Itinanim ng Ina sa Isip ng mga Anak na Habambuhay na Silang Mahirap; Makalipas ang Maraming Taon ay Patutunayan ng Panganay Niya na Mali ang Pananaw Niya
“Kanin baboy! Baka may kanin baboy kayo riyan!” sigaw ni Lourdes sa mga kapitbahay niya.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay iyon ang ginagawa niya, ang manguha ng kanin baboy na ibinebenta niya kay Aling Taling na may-ari ng babuyan sa lugar nila. Kahit paano ay kumikita siya para sa pagkain nilang mag-iina. Mula kasi nang sumama sa ibang babae ang mister niya ay siya na ang bumubuhay sa tatlo nilang anak.
Bata palang ang mga anak niyang sina Cleo, Ringgo at Nympha ay isinaks*k na niya sa isipan ng mga ito na habambuhay na silang mahirap, na ang mga mayayaman lang ang may karapatang maging magihawa samantalang sila ay mananatiling dukha hanggang sila ay mawala sa mundo. Kaya maaga niyang iminulat ang mga anak sa pagtatrabahaho, sa pagkuha ng kanin baboy na pangunahin nilang pantawid gutom.
“Cleo, bumangon ka riyan at kunin ang timba sa labas, pumunta ka kina Aling Doris at kumuha ka ng kanin baboy doon. Ang sabi niya ay marami raw siyang ibibigay sa atin,” utos niya sa panganay niyang anak.
Pupungas-pungas namang bumangon sa higaan ang dalagita at sinunod ang ina. Kinuha ang malaking timba at dali-daling pumunta sa kapitbahay nila. Pagkakuha ay dinala sa ina ang kanin baboy at ipinakita.
“O, ayan madami nga! Mamaya ay dalhin mo naman iyan kay Aling Taling para sa mga baboy niya. Ingatan mo ang iaabot niyang bayad ha? Panggastos natin iyon ngayong araw para may pambili tayo ng pagkain,” wika pa ni Lourdes sa anak.
Tumango naman si Cleo at agad na nagtungo sa bahay ng kaptibahay nilang may-ari ng babuyan. Nang maibigay niya ang kanin baboy ay iniabot nito ang bayad sa kanya. Napansin niyang malaki nga iyon na sobra pa sa pambili nila ng pagkain kaya naisip niya na manghingi kahit kaunti para may pambili siya ng diyaryo. Mahilig kasi siyang magbasa at ang diyaryo lamang ang kaya niyang bilhin para makapagbasa. Kahit paano naman ay nakatuntong siya ng hayskul kaya marunog siyang magbasa at magsulat. Nang nilayasan sila ng tatay nila ay saka lamang sila nahinto sa pag-aaral na magkakapatid. Ang sabi nga niya sa sarili, balang araw ay babalik siya sa pag-aaral para iahon sa hirap ang kanyang pamilya. Ayaw niyang sundin ang sinasabi ng nanay niya na habambuhay na lang silang nagbebenta ng kanin baboy dahil siya ay may pangarap.
“G*ga! Diyaryo ka diyan! Manghingi ka na lang ng mga lumang diyaryo sa mga kapitbahay natin at iyon ang basahin mo. Kulang pa nga itong pera sa pambili ng ipapalamon ko sa inyo, gagastahin mo pa sa walang kwenta?” inis na sabi sa kanya ng ina nang manghingi siya ng barya pambili ng diyaryo.
“P-pero inay, gusto ko po makabasa ng mga bagong istorya at balita. Puro luma na po ‘yung nakasulat sa mga lumang diyaryo, eh,” sagot ng dalagita.
“T*nta! Puro ka basa, wala kang mapapala diyan. Ang atupagin mo ay ang pangunguha ng mga kanin baboy at doon ay tiyak na may pakinabang tayo hindi ‘yung puro basa-basa ang iniintindi mo,” hirit pa ni Lourdes.
Kinaumagahan, maaga na naman niyang ginising ang mga anak para manguha ng kanin baboy. Ngayon apat na sila ang nagtatrabaho ay malaki-laki na ang kita nila. Pagdating ng tanghali ay nakabalik na ang dalawa niyang anak at may mga dalang kanin baboy ngunit ang panganay niyang si Cleo ay hindi pa rin bumabalik.
