
Binalak na Dispatsahin ng Lalaki ang Kinaiinggitan Niyang Kasamahan sa Trabaho; Isang Masamang Panaginip ang Pipigil sa Kaniya
Sa minahan nagtatrabaho si Epeng bilang foreman. Kasama niya roon ang kababatang si Odin na mayroong mataas na posisyon kaya suko sa langit ang inggit niya rito.
“Bwisit! Naunahan pa ako ng tar*ntadong ito na tumaaas ang posisyon gayong mas nauna ako sa kanya sa minahang ito,” gigil na sambit ni Epeng sa isip habang masama ang tingin kay Odin na masayang nakikipagkuwentuhan sa mga kasamahan nila.
Bago naging foreman si Odin ay foreman na noon si Epeng, pero mas sinuwerte itong na-promote sa trabaho at naging supervisor samantalang siya ay hindi man lang umangat ang posisyon. Hindi iyon matanggap ni Epeng kaya kulang na lang ay isumpa niya ang kasama sa sobrang sama ng loob niya.
Kahit ang mga katrabaho nila ay hanga kay Odin kaya mas lalo siyang nainis.
“Tama lang na kay Sir Odin napunta ang posisyon dahil siya ang mas karapat-dapat,” sabi ng isang minero.
“Tunay kasi ang kabaitan at kasipagan ni Sir Odin kaya gustung-gusto siya at hinahangaan maging ng mga kasamahan natin,” sabad ng isa pa.
“P*nyeta, puro kayo Odin, Odin! Magsama-sama kayong mga bobo, mga hindi marunong pumili ng hahangaan! Mga mangmang!” nanggagalaiti niyang sabi nang marinig ang sinabi ng dalawang minero.
Hanggang sa kanilang bahay ay dala niya ang saloobin kay Odin.
“O, ano na naman ba ang iniisip mo? Puro na lang trabaho ang iniintindi mo. Ang mabuti pa ay lumabas na tayo dito sa kwarto at nagluto ako ng masarap na hapunan. Tara, kain na tayo!” yaya ng asawa niya.
Ngunit wala siyang pakialam sa sinabi nito. Ang tanging nasa utak niya ay kung paano makakaganti.
“Humanda ka, Odin. Tatapusin kita sa loob ng minahan bukas,” sabi niya sa isip na pinasukan na ng kadem*nyohan.
Kinaumagahan ay pinagplanuhan niya kung paano mawawala sa landas niya ang kinaiinggitan niyang kababata at sa naisip niya ay siguradong mabubura sa mundo ang taong labis niyang kinamumuhian.
Oras ng break, lumabas ng minahan ang mga minero para kumain ng tanghalian. Naiwan sa loob ng kuweba si Odin dahil may mga tinatapos pa itong trabaho. Pagkakataon na iyon ni Epeng para tapusin ang buhay nito. Lingid sa kaalaman ng mga kasama nila ay hindi siya sumamang lumabas. Naroon din siya sa loob ng kuweba para ituloy ang masama niyang tangka.
Habang abala si Odin ay palihim niya itong pinagpapalo ng malaking kahoy sa ulo at sa iba pang bahagi ng katawan. Hindi siya nakilala ni Odin dahil tinakpan niya ng maskara ang buo niyang mukha. Nang lupaypay na ito ay isinagawa rin niya ang isa pang patibong para madisgrasya nang tuluyan ang lalaki. Binagsakan niya ng malalaking troso ang walang malay na si Odin. Matapos niyang gawin ang kr*men sa kababata ay gustong niyang magtatalon sa sobrang tuwa. Sa wakas ay wala na ang karibal niya sa posisyon at kapangyarihan. Sigurado na kapag nawala si Odin ay siya ang hahalili sa posisyon nito.
“Pasensyahan tayo, Odin. Ikumusta mo na lang ako kay San Pedro,” nangingisi niyang sabi sa sarili.
Subalit ang kasiyahan niya ay panandalian lang pala. Himalang nakaligtas si Odin sa mga ginawa niya rito. Imposible!
“Mabuti at mga galos at pasa lang ang tinamo ni Sir Odin,” wika ng isang minero.
“Pero malalaki ang trosong tumama at dumagan sa kaniya, ‘di ba? Napakasuwerte niyang nakaligtas sa aksidenteng iyon,” nagtataka namang tugon ng isa pa.
Nang marinig niya iyon ay hindi siya makapaniwala na hindi pa niya natuluyan ang karibal.
“Di yata’t h-hindi pa natigok ang lintik!” inis niyang sambit sa isip.
