Inday TrendingInday Trending
Limang Taon na sa Nobyo lang Umikot ang Buong Buhay ng Dalaga; Magawa Niya pa Kayang Makalaya sa Relasyon Nilang Nakasasakal Na?

Limang Taon na sa Nobyo lang Umikot ang Buong Buhay ng Dalaga; Magawa Niya pa Kayang Makalaya sa Relasyon Nilang Nakasasakal Na?

“Nakikipaghiwalay ka sa’kin?!” hindi makapaniwalang wika ni Kevin, ang nobyo ni Ellen. Sa loob ng limang taon nilang relasyon ay kasal na lang ang kulang upang pagtibayin pa lalo ang pagmamahalan nila, kaya labis siyang nagulantang sa nais nito na wakasan na ang relasyon nila.

“Bakit Ellen, may ibang lalaki na bang nagpapatibok ng puso mo?” anito. Halata sa boses ang pinipigilang galit.

“Wala, Kevin. Wala akong ibang lalaki at hindi lalaki ang dahilan kaya ako nakikipaghiwalay sa’yo, kaya pwede ba? Huwag mong ibato sa’kin ang alam mong hindi ko kayang gawin,” aniya.

Nang magdesisyon siyang makipaghiwalay sa nobyo ay kinunsulta na muna niya ang mga malalapit niyang kaibigan at humingi ng payo. Nais niyang malaman ang komento at payo ng mga ito.

“Kaya mo ba? Ang alam ko pa naman ay p*tay na p*tay ka d’yan sa nobyo mong bawal magkamali at dapat palaging perfect!” komento ni Say, isa sa matalik niyang kaibigan.

“Hindi naman masamang tao si Kevin, at wala namang masama sa ugali niyang iyon…” aniya. Pilit kinukumbinse ang sariling walang rason kung bakit ginusto niyang makalaya sa relasyon nila ng nobyo. Mahal niya ang lalaki, pero nasasakal siya. Para siyang isang puppet na pinapagalaw ni Kevin, at lahat ng gusto nitong kaniyang gawin ay siyang dapat mangyari.

Tinanggalan siya ng nobyo ng karapatang magdesisyon, iyon ang nararamdaman niya sa loob ng limang taon nilang relasyon. Pinaparamdam sa kaniya ni Kevin na walang silbi ang mga naiisip niya kumpara sa malinaw at klaro nitong pananaw sa buhay.

“Kaso lang kasi, nagsasawa na ako sa relasyon namin. Alam ng Diyos na wala akong ibang lalaking minahal kung ‘di si Kevin lang, pero sa ngayon…” Nilingon niya ang kaibigan at nahihirapang naglabas ng malalim na buntong hininga. “Hindi ko na alam kung mahal ko pa rin ba siya o hindi na,” aniya.

Iyon ang totoong dahilan kaya nakikipaghiwalay siya rito. Hindi dahil may iba siyang lalaki, kung ‘di dahil nais niyang makaramdam ng pagkalaya, dahil pakiramdam niya’y nasasakal na siya nito.

“Pagkatapos kong ibigay sa’yo ang lahat, Ellen, hindi ko naisip na kaya mong gawin sa’kin ang bagay na ito. Iiwan mo ako sa ere nang nakalutang at hindi alam kung saan ako nagkamali sa relasyon natin, dahilan upang saktan mo ako nang ganito,” humihikbing wika ni Kevin.

Hindi niya gustong saktan si Kevin, pero wala siyang ibang pagpipilian sa sitwasyong ito. Nasasaktan rin siya sa sariling desisyon, pero gano’n naman talaga ‘di ba? Lahat ng pagpapaalam ay sadyang masakit.

“Wala kang mali, Kevin. Lahat ginawa mo para sa relasyon natin. Tinulungan mo ako para maging maayos. Inalalayan mo ako palagi upang hindi ako nagkamali, kaya nga mas ikaw ang palaging nasusunod kaysa sarili ko. Nawalan ako ng sariling desisyon, dahil ikaw ang palaging sinusunod ko,” mangiyak-ngiyak niyang wika.

“Pero nasasakal na ako, Kevin,” aniya. Hindi na napigilan ang pag-agos ng luha.

“Pakiramdam ko’y isa akong ibon na nakakulong sa hawla, gusto kong lumaya at lumipad nang mataas na mag-isa. ‘Yong walang magsasabi sa’kin na dapat dito lang ako banda, dapat hindi ako lumagpas rito dahil pwede akong mapahamak. Iyong walang magdidikta sa’kin kung saan ko gustong pumunta,” aniya saka hinawakan ang kamay ng nobyo.

“Ako naman, Kevin, ako muna. Sarili ko muna, iyon ang gusto kong gawin. Pakiramdam ko kasi, naiwala ko ang sarili ko, dahil sa palagi kong pagsunod sa gusto mo,” humahagulhol niyang wika.

Hindi nagawang sumagot ni Kevin sa sinabi ni Ellen. Hindi niya naisip na nasasapawan at nasasakal na pala niya ang kaniyang nobya. Wala siyang ibang ginawa kung ‘di ang protektahan at mahalin ito. Kung hindi pa nito inilabas ang sama ng loob na matagal ng itinago ay hindi niya pa malalaman na gano’n na pala ang ginagawa niya sa nobya.

Niyakap niya ito at pinatahan. Nasasaktan siyang isipin na kailangan niya itong pakawalan, ngunit maling-mali naman kung pipilitin niya itong manatili sa kaniya, gusto ba nitong lumaya.

“Pinapalaya na kita, Ellen,” humihikbing sambit ni Kevin.”Hangad ko ang kaligayahan mo, sana sa pagpapalaya kong ito’y tunay mong maramdaman ang sayang hindi ko napapansin na matagal ko na pa lang naipagkait sa’yo. Mahal na mahal kita at hindi ko kayang nakikita kang nahihirapan na sa piling ko. Kaya pinapalaya na kita,” dugtong niya at muling niyakap ang mahal na nobya.

Umiiyak na niyakap ni Ellen ang nobyong si Kevin. Sa huling beses ay nais niyang maramdaman ang higpit ng yakap nito. Mahal niya si Kevin, ngunit mas nais niyang mahalin na muna ang sarili sa pagkakataong ito.

Makalipas ang tatlong buwan mula noong nagdesisyon si Ellen na hiwalayan si Kevin, ngayon ay lulan siya ng eroplanong maghahatid sa kaniya pauwi ng ‘Pinas. Sa nakalipas na tatlong buwan ay ginugol ni Ellen ang buong panahon sa pagbabakasyon habang abala sa negosyo ng kaniyang pamilyang hawak na niya ngayon.

Masaya siya kahit na wala siyang nobyo. Pakiramdam niya’y mas kumpleto ang buhay niya ngayong single siya, kaysa noong may nobyo siya. Nagagawa niya ang lahat ng kaniyang naisin nang hindi kailangang hingin ang opinyon ng iba.

Advertisement