“Mama, paano kung bumalik si papa?” walang ano-anong tanong ni Jana sa kaniyang ina, isang araw habang nagtatanghalian sila.
“Jana, huwag ka na nga magbanggit ng taong hindi man lang tayo maalala,” tipid na sagot ni Aling Juanita saka uminom ng tubig na nasa kaniyang harapan.
“Eh, paano kung naaalala niya naman tayo pero wala lang siyang magawa para makita tayo?” tanong pa ng kaniyang anak dahilan upang mag-init na ang kaniyang ulo.
“Tumigil ka nga! Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na tigilan mo na ang paghahanap sa tatay mo! Dahil bumalik man siya o hindi, mangamusta man o hindi, wala na akong pakialam sa kaniya!” sigaw niya saka padabog na isinubo ang kaniyang pagkain.
“Hindi mo na siya bibigyan ng pagkakataon?” pangungulit pa nito dahilan upang lumabis na ang kaniyang nararamdamang galit.
“Hindi na! Dahil kung mahal niya nga tayo at mahalaga tayo sa kaniya, yung unang pagkakataong binigay ko sa kaniya, hindi niya sasayangin! Kaya ikaw, kung ayaw mong sa’yo ako magalit araw-araw, tantanan mo na ang kakabanggit sa walang kwentang taong ‘yon!” bulyaw niya dito saka siya umalis at dumiretso sa kaniyang kwarto.
Pitong taong gulang pa lang noon ang anak ni Aling Juanita nang iwan sila ng kaniyang asawa sa hindi malamang dahilan. Bigla na lamang itong hindi na umuwi sa kanila at ilang buwan lang, nabalitaan na niyang naninirahan na ito sa ibang bubong na labis niyang ikinasama ng loob.
Maayos naman ang kanilang pagsasama noon, ginagawa nilang pareho ang lahat upang itagauyod ang kanilang unica hija, naglalabada siya, namamasada ng tricycle naman ang kaniyang asawa. Ang tanging naiisip niya lamang na dahil ay baka, nagsawa na ito sa mahirap na buhay. Balita niya kasi, pinakasalan daw ito ng isang mayamang dalaga’t dinala sa ibang bansa upang doon bumuo ng sarili nilang pamilya na labis niyang ikinagalit.
Mag-isa niyang itinaguyod ang iniwan nitong anak sa kaniya na ngayo’y makakapagtapos na ng pag-aaral. Laking inis niya lamang dito dahil nitong mga nakaraang araw, wala itong humpay sa kakabanggit sa kaniyang tatay. Dahilan niya, namimiss niya na raw ito.
Kinagabihan noong araw na ‘yon, agad na lumabas ng kwarto ang ginang nang mapagtantong nakatulog pala siya sa inis sa anak. Agad siyang nagtungong kusina upang magluto ng kanilang hapunan. Ngunit laking gulat niya nang makita ang kanilang hapag-kainan na punong-puno ng mga pagkain na para bang pasko o bagong taon na.
“Jana! Ikaw ba ang nagluto ng lahat ng ‘to? Saan mo pinagkukukuha ang mga ito? Naku kang bata ka baka nangutang ka na naman sa tindahan! Sinasabi ko…” hindi na niya natuloy ang kaniyang panenermon sa anak dahil bigla na lamang lumitaw sa kaniyang harapan ang lalaking nang iwan sa kaniya.
“Happy birthday!” sigaw ng kaniyang anak pati na ng lalaking kinasusuklaman niya saka pinapahipan sa kaniya ng kaniyang anak ang hawak na cake ng kaniyang tatay. Ngunit imbis na hipanin niya ito, agad niya itong kinuha’t isinubsob sa mukha ng naturang lalaki dahilan upang mapasigaw ang kaniyang anak, “Mama naman!”
“Tingin mo masaya akong nandito na ulit ‘yan? Palayasin mo ‘yan, kung ayaw mong pati ikaw palayasin ko!” sigaw niya saka padabog na sinipa ang kanilang lamesa. Agad naman siyang sinundan ng lalaki’t hinawakan ang kaniyang braso.
“Teka, hayaan mo akong magpaliwanag,” sambit nito ngunit hindi niya ito inintindi’t nagkulong sa kaniyang silid.
Lumipas ang gabing hindi niya nagawang kumain dahil sa pagkamanhid na naramdaman. Pakiramdam niya’y sinisilaban ang kaniyang buong mukha sa galit nang makita ang lalaking iyon. ‘Ika niya, “Ang kapal ng mukhang magpakita! Akala mong walang ginawang kalokohan!”
Kinabukasan, lumabas siya ng kaniyang kwarto upang tuluyan nang kumain. Naabutan niyang mag-isang kumakain sa lamesa ang kaniyang anak.
“Buti naman pinaalis mo na ang walang kwentang taong ‘yon. Ulitin mo pa, ha? Para mabugbog kita, pakielamera ka!” bulyaw niya sa anak.
“Hindi ko siya pinaalis, kusa siyang umalis,” sagot nito saka siya nilayasan. Umirap lang siya’t kumuha ng kaniyang plato ngunit nang mapadaan siya sa kanilang ref, naagaw ng isang pulang papel ang kaniyang atensyon. Binuksan niya ito at binasa ang nilalaman. Mayamaya pa, luha na ang dumaloy sa kaniyang mga mata.
Sulat ito ng kaniyang asawang humihingi ng kapatawaran sa kaniya. Sa pamamagitan ng sulat na ito, nalaman niyang totoo palang nagpakasal ang kaniyang asawa sa isang mayamang dalaga noong kapanahunan nila ngunit labis niyang ikinagulat ang dahilan.
“Nagpakasal ako dahil hirap-hirap na akong makita kang pagod sa paglalabada, ang sakit-sakit saking marinig ang daing ng gutom na si Jana, buong akala ko’y kapag pinakasalan ko siya, matutulungan ko kayo, ngunit nang malaman niya ang binabalak ko noong nasa honey moon kami, agad na niya akong nilayo sa inyo. Naisin ko mang bumawi noon, hindi ko magawa kaya pasensya ka na. Kung alam mo lang kung paano ko pinilit na matulog sa mga gabing wala ka sa tabi ko, maaawa ka rin sa akin,” sa mga katagang ito labis siyang humagulgol. Naabutan siyang umiiyak ng kaniyang anak, agad siyang nilapitan nito at binigyan ng panyo.
“Pabalikin na natin si papa?” tanong nito at walang anu-ano, bigla na lamang siyang tumango-tango dahilan upang magtititili ang kaniyang anak, “Buo na ang pamilya ko!” sigaw nito.
Wala pang isang oras, dumating na nga muli ang kaniyang asawa. Nakangiti itong sumalubong sa kaniya, agad siya nitong niyakap at doon na sila nag-iyakan.
Marami pa itong naikwento sa kaniya tungkol sa mga pinagdaan nito. Tulad nang pumanaw pala ang pinakasalang babae ng kaniyang asawa dahilan upang mapasakaniya ang lahat ng ari-ari nito at marami pang iba.
Simula noon, naging matibay ang kanilang pamilya. Naging responsable ang kanilang haligi’t naging mapagpatawad naman ang kanilang ilaw ng tahanan habang galak na galak at walang mapaglagyan ang sayang nararamdaman ng kanilang bunga.
Kapag talaga mahal mo ang isang tao, gaano man ito katagal mawalay sa’yo o gaano man ang sakit na naidulot nito, kapag muli na itong bumalik sa’yo, tatanggapin at tatanggapin mo siya ng buo. Ganoon naman talaga ang pag-ibig, eh, hindi mo mapapatunayang tunay kung hindi ka susugal.