Umuwi sa Probinsya ang Binata Para Doon na Muling Mag-Aral; Isang Hindi Inaasahang Dalaga ang Makikilala Niya sa Kaniyang Pagbabalik
“Kristof! Kumusta? So, totoo nga? Dito ka na ulit mag-aaral sa’tin?” Masayang bati sa kaniya ng kaniyang kaibigan nang makita siya nito sa gate ng kanilang kolehiyo.
“Oo eh,” sagot niya sa kaibigan. Mahigit dalawang taon din silang hindi nagkita. Galing kasi siya ng Maynila at nag-aral doon nitong nakalipas na dalawang taon.
“Mas mainam na rin na manatili na lang ako dito sa’tin. Napaka-toxic sa Manila pre, at isa pa, makakasama ko ang pamilya ko rito,” paliwanag niya pa sa kaibigan.
Kung sa unang tingin ay aakalaing napaka-perpekto ng buhay ni Kristof. Galing siya sa isang kilalang angkan sa kanilang bayan. Gwapo, mayaman, at matalino. Medyo suplado nga lang minsan at may pagka-chickboy, kaya naman sikat at habulin ng mga babae mula pagkabata.
Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, napakalayo sa pagiging perpekto ng buhay ng binata. Ang inaakalang masaya at perpektong pamilya niya ay puro pagkukunwari lamang. Isang palabas lamang para sa pinangangalagaang repustasyon ng kanilang pamilya.
“Sa bagay. Mahirap nga namang mawalay sa pamilya, lalo na at mag-isa ka lang dun sa Manila,” tumatangong pag sang-ayon naman ng kaibigan niya.
Pinagkasundo lamang ang mga magulang ng binata kaya naman walang pagmamahal ang mga ito para sa isa’t isa. May sariling mga minamahal ang mga ito nang sila’y pinagkasundo, ngunit para sa kanilang mga pamilya ay pareho nilang iniwan ang mga ito at nagpakasal.
Dahil mas importante ang responsibilidad kaysa sa pag-ibig, ‘yon na lamang daw ang inisip ng mga ito. Ito pang naging dahilan kung bakit hindi magawang maniwala ni Kristof sa pag-ibig. Para sa kaniya, kathang-isip lamang ang pag-ibig.
Dumaan ang ilang buwan at naging maayos naman ang takbo ng mga bagay para kay Kristof. Madalas na tumambay sa library ang binata dahil gusto nito ng tahimik na lugar.
At dahil nga sa madalas niyang pag-tambay sa library ay madalas niya ding mapansin ang isang babaeng madalas ding nakatambay doon.
Pero hindi kagaya ni Kristof na madalas ay tahimik lamang, napakasigla at medyo maingay ang dalaga. Palakaibigan at napaka-aktibo nito sa iba’t ibang mga aktibidad sa kanilang kolehiyo. Saan man ito magpunta ay may dalang ngiti ito sa kaniyang mga labi.
Hindi maiwasang mahiwagaan ni Kristof sa dalaga. Para bang may kung anong pwersa ang nagtutulak sa kaniya na tingnan ito. Masyado silang magkaiba kaya naman nahihiwagaan talaga siya sa sariling nararamdaman, kaya naman sinubukan niyang makipaglapit dito.
“Hello. Annie, right?” Nakangiting inilahad ni Kristof ang kaniyang kamay sa dalaga.
“Uh yes,” sagot nito habang nakatingin sa kanya. Nagpipigil naman ng kilig at tili ang mga kasamang kaibigan ni Annie.
“I’m Kristof Ramirez. Ikaw raw yung naka-assign na partner ko sa upcoming event natin, right?” matamis na ngiti ng binata na tila ba hinuhuli ang kiliti ng dalaga.
“Ah oo, ako nga. So, ikaw pala si Kristof. Nice to meet you,” nahihiyang iniabot din ng dalaga ang kamay sa kaniya. Halatang-halata naman ang mapanuksong tingin ng mga kaibigan ng dalaga sa dalawa.
Nagkasama ang dalawa sa maraming aktibidad sa kanilang kolehiyo at unti-unting napalapit sa isa’t isa.
Sa dinami-dami na ng nakilalang babae ni Kristof ay hindi niya maipagkakailang kakaiba ang dalaga. Hindi niya alam kung bakit pero kapag nakikita at nakakasama niya ang dalaga ay bigla na lamang nagliliwanag ang kaniyang mundo. Pakiramdam niya ay matagal na silang magkakilala dahil sa sobrang komportable siya sa tabi nito. Tila ba lahat ng problema niya ay nawawala pag kasama ang dalaga.
Dumating ang araw at napagdesisyunan ni Kristof na tuluyan nang suyuin ang dalaga. Liligawan niya ito at handa siyang gawin ang lahat makuha lamang ang matamis nitong oo.
Naghanda ng isang sorpresa si Kristof para sa dalaga.
“Wait lang, saan mo ba talaga ako dadalhin?” natatawang saad ng dalaga habang akay-akay niya ito at may piring ang mga mata.
“Basta magtiwala ka lang sakin,” mahihimigan ang pagkasabik sa boses ni Kristof.
