. Bago ito magpaalam ay pinabaunan siya nito ng mga hinog at sariwang prutas.

“Salamat, Botchok. Magkikita pa naman tayong muli, aking kaibigan,” sabi niya sa bata.

“Masaya po ako dahil nakilala kita, Kuya Joey! Balik ka sa bahay ko, bibigyan kita ulit ng mga prutas pabalik mo sa Maynila,” tugon ni Botchok.

Tinahak na agad ng lalaki ang daan patungo sa bahay ng kaibigan at nang magkita sila ay masaya niyang ikinuwento kay Dennis ang tungkol sa nakilala niyang bata at maging ito ay labis ding humanga sa naging buhay ng bago niyang kaibigan.

Advertisement