“Saan kaya nagpunta ang g*gang iyon?” inis na sabi ni Lourdes sa isip. Lumabas siya ng bahay at hinanap ang anak at mas lalong nag-init ang ulo niya nang makita ang dalagita na nakikibasa ng diyaryo sa tindahan ng kapitbahay nila.
“P*nyeta ka! Kanina pa kita hinahanap na g*ga ka! Kung anu-anong inuuna mo, ‘di ba pinakukuha kita ng kanin baboy?” gigil na sabi niya sabay pingot sa tainga at kurot sa tagiliran ng anak.
“Aray ko po, inay!” sabi naman ni Cleo.
Ilang beses na niyang pinagsabihan ito na tigilan ang pagbabasa at kaka-ilusyon na magbalik sa pag-aaral. Bakit ba hindi tumatatak sa utak ng anak niya na habambuhay na silang mahirap? Kaya kaysa malugmok ito dahil hindi na nito maaabot ang mga pangarap, ngayon pa lang ay iminumulat niya na ang mga anak na wala na silang pag-asa na makaahon sa dukhang pamumuhay. Ipinanganak silang mahirap, mamamat*y silang mahirap.
“Inay, patawad po, gusto ko lang naman pong magbasa. Kanina pa po ako nakakuha ng kanin baboy, ito nga po o! Napadaan lang naman po ako dito sa tindahan ni Aling Rosa at nakibasa ng bagong labas na diyaryo,” paliwanag ng dalagita habang kinakaladkad ni Lourdes pauwi sa kanilang bahay.
“L*ntik ka! Kapag hindi mo pa tinigilan ang kalokohan mong iyan ay hindi lang ito ang aabutin mo sa akin! Hala, kunin mo sa bahay ‘yung mga kanin baboy na kinuha ng mga kapatid mo at dalhin mo kina Aling Taling. Pati ‘iyang iyo ay dalhin mo doon para matuwa ako sa iyo!” bulyaw niya sa anak habang pinagtitinginan sila ng mga kapitbahay.
Nang makarating sila sa maliit nilang barung-barong ay tinalakan pa rin niya ito kasama ang iba pang kapatid.
“Hanggang kailan ko ba itatanim sa utak ninyo na hindi na magbabago ang buhay natin, habambuhay na tayong mahirap at kahit kailan ay hindi na tayo aasenso at makakaahon sa putik na ito. Hindi na matutupad ang pangarap ninyong makabalik sa pag-aaral dahil unang-una ay hindi ko kayo kayang pag-aralin. Sisihin ninyo ang walang kwenta ninyong ama na sumama sa ibang babae, kundi dahil sa kanya ay nasa eskwelahan sana kayo at hindi nahinto sa pag-aaal kaya makuntento na lang kayo sa buhay natin na ganito, mabuti nga at may naipapalamon pa ako sa inyo, eh, pasalamat kayo sa kanin baboy kundi ay matagal nang tumirik ang mga mata natin sa gutom. Kaya ‘yang pagbabasa mo, Cleo at ang pangarap mong mag-aral ay kalimutan mo na dahil hindi na ‘yan mangyayari. Matuto kayong makuntento, masasaktan lang kayo sa bandang huli,” hayag niya sa mga anak.
Nang sumunod na araw, nang magisng siya ay wala na ang panganay niyang anak. Lumayas ito. Sa isip niya ay sumama ang loob nito sa mga sinabi niya kaya nagrebelde’t naglayas.
Ipinagtanong niya sa mga kapitbahay at humingi na rin siya ng tulong sa kanilang barangay para hanapin ang anak pero hindi nila ito natagpuan. Mula noon ay hindi na ito bumalik, ilang araw, ilang linggo, buwan at lumipas ang mga taon ay hindi na nagpakita pa sa kanila si Cleo.
Laking pagsisisi ni Lourdes sa ginawa niya noon na paghihigpit sa anak. Halos araw-araw siyang umiiyak sa pag-aalala sa nawawala niyang anak. Ngayon ay may edad na siya, maraming taon na ang nakalipas mula nang lumayas si Cleo, hindi pa rin nagbabago ang buhay niya, nangunguha pa rin siya ng kaning baboy kasama ang dalawa pa niyang anak.
“Lourdes, narinig mo ba ang balita na lumipat na raw sa bagong tayong malaking bahay diyan sa kabilang kanto ang bago nating kapitbahay?” sabi ng kaibigan niyang si Tessie nang magkasalubong sila.