Dinala niya sa isang bakanteng lote na may malaking puno si Annie at doon ay balak siya nitong tanungin kung pwede niya bang ligawan ang dalaga. Maya-maya lang ay tumigil na sila sa kalalakad. Dahan-dahan niyang tinanggal ang piring sa mga mata ng dalaga.
Tumambad sa kaniya ang napakaraming kandila at petals ng pinakapaborito niyang bulaklak. Hinawakan ni Kristof ang mga kamay ni Annie at tumingala kaya naman napatingala rin siya. Namangha siya sa nakita. Sobrang napakaraming mga alitaptap na nasa puno. Para silang nasa isang pelikulang pantasya ang tema.
“Nagustuhan mo ba?” nahihiya at kabadong tanong niya sa dalaga. Napangiti naman ang dalaga.
“Nagbibiro ka ba? Oo naman, sobra! Para tayong nasa fairytale!” Masiglang tugon niya sa binata. Nawala naman ang kaba at pag-aagam-agam sa mukha ng binata.
“Uhm, Annie…” nakangiting tawag ng binata sa kanya.
“Oh?” Namamangha parin siya sa kanyang paligid ang dalaga. Tiningnan niya ang binata at nagtagpo ang kanilang mga mata. Napakabilis ng tibok ng mga puso nila.
“Alam kong medyo mabilis pero gusto kong malaman mo na seryoso ako sa sasabihin ko,” saad ng binata habang nakatitig sa kaniyang mga mata na para bang tumatagos din sa kanyang kaluluwa ang mga titig nito. Nalulunod siya sa mga titig nito.
“Gusto kita. Hindi, mahal na kita.” Biglang nanghina si Annie at mabilis na pumatak ang kanyang mga luha. Bigla namang nataranta si Kristof sa biglaang pag-iyak ng dalaga.
“Wait, anong problema? May nagawa ba ako? May masakit ba sa’yo? Bakit ka umiiyak?” Sunod-sunod na tanong ng binata. Natawa naman ang dalaga sa naging reaksyon niya.
“Wala, wala,” natatawang saad nito habang pinupunasan ang mga luha sa kaniyang mga pisngi. Tinawid niya ang distansya sa pagitan nilang dalawa at niyakap niya ang binata. “Alam mo bang napakatagal kong pinangarap marinig mula sa iyo ang mga salitang iyan?” Nagulat naman si Kristof sa sinabi ng dalaga.
“Anong ibig mong sabihin?” Naguguluhang tanong niya kay Annie. Kumalas sa yakap si Annie at tiningnan siya sa mata.
“Matagal na kitang kilala.” Pag-amin ng dalaga sa kanya.
“High school pa lang tayo pinagmamasdan na kita sa malayo,” hinawakan niya ang mga kamay ng binata. Para namang nagtatanong ang mukha ng binata sa narinig kaya agad din ipinagpatuloy ni Annie ang kaniyang kwento.
“Oo, school mates tayo dati. Kaso ‘di mo naman ako nakilala. Pero ako, kahit kailan hindi kita nakalimutan. Gusto sana kitang lapitan at magpakilala noon. Kaso sikat ka kasi eh. Kaya hindi ko magawang makalapit sa’yo. Ordinaryong estudyante lang naman kasi ako.” Hindi siya makapaniwala sa kaniyang mga narinig at nakatitig lamang siya sa dalaga habang nakikinig sa kwento nito.
“Tinititigan lang kita sa malayo. Simula noon hanggang ngayon. Sinong mag-aakala na dadating ang araw na mapapansin mo rin pala ako? Na magugustuhan at mamahalin mo rin pala ako?” Naluluha at puno ng emosyang saad ng dalaga sa kaniya. “Mabuti na lang pala at hindi ako sumuko sayo.”
Hindi na napigilan ni Kristof ang kaniyang sarili at mahigpit na niyakap si Annie. Sobrang hindi siya makapaniwala na nandyan lang pala ito at nakamasid sa kaniya. Na ang babaeng ni sa pananginip niya ay ‘di niya inakalang makikilala at magpapatibok ng kanyang puso ay matagal niya na palang nakatagpo at nasa paligid niya lang pala. Kung sana ay naging mapagmasid siya, e ‘di sana matagal niya na itong napansin. Matagal niya na itong nakilala.
“Maraming salamat,” puno ng sinseridad niyang saad sa dalaga, ”At patawad kung medyo natagalan.”
“Okay lang. Handa akong maghintay. Basta ba ikaw yung hinihintay ko,” buong pusong sagot ni Annie sa binata.
Ilang buwan ding nanligaw si Kristof bago natanggap ang matamis na oo nito. Matagal siyang hinintay ng dalaga kaya naman kahit ilang taon pa ay handa siyang maghintay rito. Hindi naman kasi siya nagmamadali dahil naniniwala siyang ang pag-ibig na mayroon sila sa isa’t isa ay pang habambuhay na. Kahit anumang balakid ang darating na maaaring makapigil sa kanilang pag-iibigan ay kanilang haharapin nang magkahawak ang kamay.