Inday TrendingInday Trending
Mas Matimbang sa Dugo

Mas Matimbang sa Dugo

“Kawawa naman yung mamang pilantod…”

Hindi nakaligtas sa matalas na pandinig ni Elvis, 30 taong gulang, ang sinabi ng isang babae sa kaniyang kumare habang naglalakad ang mga ito at nakatanaw sa kaniya. Ipinagkibit-balikat lamang niya ito. Sanay na siyang makarinig ng mga gayong salita pahinggil sa kaniya.

Bata pa lamang si Mang Elvis, pilay na ang kaniyang kanang hita. Kuwento ng kaniyang mga magulang, nadapuan siya ng sakit na polio. Mabuti na lamang daw at hindi siya tuluyang nalumpo. Nakakalakad pa ang kaniyang kaliwang paa.

Dahil sa kaniyang kalagayan, nawalan ng kompiyansa sa kaniyang sarili si Mang Elvis, kaya Grade 4 lamang ang kaniyang natapos. Dahil maagang naulila sa mga magulang, inampon si Elvis ng kaniyang tiyahing si Tita Concha subalit hindi naging maganda ang trato nito sa kaniya, pati na ang kaniyang mga pinsan. Pabigat ang tingin sa kaniya ng mga ito at ginawa pa siyang kasambahay.

Sa kabila ng kaniyang kalagayan, sa kaniya nakaasa ang kaniyang mga pinsan lalo na sa mga gawaing-bahay. Siya ang naghuhugas ng mga pinagkainan, nag-iipon ng tubig sa mga lalagyanan, naglalaba, nagluluto, naglilinis ng bahay, at marami pang iba. Bagama’t libre ang kaniyang pagkain, hindi naman siya sinuswelduhan. Katwiran kasi ng kaniyang tiyahin, libre na raw siya sa pakikipanuluyan sa bahay, paggamit ng kuryente, tubig, at pagkain.

Nagpasya si Elvis na magtinda ng basahan mula ala-una hanggang alas singko ng hapon sa kalsada upang magkaroon ng kaunting panggastos sa kaniyang sarili. Bago iyan, tinitiyak muna niyang nagagawa niya nang maayos ang mga gawaing bahay upang walang masabi ang kaniyang tiyahing si Tita Concha.

Nang pumatak ang alas kuwatro y media, ipinasya ni Elvis na umuwi na. Nilalakad lamang niya mulasa highway na kaniyang pinagtitindahan pauwi upang makatipid sa pamasahe. Dahil sa kaniyang kalagayan, minsan ay umaabot ng isang oras ang kaniyang paglalakad. Salamat sa kaniyang lumang saklay.

Pagdating sa bahay ng tiyahin, agad na dumiretso si Elvis sa kusina. Kailangan na niyang magsaing at magluto. Hindi pa man siya nakakapasok sa kusina, sinalubong na siya ng pinsang si Cesar. Galit na galit ito. Kinompronta siya.

“Hoy pilantod, nasaan ang bagong bili kong shorts?” pagtatanong ng kaniyang pinsan sa kaniya. Mainit ang dugo nito sa kaniya noon pa man.

“Nilabhan ko noong isang araw. Inilagay ko na sa damitan mo…” sagot ni Elvis. Medyo takot siya sa pinsan dahil alam niyang gumagamit ito ng pinagbabawal na gamot. Bukod dito, malaki rin ang pangangatawan nito. Alam niyang wala siyang kalaban-laban dito kapag binalya siya.

“Sinungaling! Hindi ko makita. Ginamit mo ‘no?! O ibinenta mo?” galit na bintang nito.

“Wala akong ninanakaw. Nilabhan ko ang shorts mo at inilagay ko sa damitan mo. Baka naman hindi mo lang nahanap nang maayos,” sagot ni Elvis. Ang alam niya, maayos ang kaniyang pagkakasabi, subalit minasama ito ni Cesar.