“Talaga? Kay tagal ding itinayo ng bonggang bahay na iyon a! Napakayaman siguro ng may-ari niyon. Ang nakapagtataka ay sa dinami-rami ng pwedeng pagtayuan ng malaki at magandang bahay ay dito pa talaga sa lugar nating mahihirap,” usisa ni Lourdes.
Napagpasiyahan niya na kaibiganin ang kasambahay sa malaking mansyon at kuhaan ito ng kanin baboy. Dagdag din iyon sa kita niya. Agad niyang inakay papunta roon ang mga anak para kumuha ng kanin baboy. Pipindutin pa lang nila ang doorbell sa gate ay napansin nila ang magarang kotse na huminto sa labas.
“Naku, inay, ‘yan yata ‘yung mag-ari ng malaking bahay, ang bago nating kapitbahay,” kinakabahang sabi ng anak niyang si Ringgo.
“Alis na tayo, inay, nakakahiya ang suot natin na pangmahirap. May bitbit pa tayong timba na lalagyan ng kanin baboy,” sabad pa ng anak niyang si Nympha.
Maya maya ay bumukas ang pinto ng kotse, bumaba ang isang babae na sobrang gara ng suot. Nakatitig palang siya sa mamahaling damit nito nang tumakbo ito palapit sa kanila at niyakap siya.
“T-teka lang po, s-sino ba kayo?” gulat na sabi ni Lourdes.
“Inay!”
At doon niya napagsino ang katauhan ng babae. Kahit ilang taon na ang nakalipas ay hinding-hindi niya makakalimutan ang boses at mukhang iyon. Mabilis siyang kumawala sa pagkakayakap nito at tinitigan ang mukha nito.
“C-Cleo? Anak?” ‘di makapaniwalang sabi niya.
Nakangiting tumango ang babae, si Lourdes naman ay agad bumitaw. “Diyos ko! Ang dungis ko anak, huwag mo akong yakapin!” nahihiya niyang sabi habang iniingatang dumikit ang balat sa mamahalin nitong bestida.
“Sorry po, inay, kung naglayas ako noon at hindi na nagpakita sa inyo,” sambit nito, niyakap pa rin siya sa kabila ng pagtutol niya.
Napag-alaman ni Lourdes na sinadya ni Cleo na umalis sa poder niya para ipakita sa kanya na mali siya sa paniniwala niya na habangbuhay silang magiging mahirap. Namasukan itong kasambahay, service crew sa restawran, factory worker at kung anu-ano pa para maipagpatuloy ang pag-aaral. Nangako ito sa sarili na babalikan sila at patutunayan na may pag-asa pa at pagkakataon na magbago ang kanilang buhay, na may tiyansa pa na makaahon sila sa hirap.
Nakapagtapos si Cleo sa kolehiyo sa sipag at tiyaga. Sa tulong din ng scholarship na nakuha niya ay natupad ang pangarap niya na makagwadweyt. Nabigyan siya ng pagkakataong makapasok sa isang malaking kumpanya. Pinagbutihan niya ang trabaho at nagpursige hanggang sa na-promote at ngayon nga ay manager na siya sa kumpanya. Nang makaipon ay nakapagpatayo ng malaking bahay at nakapagpundar ng mga negosyo.
“Hindi na kayo mangunguha ng kanin baboy para ibenta. Hindi ka na magtatrabaho inay, ang mga kapatid ko’y pag-aaralin ko sa magandang eskwelahan. Mula sa araw na ito ay dito na tayo titira sa ipinatayo kong bahay. Para talaga sa inyo ang lahat ng ito, ang katas ng aking pagsusumikap. Hinding-hindi na tayo maghihirap,” maluha-luhang sabi ni Cleo.
Napaiyak na rin si Lourdes na ‘di pa rin makapaniwala sa narating ng panganay niyang anak. Ngayon ay naniniwala na siya na hindi habambuhay ay mahirap sila dahil sa pinatotohanan ito ng anak niyang si Cleo na nagtagumpay at naabot ang mga pangarap.
Ipinakita sa kwento na hindi natutulog ang Diyos at habang buhay ay may pag-asa kaya patuloy na mangarap upang makamtan ang magandang hinaharap.