Araw-Araw ay Dinadalaw at Inaalayan ng mga Bulaklak ng Babae ang Puntod ng Ina; Isang Sikreto Nito ang Matutuklasan Niya
Isang taon nang pumanaw ang ina ni Jillian ngunit masakit pa rin sa kaniya ang nangyari.
“O, Jillian, ginagabi ka na naman. Dinalaw mo na naman sa sementeryo ang puntod ng nanay mo?” tanong ng tiyahing si Adora.
“Opo, auntie. Alam niyo naman po na ipinangako ko na sa aking sarili na dalawin araw-araw si nanay at dadalhan ko ng paborito niyang bulaklak,” sagot niya.
“Mahal na mahal mo talaga si Ate Corazon, gaya nang pagmamahal niya sa iyo noong nabubuhay pa siya.”
“Siyempre po, auntie. Mula nang iwan kami ni tatay at sumama sa ibang babae ay mas minahal ko si nanay sa lahat ng ginawa niyang sakripisyo sa akin.”
Pumanaw ang kaniyang ina dahil sa malubhang sakit sa bato. Sa tuwing naaalala niya ang mga paghihirap ng ina bago ito nawala ay hindi niya mapigilang mapaluha. Kaya kapag dinadalaw niya ito sa puntod ay bumabalik sa alaala niya ang mga sakripisyo nito sa kaniya.
Nang sumunod na araw ay pinuntahan niya ulit ang libingan ng ina.
“Narito ulit ako, inay! Na-miss niyo ba ako agad?” sambit ni Jillian saka inalayan na naman ng bulaklak ang puntod.
“Alam ko inay, nasa mabuti ka nang kalagayan. Masaya ka na kung nasaan ka man ngayon, pero hanggang ngayon ay nangungulila pa rin ako sa iyo, inay. Kung ako ang tatanungin ay gusto pa rin kitang makasama,” aniya habang ‘di niya napigilan na tumulo ang luha sa mga mata.
Bumalik sa alaala niya ang ginawang pagtaguyod sa kaniya ng ina habang siya ay nag-aaral. Halos lahat na yata ng trabaho ay pinasok nito makapagtapos lamang siya sa pag-aaral. Nagtinda ito ng kung ano-ano sa Baclaran, naging silbidora rin ito sa mga kainan, naging kasambahay rin ang ina ng ilang taon hanggang sa makapagtapos siya sa kolehiyo at naging ganap na guro. Natatandaan pa niya na inalay pa niya ang natanggap na diploma at medalya sa ina noong araw ng graduation niya.
Sa pag-uwi niya sa bahay ay ‘di niya nadatnan doon ang tiyahin kaya mag-isa na lamang siyang nagluto ng hapunan. Maya-maya ay tumawag ang tiyahing si Adora sa telepono at sinabing gagabihin ito nang uwi galing sa trabaho kaya pinakiusapan siya na kunin sa kwarto nito ang duplicate key at ilagay iyon sa bakanteng paso na nasa labas ng pinto para hindi na siya maistorbo sa pagtulog kapag dumating na ito. Nang kunin niya ang duplicate key sa kwarto ng tiyahin ay napansin niya ang isang lumang photo album na nakapatong sa kama.
“Parang ngayon ko lang nakita ang album na ito.”
Binuklat niya iyon at tiningnan ang mga litrato na naroon.
“S-sino ang babaeng ito?” gulat niyang tanong sa sarili.
Nakita niya ang isang babae na palaging kasama ng kaniyang ina at tiyahin sa mga lumang litrato.
Kinaumagahan ay kinausap niya si Adora tungkol sa mga nakita niya.
“Auntie, may nakita po akong mga lumang litrato niyo ni nanay at may kasama kayong babae. Sino po siya?” tanong niya.
“A-ano’ng litrato ‘yan?!” gulat na tanong ni Adora sa pamangkin.
“Yun mga litrato po sa lumang photo album na nakapatong sa kama niyo.”
“Diyos ko! Nakalimutan kong itago sa aparador ang photo album namin ni ate kahapon!” bulong ni Adora sa isip.
Napansin ni Jillian na namutla ang tiyahin at parang may itinatago ito sa kaniya kaya kinompronta na niya ito.
“Auntie, kilala kita kapag may itinatago ka sa akin. Gusto ko pong malaman kung ano ang kinalaman ninyo ni nanay sa babaeng nasa litrato? Bakit lahat ng litrato sa photo album ay naroon siya?”
Humugot muna ng hininga ang babae.
“Ito na siguro ang tamang panahon para malaman mo ang katotohanan, Jillian. Ang babaeng nasa mga litrato na palagi naming kasama ni Ate Corazon ay si Cleofe, siya ang tunay mong ina. Matalik namin siyang kaibigan ng nanay mo ngunit maaga siyang umibig at nabuntis at ikaw ang batang iyon. Hindi pa siya handa sa responsibilidad na maging ina kaya ibinigay ka niya kay Ate Corazon para alagaan. Umalis siya rito sa Pilipinas at hindi na muling bumalik pa. Nabalitaan na lamang namin na pumanaw na rin siya at isa ibang bansa na inilibing. Mula noon ay si Ate Corazon na ang tumayong magulang at ina sa iyo, Jillian. Pinalaki ka niya, inalagaan, minahal at itinuring na tunay na anak. Mahal na mahal ka niya kaya lahat ay ginawa niya mabigyan ka lang ng maayos na kinabukasan. Hindi totoo na iniwan kayo ng tatay mo dahil hindi naman nakapag-asawa si ate. Kahit bago siya pumanaw ay inihabilin ka niya sa akin, hiniling niya na huwag kitang pababayaan at ituring din na para kong anak. Mahal na mahal din kita, hija. Itinuring na rin kita na tunay kong anak. Para sa akin ay anak ka namin ni Ate Corazon,” bunyag ng tiyahin.
Napaiyak si Jillian sa nalamang katotohanan sa kaniyang pagkatao. Ang araw-araw niyang dinadalaw at inaalayan ng mga bulaklak sa puntod ay hindi niya pala tunay na ina.
“Salamat, auntie at ipinagtapat niyo sa akin totoo kong pagkatao. Hindi po ako galit, hindi rin sumama ang loob ko sa aking nalaman bagkus ay masaya ako dahil kahit hindi si nanay ang totoo kong ina ay minahal niya ako at ‘di itinuring na iba. Sobra-sobra pa ang ginawa at ipinaramdam niya sa akin kaya labis kong ipinagpapasalamat at ipinagmamalaki na siya ang tumayong ina para sa akin. Wala akong pinagsisisihan na siya ang aking naging ina, mahal na mahal ko si nanay at ikaw po, auntie, mahal na mahal din kita!” sagot niya sa tiyahin sabay yakap dito nang mahigpit.
Kahit kailan ay hindi nasusukat sa dugo ang pagiging ina. Nasusukat ito sa pagmamahal na inilaan ng isang ina sa kaniyang anak.