Inday TrendingInday Trending
Napagbuhatan ng Kamay ng Ama ang Anak; Mas Titindi ang Alitan sa Pagitan Nila na Magpapalalim sa mga Sugat ng Kahapon

Napagbuhatan ng Kamay ng Ama ang Anak; Mas Titindi ang Alitan sa Pagitan Nila na Magpapalalim sa mga Sugat ng Kahapon

“Mark Joseph, ano na naman itong na balitaan kong nakipagbugbugan ka na naman daw?! Tinawagan ako ng eskwelahan niyo para ipaalam sa’king suspended ka na naman nang isang buwan! Hindi ka na ba talaga magtitinong bata ka?! Wala ka ba talagang planong tumigil sa pagrerebelde at ayusin ang buhay mo?” Galit na bungad ni Francis sa anak pagkauwi niya ng bahay.

Tiningnan lang siya ng binata na may blankong ekspresyon ang mukha.

Dating masaya ang kanilang pamilya. Kagaya ng karamihan ay dating masayahing bata si Mark. Ngunit lahat ng iyon ay nagbago simula nang sumama sa ibang lalaki ang ina nito.

Ang dating ubod ng bait at lambing na bata ay biglang naging palaaway at rebelde. Kung dati ay ito ang nagpapasaya sa buong pamilya dahil sa taglay na sigla, simula nang iwan ng ina ay wala na itong ginawa kundi magbigay ng sakit ng ulo. Araw-araw ay halos mabiyak na sa sakit ng ulo ni Francis dahil sa mga pinaggagagawa ng anak.

Inaamin naman niyang siya ang may kasalanan kung bakit nasira ang dati nilang masayang pamilya. Kung sana ay hindi siya natukso noon ay hindi sana gumanti ang kanyang asawa at naghanap ng ibang lalaki dahilan para iwan sila ng kanyang anak.

Araw-araw na kasi kung magtalo sila noon ng kanyang asawa, pagod na nga siya sa trabaho ay napapagod pa siya pagdating ng bahay. Nakahanap siya ng comfort sa isa niyang katrabaho. Maganda at mabait ang babae kaya naman hindi nakapagtatakang nahulog ang loob niya rito at nauwi sa isang relasyon.

Nalaman ito ng kanyang asawa kaya mas lalong tumindi ang mga away nila ng kanyang asawa hanggang sa puntong hindi na nila ito natatago sa mga anak. Doon na rin nagsimulang masira pati ang kanyang relasyon sa mga anak. Alam niyang siya ang sinisisi ng mga anak kung bakit nangyayari ang lahat ng iyon sa kanilang pamilya.

Hanggang isang araw ay hindi na nakayanan ng kanyang asawa ang lahat at bigla na lamang umalis sa bahay nila. Iniwan sila nito at sumama sa matalik na kaibigan nitong lalaki. Matagal na kasing may gusto sa asawa niya ang matalik kunong kaibigan nito kaya naman ay sinamantala ng lalaki ang magulong sitwasyon ng kanilang pamilya para makuha ang loob ng asawa.

“Mommy, please ‘wag ka na pong umalis! ‘Wag mo po kaming iwan! Mommy!” pagmamakaawa ni Mark sa inang paalis. Hinawakan naman ito ng kanyang asawa sa kanyang mga braso at niyakap.

“Mahal na mahal kita anak, pero hindi ko na kaya pang tiisin ang daddy niyo. Sasama na ako sa lalaking alam kong ako lang ang mamahalin kahit kailan. Ayoko ng makihati sa ibang babae ng iyong ama. Pagod na pagod na ako. Patawarin mo si Mommy anak, pero isang araw, maiintindihan mo rin ako kung bakit nagawa ko ito. Maiintindihan mo rin ang lahat paglaki mo,” sa huling pagkakataon ay hinalikan ng kanyang asawa ang kanilang anak sa noo bago tuluyan nang umalis.

Magsimula ng araw na iyon ay tila ba isinama na ng kanyang asawa ang puso ng kanilang anak. Naging malamig na ang pakikitungo ni Renee sa kanya at madalas na hindi na kumikibo o makikitaan ng emosyon ang mukha. Para bang simula ng araw na iyon ay nawalan na rin ito ng pakiramdam.

Madalas na ring masangkot sa mga away si Mark, natutong mambugbog ng kanyang mga kaklase kaya madalas mareklamo sa eskwela at minsan na ring nahuli na nagnanakaw sa isang tindahan. Ang dating napakabait na bata ay para bang bigla na lamang naging isang halimaw sa kanyang paningin.

Gusto niyang maintindihan ang anak at ibalik ang dati nilang masayang relasyong mag-ama, pero parang malabo na iyong mangyari dahil para bang tuluyan nang isinara ng binata ang kanyang puso sa kanya.

