Inday TrendingInday Trending
Hindi Sinasadyang Nasagasaan ng Binata ang Isang Dalaga; Ito Na Pala ang Susi sa Katotohanan ng Kaniyang Nakaraan

Hindi Sinasadyang Nasagasaan ng Binata ang Isang Dalaga; Ito Na Pala ang Susi sa Katotohanan ng Kaniyang Nakaraan

Masayang nag-iikot sa mall si Adrian. Kaligayahan niya na talagang makitang masaya ang mga customer na nagpupunta sa kanilang mall. Ang ama ni Adrian ang may-ari ng mall na iyon. Kasalukuyan siyang sinasanay ng ama sa pamamalakad ng kanilang negosyo dahil balang araw ay siya naman ang magmamana ng mga ito.

“Mama, gusto ko po ng ice cream,” malambing na tugon ng isang batang lalaki sa kaniyang ina habang nakaturo sa isang Ice Cream store. Ngumiti naman ang ina at binili ang anak ng hinihiling nito.

Nawala ang mga ngiti sa labi ni Adrian nang makita ang mag-ina. Bigla niya na namang naalala ang kaniyang ina. Pilit niyang itinaboy ang alaala ng babaeng kinasusuklaman.

Anak lamang siya sa labas ng kaniyang ama. Wala itong anak sa kaniyang asawa kaya naman kinuha siya nito sa kaniyang ina. Binili siya nito sa kaniyang ina sa halagang sampung milyon.

Ito ang dahilan kung bakit labis niyang kinasusuklaman ang ina. Dahil nagawa siya nitong ibenta sa halagang sampung milyon lamang. Araw-araw niya iniisip kung ‘yun lang ba ang halaga niya? Sampung milyon. Hindi niya maintindihan kung saan siya nagkamali sa ina.

Oo at mahirap lamang sila pero kahit na ganun ay masaya silang dalawa, ngunit isang araw ay bigla na lamang dumating ang isang lalaking nagpakilala bilang ama niya at binigyan ng isang cheke ang kaniyang ina sa mismong harap niya.

Hindi niya makakalimutan ang araw na pinamigay siya ng kanyang ina kapalit ng salapi. Napakasakit nito para isang batang katulad niya.

Kaya naman lumaki siyang walang emosyon. Hindi na niya magawang makaramdam sa sobrang sakit na naranasan. Para bang simula nang araw na iyon ay nam*tay na ang kaniyang puso.

“Araaaay!” sigaw ng isang babaeng muntik niya ng masagasaan. Hindi niya agad ito napansin. Agad din naman siyang bumababa ng sasakyan at tiningnan ang kalagayan nito.

“Naku, miss okay ka lang ba?” magalang niyang tanong sa babae at inalalayan itong tumayo. Agad namang napakapit sa kaniya ang dalaga.

“Aray! Ang sakit ng paa ko,” agad niya naman itong inalalayan papunta sa kaniyang sasakyan.

“Sige Miss, dadalhin kita sa ospital,” saad niya sa dalaga na bigla namang tumanggi at nagpahatid nalang sa bahay nito.

“Hindi po kuya, okay lang. May hinahabol po kasi ako, pwede po bang ihatid niyo na lamang ako sa amin? Parang awa niyo na po,” pagmamakaawa nito sa kaniya. Medyo nagtaka si Adrian ngunit pinagbigyan niya na lamang ito. Malalim na rin ang gabi at baka mapano pa ito kung hahayaan niya lang. E ‘di cargo de konsensya niya pa.

Tumigil sila sa isang maliit na bahay kubo. Aalis na sana siya agad nang pigilan siya ng dalaga at inimbita sa loob. Hindi naman siya nakatanggi dahil sa makulit din ito. Mukha naman itong mabait kaya naman pinaunlakan niya na lamang ang imbitasyon nito.

Maliit lang ang tahanan nito. Walang masyadong makikitang mga gamit maliban sa lamesa, mga silya at isang maliit na cabinet.

Natigilan siya ng may makitang isang babaeng nakaratay sa isang higaang gawa sa kahoy. Sinubukan nitong bumangon at napatingin sa kanya.

“Nina, ikaw na ba ‘yan? Anong oras na at ginabi ka na namang bata ka,” uubo-ubo nitong saad. Natigilan ito nang magtama ang kanilang mga mata.

