Inday TrendingInday Trending
Pilit na Aalamin ng Batang Ito Kung Sino ang Mabait na Amo ng Kaniyang Ama, Matagal na Pala Niyang Nakikita Ito

Pilit na Aalamin ng Batang Ito Kung Sino ang Mabait na Amo ng Kaniyang Ama, Matagal na Pala Niyang Nakikita Ito

“Jepta, kain na kayo ng hapunan ng mga kapatid mo. Tatapusin ko lang ‘yung electric fan na pinapagawa ni Tonyo,” wika ni Mang Danny sa kaniyang panganay sabay abot ng supot ng ulam dito.

“’Tay, sabayan niyo muna po kami,” mabilis na sagot ni Jepta sa kaniya ang sampong taong gulang na anak nito.

“Anak, sabi ko naman sa’yo ‘di ba, pinakain na ako sa opisina namin. Huwag mo na ako alalahanin, sige na kumain na kayo ng mga kapatid mo at ikaw na ang bahala na mapagkasya ‘yung nabili kong ulam. Pasensya ka na, anak, hindi pa rin tayo nakakabawi,” malungkot na sagot ng kaniyang ama at mabilis itong umalis.

Dalawang taon palang ang nakalipas mula nang pumanaw ang asawa ni Mang Danny dahil sa malubhang karamdaman. Mula sa pagiging kapos sa buhay ay bumalik sila sa pagiging isang kahig isang tuka kasama ng limang anak na lahat ay naiwan sa lalaki.

“Kuya, sa akin ang pakpak! Ako ang bunso!” sigaw ni Jeremy ang limang taong gulang at bunso sa magkakapatid.

“Huwag na kayong mag-agawan, laging tinuturo sa atin ni tatay na magbigayan. Huwag kayong ganyan,” sita ni Jepta sa mga kapatid na nagmamadali sa pagkuha ng manok sa plastic.

“Kuya, puntahan kaya natin ang trabaho ni tatay bukas? Gusto ko lang magpasalamat dun sa amo niya kasi ‘di ba sabi ni tatay palagi raw siyang pinapakain nun kaya hindi na siya sumasabay sa atin sa hapunan. Ano sa tingin mo?” tanong ni Nica sumunod kay Jepta.

“Para regalo na rin natin kay tatay sa darating niyang kaarawan. Ipakita natin sa kaniya na siya ang pinakamasipag at the best na tatay sa buong mundo!” masiglang dagdag pang muli ng kapatid niya. Napangiti na lamang si Jepta dahil alam niya na kahit papano ay naiintindihan na ng mga kapatid niya ang sitwasyon at hirap na hinaharap ng kanilang pamilya.

Kaya naman ilang araw lang ang lumipas ay pinuntahan nila ang opisina kung saan nagtatrabaho ang kanilang ama bilang tagalinis.

“O, bakit kayo nandito? Day off ngayon ng tatay niyo ha?” salubong na guwardiyang na kaagad silang nakilalang mga anak ni Mang Danny.

“Opo, sinadya talaga naming magpunta rito. Gusto lang po sana namin malaman kung sino ‘yung amo na mabait na sinasabi po ni tatay. ‘Yung palaging nagbibigay ng pagkain,” paliwanag ni Jepta rito.

“Ha? Amo? Nagbibigay ng pagkain? E halos lahat ng mga bossing namin dito ay nakaangat sa lupa! Masasama ang ugali kaya hindi ko alam kung sino ‘yang tinutukoy niyo,” bulong na sagot ng guwardiya sa kanila sabay tawa nito.

“Pero ang alam ko palagi siyang bumibili ng ulam dun kay Aling Rita, para nga raw sa mga anak niya. Itanong niyo dun sa ale, ayun oh, baka iyon ang nagbibigay ng ulam sa kaniya,” muling dagdag nito sa kanila.

Kahit na naguguluhan ay kaagad nilang pinuntahan ang ale na tinuro sa kanila.