“Hindi ka na naman sasagot?! Sumagot ka pag kinakausap kita, ha? Huwag kang bastos!” galit niyang sigaw sa anak na napatingin sa kanya ngunit walang makikitang kahit na anong emosyon sa mga mata ng binata, imbis ay mukhang bagot na bagot pa ito.

“Bakit Dad? Sino ba ang may kasalanan at nagkaganito ako? Sino ba ang sumira sa pamilyang ito? Disappointed ka ba sa akin? Huwag kang mag-alala dahil pareho lang tayo ng nararamdam. Kinasusuklaman din kita,” hindi napigilan ni Francis ang kanyang sarili at kusa na lamang gumalaw ang kanyang palad at sinampal ng malakas ang anak.

Marahang tumawa ng mapakla ang binata at puno ng suklam na tumingin sa kanyang mga mata.

“At ngayon naman nagagawa mo na akong saktan ng pisikal. Anong sunod mong gagawin? Pap*tayin mo ako? Para tuluyan ka nang maging malaya at ng makapunta ka na sa kabit mo at sa anak mo sa labas?” puno ng pait na tanong ni Mark sa ama.

“Hindi anak, pa-patawarin mo si Daddy, nabigla lang din ako ana-“ hindi na natapos ni Francis ang kanyang sinasabi dahil mabilis na umalis ng kanyang kwarto ang binata at lumabas ng bahay.

Madalas silang magtalo ng anak ngunit hindi naman umaabot sa puntong napagbubuhatan niya ito ng kamay, sadyang nabigla lamang talaga siya. Ilang araw na hindi umuwi sa kanila ang anak matapos ang pangyayaring iyon.

Sobrang sama ng loob ni Francis sa kanyang ama dahil sa ginawa nito sa kanya. Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin matanggap ang pagkawala ng kanyang ina dahilan para masira ang buhay niya. Sobra kasi siyang nasaktan, sana ay isinama na lamang siya ng kanyang ina.

Sa ilang araw na hindi niya pag-uwi sa kanila ay may nakilala siyang isang dalaga. Magaan ang loob niya sa dalaga kaya naman naging mabuting magkaibigan ang dalawa.

“Alam mo ikaw, masuwerte ka pa nga at nandyan pa ang daddy mo para sa’yo eh. Parati nalang ang mommy mo ang iniisip mo, paano naman ang dad mo? Hindi mo ba naisip na baka nasaktan din siya noong iniwan kayo ng mommy mo? Na baka araw-araw ay kinakain siya ng konsensya niya dahil sa pagkakamaling nagawa niya? Huwag mong sirain ang buhay mo dahil lang sa pagkakamaling nagawa ng dad mo, tapos na yun. Wala ka nang magagawa pa tungkol dun. Tsaka, ‘yang pagrerebelde mo, pagsira mo sa buhay mo, hindi na ‘yan kasalanan ng dad mo, kasalanan mo na ‘yan. Dahil ikaw ang pumipiling sirain ang buhay mo,” pahayag ng dalaga kay Mark.

Parang nabuksan muli ang mga mata ni Mark dahil sa mga sinabi ng dalaga. Napagtanto niya na tama nga ito, hindi dapat ang ama niya ang sisihin niya kung bakit nasira ang buhay niya. Tsaka baka nga tama ang dalaga, hindi lang siya ang nasaktan sa nangyari.

Kung may dapat man siyang sisihin sa pagkasira ng buhay ay walang iba kundi siya lang, dahil pinili niyang gawin iyon. Hinayaan niyang malunod siya sa sakit na naramdaman ng iwan sila ng ina at tuluyan siyang nabulag ng galit.

Kinabukasan ay agad na umuwi ang binata sa kanilang bahay. Hinanap niya agad ang ama para maka-usap ito. Hindi naman siya nabigo ng makita ito sa silid nito at nagbabasa ng libro na madalas nitong gawin.

“Dad…” tawag ng binata sa ama.

Lumingon si Francis sa pinanggalingan ng boses at nakita ang anak na hindi umwi ng ilang araw. Dali-dali siyang tumayo para salubungin ng yakap ang anak na ilang araw na hinanap.

“Dad, I’m sorry,” mahinang sambit ni Mark sa ama habang dahan-dahang umaagos ang kanyang mga luha sa kanyang mga mata.

Humingi sila ng kapatawaran sa isa’t isa at sinubukang magbago at ayusin muli ang kanilang nasirang pamilya. Nawala man ang kanilang ilaw ng tahanan ay sinubukan pa rin nila na muling ibalik ang dati nilang masayang pamilya. Sa pagkakataong ito ay pinairal na nila ang pagmamahal at pagpapatawad sa kanilang mga puso.

Advertisement