Sa nangyari ay sinuwerte rin si Epeng dahil lusot siya sa kr*men. Lumabas na gapok na ang mga troso sa loob ng minahan kaya bumagsak at minalas si Odin na madaganan niyon pero ikinadismaya niya ang pagbabalik nito sa trabaho matapos na makapagpagaling sa ospital.
“Sure ka ba na kaya mo nang magtrabaho, Odin? You have all the day to rest until you recover,” sabi ng boss nila.
“Kaya ko na po, sir. Hinahanap-hanap ko na rin po ang pagtatrabaho, eh,” anito.
Sa tagpong iyon ay may panibagong balak si Epeng sa kasama.
“Sa susunod kong gagawin ay sisiguraduhin kong hindi ka na makakaligtas pa. Pasasabugan naman kita,” wika ni Epeng sa sarili nang marinig ang pag-uusap ng mga ito.
Pero naging maramot ang pagkakataon sa plano ni Epeng na mapahamak si Odin sa pamamagitan ng bomba. Ang inasahan niya na mapag-iisa ang lalaki sa loob ng kuweba ay hindi natupad dahil hindi umuwi nang maaga ang mga kasamahan at boss nila. Kapag itinuloy niya ang plano ay maraming madadamay, ang gusto lang naman niyang mawala ay ang hadlang sa pag-asenso niyang si Odin.
“Bwisit talaga! Talagang may kakambal na suwerte ang ugok na ito a! ‘Di bale, mag-aantay ako kahit sumapit pa ang gabi, maisakatuparan ko lang ang balak ko,” sambit ni Epeng.
Nang magdilim na ay saka lamang nagsiuwian ang mga kasama nila. Naiwan silang dalawa ni Odin sa loob ng kuweba. Inalok niya ito na mag-inuman muna sila kahit sandali lang. Pinagbigyan naman siya nito. Binigyan niya ng baso na may alak ang lalaki na palihim niyang nilagyan ng pampatulog. Sa oras na makatulog si Odin ay saka niya papasabugin ang loob ng kuweba kasama ito.
“Sa gagawin ko’y tuluyan na akong mawawalan ng kaagaw sa trabaho,” aniya sa isip.
Ngunit nakakaisang baso pa lang siya ay hindi niya namalayan na siya ang nakatulog imbes na si Odin.
Isang masamang panaginip ang nasaksihan niya habang siya ay natutulog. Naganap ang plano niyang pagpapasabog sa loob ng kuweba ngunit hindi si Odin ang nabiktima sa panibago niyang patibong.
Nakita niya sa panaginip si Odin na humahangos na sumalubong sa kanya.
“H-hinahanap ka ng asawa at mga anak mo, Epeng, at nasa loob sila ng kuweba nang biglang may sumabog. Ikinalulungkot ko, pero wala na sila, pat*y na sila,” bungad ng lalaki.
“Hindeee!”
Nang pumunta siya sa minahan ay lumantad sa kanya ang wala nang buhay na mga katawan ng kanyang mag-iina.
“Teresa, asawa ko, mga anak ko!” hagulgol niya.
Maya maya ay nagising siya sa bangungot na iyon.
“Hoy, pareng Epeng, gising! Nananaginip ka! Ang bilis mo naman malasing samantalang kakaumpisa pa lang natin,” wika ni Odin na kanina pa pala siya ginigising.
“Diyos ko! Akala ko’y totoo na pero posibleng magkatotoo ‘yon kung patuloy akong tatalunin ng aking inggit,” sambit ni Epeng sa isip.
Hindi na niya itinuloy ang balak kay Odin at pinagsisihan na ang mga ginawa niya rito. Humingi rin siya ng tawad sa lalaki na ipinagtaka naman nito. Ang sabi na lamang niya ay labis niya itong kinainggitan noon kaya humihingi siya ng paumanhin na tinanggap naman ni Odin at ibinigay sa kanya ang kapatawaran nito.
Mula noon ay hindi na siya naiinggit sa kanyang kapwa. Natuto na niyang tanggapin ang magagandang nangyayari sa iba na walang halong pag-iimbot sa puso.
Ngunit ang hindi niya alam ay kagagawan ng mga engkantong tagapagbantay ng kuweba ang masama niyang panaginip na nagbigay aral sa kanya at ang himalang pagkakaligtas ni Odin sa mga plinano niyang patibong. Matagal na pala siyang minamatyagan ng mga ito at para bigyan siya ng matinding leksyon, imbes na si Odin ang nakatulog sa pinainom niyang pampatulog ay sa kanya tumalab iyon. Hindi hinayaan ng mga naiibang nilalang ng kabutihan na tuluyang magtagumpay ang kasamaan.