Inday TrendingInday Trending
Barkada: Bakit Kayo Nagbago?

Barkada: Bakit Kayo Nagbago?

“Pare, tara inom tayo,” mabilis na alok ni Jerome sa kabarkadang si Inggo nang makasalubong niya ito sa daan. May bitbit siyang isang bote ng alak at sitsaron, bilang pulutan.

“Naku, pare, pass muna. Hinihintay ng mga bulilit ko itong pasalubong nila, e,” sagot naman ng mukhang kagagaling lang sa trabahong si Inggo na itinaas pa ang supot ng mga prutas na pasalubong daw nito sa mga anak.

“Naku, pare, hayaan mo na muna ang mga ʼyon. Masiyado mo namang inii-spoil ang mga anak mo.” Pilit pa ring kinukumbinsi ni Jerome ang kaibigan ngunit mariin pa rin itong umiling-iling.

“Pass muna talaga, pare. Baka pag-awayan pa namin ni misis ʼyan. Isa pa, pagod ako sa trabahoʼt mga anak ko lang ang kayang tumanggal nito. Ikaw na lang muna,” sabi pa ni Inggo at tinapik ang kaniyang balikat.

Naiinis namang napailing na lang si Jerome habang ipinagpapatuloy ang paglalakad papunta sa la mesitang kaniyang pag-iinuman. Pang-apat na niyang kabarkada si Inggo na tumangging makipag-inuman sa kaniya. Sabi ng isa, day-off daw nito at gustong makasama ang pamilya, ang isa naman ay pagod sa trabahoʼt maaga pa raw ang pasok kinabukasan, ang isa pang kabarkada niyang binata namaʼy ayaw na raw uminom dahil may gagawin pa, at heto ngang si Inggo ay hinihintay daw siya ng anak niya.

Pakiramdam ni Jerome ay ayaw lang naman talaga nila siyang makasama. Ang hindi niya lang alam ay kung bakit? Hindi naman siya buraot at kuripot. Palagi ngang siya ang nagpapainom noong mga kabataan pa lamang sila!

“Pareng Jerome, nandiyan ka lang pala!”

Nilingon ni Jerome ang tumawag at napag-alaman niyang si Nelson pala ʼyon.

“Oh, pare, tagay muna!” Inabutan naman niya ito ng tagay. Sa wakas ay nakahanap din siya ng makakasamang uminom ngayon ng alak. Itong si Nelson ay isa sa pinakamalakas na tomador noong mga bata pa sila at wala itong pinapalampas na inuman.

Ngunit laking pagtataka ni Jerome nang bigla itong umiling.

“Naku, pare, ayoko niyan,” sabi nito na may pagmumustra pa ng kamay. “Ako kasi ang nakatokang magpatulog kay baby ngayon, dahil napuyat si misis kagabi sa pag-aalaga,” dagdag pa ni Nelson na ang tinutukoy ay ang bagong panganak nitong bunso.

“Ganoʼn? E, bakit mo ako tinatawag? Ayaw mo naman palang makipag-inuman? Pare-pareho kayo ng mga barkada natin, e. Tinanggihan ninyo akong lahat simula nang magka-asawaʼt anak kayo. May asawaʼt anak din naman ako, pero, hindi pa rin naman ako nagbabago, ʼdi ba?” Masama ang loob ni Jerome. “Sabi nʼyo noon, walang iwanan sa tropa?”

Napabuntong-hininga si Nelson at tinabihan siya sa kaniyang silya.

“Pare, unang-una, mga bata pa kasi tayo noon. Maloloko pa tayo at mga wala pang iniintindi sa buhay kundi ang magpasaway sa magulang, maglaklak at maglakwatsa. Pero iba na kasi ngayon. Hindi natin pwedeng pabayaan ang kani-kaniya nating pamilya laloʼt may mga anak na tayong umaasa sa atin. Tayo ang padre de pamilya, pare. Sinoʼng gagabay sa kanila kung uubusin natin palagi ang oras natin sa alak?” mahabang litanya ni Nelson.

Napipi si Jerome. Tila ba nakaramdam siya ng hiya sa kaniyang sarili dahil parang hindi siya kasali sa tinutukoy nitong padre de pamilya.

“Isa pa, pinuntahan kita rito kasi nagpunta sa akin ang panganay mo. Hinahanap kung nasaan ka, kasi, nagugutom na raw sila. Wala pa ang asawa moʼt hindi pa umuuwi galing trabaho. Pare, sana bago ka uminom, siguraduhin mo munang busog ang mag-iina mo. Isa sa dahilan kung bakit hindi na kami sumasama sa ʼyong mag-inom ay dahil na rin sa pagpipigil ng kaniya-kaniya naming mga asawa. Alam mo ba kung bakit?” sandaling tumigil si Nelson sa pagsasalita para akbayan siya. “Ayaw nilang maranasan ang nararanasan ng asawa mo sa ʼyo, pare. At kami, hindi rin naman namin hahayaan ʼyon.”

Tila nag-init ang ulo ni Jerome sa narinig. Akma siyang kikilos upang kastiguhin ang kaibigang si Nelson, ngunit mabilis siya nitong ibinalya, pabalik sa pagkakaupo. Wala siyang magawa, dahil ang laking tao ni Nelson kaysa sa kaniya. Isa paʼy pulis ito.

“Pare, sinasabi ko ito sa ʼyo hindi dahil nilalait ko ang pagiging asawaʼt ama mo sa mga anak mo. Sinasabi ko ito sa ʼyo bilang kaibigan. Naaawa ako sa inaanak ko, pare. Maawa ka rin sana, dahil dugoʼt laman mo sila.”

Tila ba sinampal nang kaliwaʼt kanan si Jerome sa sinabi ni Nelson. Ni hindi niya magawang lagukin ang alak na naiwang nakababad sa kaniyang bibig dahil alam niyang tama ang lahat ng sinabi ng kaniyang kaibigan!

Isa siyang masamang impluwensya. Isa siyang masamang ama at asawa!

Ngunit hindi pa naman huli ang lahat, dahil simula nang araw na iyon, nagbago si Jerome.

Kaisa na siya ng mga dati niyang kabarkada at ngayon ay matatawag na rin siyang ulirang ama.

Advertisement