Nanlamig ang kaniyang buong katawan at agad siyang napatakbo sa labas ng kubo. Ang laki na ng pinagbago ng itsura nito pero hindi siya maaaring magkamali. Ang laki man ng ibinagsak ng katawan nito at halos hindi na makilala sa laki nga ng pinagbago ay hinding-hindi siya maaaring magkamali.

Siya ‘yon. Ang babaeng pinakasusuklaman niya! Ang babaeng, hindi man niya aminin, ay ilang taon niyang ginustong makita at mahagkan. Ang kaniyang ina na ipinamigay siya kapalit ng ilang milyong salapi!

Bigla na lamang niyang naramdamang may humila sa kaniya at pinayungan siya. Umuulan pala. Hindi niya napansin dahil parang binabagyo ang loob-loob niya sa mga oras na iyun.

“Ano ba?! Kanina pa kita tinatawag ha! Pumasok ka muna sa loob ang lakas lakas ng ulan,” bulyaw sa kaniya ni Nina na halata namang nag-aalala sa kalagayan ng binata. Tumigil ito at hinarap ang dalaga.

“Sino ‘yon?” tanong niya sa dalaga. Blangko ang mukha nito at walang emosyong makikita doon.

Napabuntong hininga ang dalaga. “Ikaw ang sumagot sa tanong na iyan Adrian, sino nga ba siya?”

Naguluhan ang binata at mahigpit na hinawakan ang dalaga sa dalawang braso nito, dahilan para mabitawan nito ang dalang payong at pagkabasa nila.

“Kilala mo ako? Anong alam mo?!” sigaw nito sa dalagang halatang nagulat at natakot sa ginawang pagsigaw ng binata. Pilit niyang tinanggal ang mga kamay nito sa braso niya dahil sobrang nasasaktan siya sa lakas nito.

“Oo,” pag-amin ng dalaga kay Adrian habang nakatitig ng direktang sa mga mata nito. “Kilala kita at sinadya ko talagang magpasagasa sa’yo kanina. Planado ang lahat ng nangyari,” hinawakan nito ang kaniyang kamay.

“Hindi na magtatagal si mama. Please. Matagal na siyang sabik na sabik sa’yo,” puno ng emosyong pahayag nito. Nakaramdam naman ng galit si Adrian kaya tinabig niya ang kamay nitong nakahawak sa kaniya.

“Wow! Mama? Sabik? Sa’kin? Baka ‘di niya nasabi sa’yong pinamigay niya ako sa halagang sampung milyon?!” natatakot man ay sinubukan ulit ni Nina na hawakan ang mga kamay ni Adrian.

“Wala na akong mga magulang. Si Mama Anne na ang kumupkop at nagpalaki sa’kin dalawang taon matapos ka niyang ipamigay sa iyong ama ngunit nagkakamali ka kung sa tingin mo ay dahil ginawa niya iyon para sa perang kapalit mo,” umuulan man ay sigurado siyang umiiyak na ang dalaga dahil sa hikbing maririnig sa pagitan ng mga salita nito. May kinuha itong maliit na kahon sa bulsa at ibinigay sa kaniya.

Masama man ang loob ay kinuha niya pa rin ito at binuksan. Nasa loob ng kahon ang nakatuping cheke na nagkakahalaga ng sampung milyon. Bigla siyang naguluhan kaya napatingin na lang siya sa dalaga.

“Kahit na kailan ay hindi ka nakalimutan ni mama. Alam mo bang madalas ka niyang dalawin doon sa mall niyo at pinagmamasdan ka lang mula sa malayo. Gustuhin man niyang lapitan ka ay alam niyang wala na siyang karapatan,” hindi niya magawang maniwala sa mga sinasabi ng dalaga.

“Maaaring hindi mo na natatandaan ngayon pero napakasakitin mo kasi noong bata ka pa. Kinakaya niyo naman lahat ni mama kahit na mahirap lang kayo kaso dumating yung araw na hindi na talaga kinakaya ng mga gamot-gamot lang ang iyong kondisyon.

Sinugod ka noon sa ospital at nag-agaw buhay. Hindi alam ni mama ang gagawin niya. Wala siyang sapat na pera para sa operasyon mo. Wala na rin siyang pamilya kaya wala rin siyang ibang malapitan. Doon niya naisip ang iyong mayaman na ama

Masakit man sa loob niya ay nagmakaawa siya rito. Wala na siyang pakialam sa pride niya. Handa siyang gawin lahat para maligtas ka lamang. Pinagbigyan naman siya ng iyong ama at asawa nito ngunit ang kapalit nga nito ay kukunin ka nila at gagawing tagapagmana sa lahat ng mga negosyo at ari-arian ng mga ito at kinakailangan niyang kalimutan na may anak siya dahil kapalit ng buhay mo ay ang koneksyon niyong mag-ina,” mahabang paliwanag ng dalaga.