“Kilala niyo po ba si Mang Danny? ‘Yung tagalinis po roon sa opisinang iyon,” tanong ni Jepta sa ale sabay turo sa pinanggalingan nila. Hindi naman kagaad sumagot ang ale at tinignan niyo muna mula ulo hanggang paa ang dalawang bata saka siya sumagot.

“Oo, bakit? Pinapunta ba kayo ng tatay niyo rito para mangutang!? Tirik pa ang araw at wala pa akong benta! Umalis muna kayo at sabihin niyo sa tatay niyo magbayad muna siya ng utang niya!” bulyaw muli ng ale sa kanila.

Labis na nagulat ang magkapatid at kasabay ng malakas na buhos ng ulan ay umuwi ang dalawa na napakaraming tanong sa kanilang ama.

“Hayaan muna natin, Nica, malay mo naman may nagbibigay talaga sa kaniya na hindi natin alam. Hintayin na lang natin ulit na sabihin niya ‘yun saka natin tanungin si tatay,” awat ni Jepta sa kaniyang kapatid na gusto nang takbuhin ang kaniyang ama upang malinaw ang kanilang natuklasan.

Kinaumagahan, katulad ng normal na araw, dumating si Mang Danny galing sa trabaho at inabot ang isang balot ng ulam kay Jepta para paghatian nila habang dumiretso naman sa pagkukutingting ang ama niya ng mga sirang appliances na pinapagawa rito upang may extrang kita raw ang kaniyang ama.

Malalim na ang gabi ngunit hindi pa rin makatulog si Jepta at narinig niyang pumasok na ang kaniyang tatay. Kaagad silang sinilip nito at narinig niyang kumuha ng plato ang kaniyang ama.

Dahan-dahan siyang sumilip upang tingnan kung ano ang pinagkakabalahan nito.

Nakita nyang sinisimot ng kaniyang ama ang kanin sa kanilang kaldero at kumuha ito ng asin saka ginawang ulam. Tahimik lang ang kaniyang ama ngunit napansin niyang pumapatak ang mga luha nito.

“’Tay, hindi ka pa ba kumakain?” biglang sabi ni Jepta na naglakas loob na tanungin ang kaniyang ama.

“Anak, madaling araw na bakit gising ka pa? Kumain na ako, ‘di ba sabi ko naman sa’yo pinapakain na ako sa opisina,” mabilis na sagot ni Mang Danny sabay punas ng kaniyang mga luha.

“’Tay, huwag na po kayong magsinungaling. Alam namin na puro kayo utang dun kay Aling Rita at alam din namin na wala naman talaga kayong mabait na amo,” malungkot na sabi ng bata sa kaniyang ama at mabilis na niyakap ito.

Hindi na nagsalita pa si Mang Danny at naluha na lamang ito sa kaniyang anak.

Ngayon alam na ng bata kung bakit hindi sumasabay ang kanilang ama sa kanila dahil sa kumakalam nitong sikmura.

“Nahihiya ako, anak, na baka marinig niyo ang kalam ng sikmura ko at ayaw kong isipin niyo ako dahil dapat ako ang nag aalala para sa inyo. Ako ang ama, pero ito lang ang nabibigay ko,” luha pang muli ni Mang Danny sa kaniya.

“Tay, kahit anong ulam po at kahit gano kakaunti ang paghatian natin, kayo pa rin po ang pipiliin naming maging tatay sa buong mundo,” sagot naman ni Jepta at mas lalo pang humigpit ang yakap niya rito.

Hindi akalain ni Mang Danny na maiintindihan siya ng kaniyang mga anak at laking pasasalamat niya dahil ang tunay na amo na mayroon siya ay ang Panginoon na kahit ganito nga raw kahirap ang buhay na mayroon sila ngayon ay biniyayaan naman siya ng mababait na anak.

Mula noon ay mas naging bukas si Mang Danny sa kaniyang mga anak at mas pinili nilang pagsaluhan nang sabay-sabay ang kahit na anumang grasya. Mas lalo rin nagsumikap ang bata na makatulong sa kaniyang ama dahil bilang anak, gusto niyang dumating ang araw na may piging na silang pagsasaluhan.

Advertisement