“Aba’t sumasagot-sagot ka na ngayon? Kaya mo na buto mo ah…” kinwelyuhan siya nito at akmang sasapakin. Nanginig sa takot si Elvis. Mas matanda siya rito subalit kahit kailan, hindi siya ginalang.

“Wala nga sa akin ang shorts mo…”

Hindi na natapos ni Elvis ang sasabihin dahil sinapak na siya ng pinsan sa mukha. Nawalan ng balanse si Elvis at napatibuwal. Bumagsak ang kaniyang mga saklay na tanging sandigan niya. Tinadyakan pa siya sa pigi ni Cesar hanggang sa dumating ang kapatid nitong bunso na si Roman na umawat sa kanila. Suot nito ang hinahanap na shorts ni Cesar. Napalabas na rin si Tita Concha.

“Kuya… tama na… anong problema? Bakit mo ginugulpi si Kuya Elvis?” sansala ni Roman sa kuya. Si Roman lamang ang bukod-tanging maayos ang pakikitungo kay Elvis.

“Akala ko ninakaw at ibinenta na niya shorts ko eh. Walanghiya ka, ikaw lang pala nagsuot…” sagot ni Cesar. Itinuturo nito ang shorts na suot ni Roman.

“Oo, hiniram ko muna. Hindi na ako nakapagpaalam kasi natutulog ka pa. Pasensiya na,” paghingi ng paumanhin ni Roman. Tumalikod na si Cesar at pumasok sa loob ng bahay. Ni hindi man lamang ito humingi ng tawad sa kaniya. Ang kaniyang tiyahin naman, pinagmamadali na siyang magluto dahil gutom na raw.

“Okay ka lang, kuya? Pasensya ka na kay Kuya Cesar ah? Alam mo naman iyon…” pagpapaumanhin ni Roman. Ngumiti lamang si Elvis. Sanay na siya sa mga patutsada ni Cesar, subalit ngayon lamang siya pinisikal nito.

Isang desisyon ang nabuo sa isipan ni Elvis. Lalayas na siya. Hindi na niya matiis ang hindi magandang trato ng kaniyang mga kadugo. Hindi pamilya ang turing sa kaniya. Bahala na kung saan siya mapadpad. Masipag naman siya. Bago umalis, nag-iwan siya ng munting sulat ng pasasalamat para kay Roman.

Sinimulan niya ang paglalakad sa mga lansangan. Hindi niya alam kung saan siya dadalhin ng kaniyang dalawang paa— na ang isa ay pilay pa. Ang alam lamang niya, gusto na niyang umalis sa poder ng kaniyang tiyahin.

Minsan, natutulog siya sa mga waiting shed tuwing gabi o kapag naabutan ng ulan. Kapag umaga na, bumabangon na siya at nagpapatuloy sa paglalakad. Hanggang sa hindi sinasadyang mahagip siya ng isang kotse na naging dahilan upang mabuwal siya.

Hindi siya tinakbuhan ng babaeng may gulang na may-ari ng sasakyan. Dinala siya sa ospital upang mapasuri. Maayos naman ang kaniyang kalagayan. Napag-alaman ng babae ang kaniyang sitwasyon kaya isinama siya nito sa bahay. Doon na lamang daw siya tumuloy.

Naging maganda ang trato sa kaniya ng pamilya ng babae. Kinupkop siya. Pinayagan siyang manilbihan dahil sanay naman siyang magtrabaho. Binigyan siya ng magandang suweldo, at hindi gaya ng kaniyang tiyahin at pinsan, itinuring siyang parang tunay na kapamilya.

Napagtanto ni Elvis na hindi sa lahat ng pagkakataon ay may kadugo kang ituturing kang kapamilya. Samantala, may mga tao namang kahit hindi mo kapamilya, ay ituturing kang parang tunay na kadugo. Ipinasya ni Elvis na manatili na sa natagpuang bagong pamilya, na mas matimbang pa sa dugo. Doon na lamang niya ibubuhos ang lahat ng kalinga at pagmamahal na sinayang lamang ng mga tunay niyang kapamilya.

Advertisement