Pakiramdam niya ay nadurog ang puso niya sa mga nalaman. Hindi niya akalain na ganun pala ang katotohan sa likod ng kaniyang pagkawalay sa ina.

“Mahal na mahal ka ni mama. Tiniis niya na pagmasdan kang lumalaki mula sa malayo. Ikaw ang buhay niya kaya kahit sobrang hirap na mawalay sa’yo ay ginawa niya pa rin ang desisyong ibigay ka sa iyong ama dahil mas gugustuhin niya nang mawalay ka sa piling niya kaysa naman mawala ka talaga sa mundong ito,” hindi na mapigilan pa ni Adrian ang mapahagulgol sa iyak sa bigat ng kanyang nararamdamang sakit para sa ina.

“Simula ng araw na iyon ay parati na lamang nanghihina ang katawan ni mama. Pero kahit ganun, nagsusumikap siya at lumalaban dahil gusto ka pa niyang pagmasdan, pero Adrian, unti-unti ng bumibigay ang katawan niya. Gustuhin man niyang lumaban pa ay hindi na kaya ng katawan niya,” bigla na lamang lumuhod ang dalaga sa harapan niya.

“Kaya, parang awa mo na,” humahaguhol na pakiusap ni Nina. “Parang awa mo na kahit ilang minuto lang, kausapin mo naman siya. Samahan mo naman siya. Nagmamakaawa ako sa’yo.”

Hindi alam ni Adrian pero bigla na lamang siyang natakbo sa loob ng kubo at dahan-dahang lumapit sa babaeng nakaratay.

Sobrang payat na nito pero mahahalata pa rin ang taglay na ganda ng ginang. Nadudurog siya sa nakikitang kalagayan ng ina. Ang maganda at napabait niyang mama.

Hinawakan niya ang kamay nito kaya nagising ito napatingin sa kaniya. Napakalamig na ng kamay nito.

“Adrian anak,” nagpaunahang bumagsak ang mga luha ng binata ng marinig ang mga salitang iyon mula sa ina. Ang tagal niyang hindi narinig iyon mula dito. Ang tagal niyang hindi narinig ang boses nito. Ang malumanay at puno ng pagmamahal na boses nito.

“Pagpasensiyahan mo na si Nina ha? Makulit talaga ang batang iyon at ginambala ka pa. Pansensiya ka na. Ang balak ko sana’y lumisan ng hindi mo nalalaman para hindi ka na masaktan,” hindi siya makapaniwala sa sinabi ng ina. Napahagulhol nalang siya sa iyak habang umiiling-iling na para bang batang sinasabing ayaw niya.

“Anak,” nagsisimula na ding umiyak ang kanyang ina.

“Tumahan ka na please. Hindi ako karapatdapat para sa mga luha mo. Tumahan ka na please,” pagsusumamo ng kaniyang ina. Hindi niya na nakayanan at niyakap niya ang ina nang napakahigpit.

“Patawarin mo sana ako sa nagawa ko sa’yo. Pero kahit ilang beses man maulit ang panahon ay gagawin ko pa rin iyon. Wala akong pinagsisisihan sa ginawa ko. Ibibigay pa rin kita sa iyong ama. Pero gusto kong malaman mo na ginawa ko lamang iyon para sa ikabubuti mo. Para mabuhay ka at magkaroon ng magandang buhay. Tingnan mo nga at napakakisig at napakagwapo mo ngayon,” biro pa nito sa kaniya.

“Ikaw ang pinakamagandang biyayang natanggap ko mula sa Panginoon kaya handa akong gawin lahat para sa’yo.” Nararamdaman ni Adrian na nawawalan na ng lakas ng ina. Unti-unti ng lumuluwag ang yakap nito sa kaniya.

“Mahal na mahal kita, anak.” Mas lumakas pa ang hagulhol ni Adrian nang tuluyan na itong takasan ng lakas. Sa huling pagkakataon ay narinig ng binata ang mga salitang kaytagal niyang inasam na marinig sa ina.

Advertisement