Inday TrendingInday Trending
Selosong Katrabaho

Selosong Katrabaho

“Binabati kita, Rafael, ikaw ang napili ng mga bisor na maging assistant manager dito sa ating departamento. Ipagpatuloy mo lang ang ginagawa mo at mabilis kang aangat sa industriyang ito!” bati ni Mr. Mariano, ang boss ng binatang si Rafael.

“Naku, boss, hindi ko po magagawa ito ng wala kayo. Maraming salamat po!” magiliw naman na sagot ni Rafael dito.

“O, ikaw Arthur, bakit hindi ka gumaya kay Rafael para naman magkabenta ka? Hindi ba’t magkaibigan kayo? Bakit hindi ka magpaturo sa kaniya ng mga teknik,” biro naman ni Mr. Mariano kay Arthur, ang matalik na kaibigan ni Rafael.

“Boss, ‘wag niyo na akong pansinin. Darating din ang tagumpay ko, masaya na ako para sa kaibigan ko ngayon,” magiliw din na sagot ni Arthur sa kaniya at saka nginitian ang kaniyang kaibigang si Rafael.

Sabay na lumaki sina Arthur at Rafael. Maging ang eskwelahan at mga paborito nilang pagkain ay halos iisa na lamang dahil sa sobrang lapit nila sa isa’t-isa. Kaya maging sa trabaho ay iisa lang din ang pinasukan nila ngunit habang tumatanda ang dalawa ay nakikita ni Arthur na mas gusto ng mga tao ang kaibigan niyang si Rafael lalo na sa kanilang trabaho. Mas magandang lalaki raw kasi ito kaysa sa kaniya at mas magaling mambola. Samantalang si Arthur naman ay mas magaling sa teknikal na bagay, tahimik at mas simpleng lalaki, ‘ika ng marami.

“Rafael, tara, maghapunan ka sa amin. Hinahanap ka na rin nila mama at lola,” bati ni Arthur kay Rafael.

“Pasensya ka na, Arthur, medyo napapadalas kasi ang pagsama ko kina boss. Alam mo na, para mabilis din ang promotion ko,” natatawang sagot naman nito.

“Kita ko nga e, ang laki na ng pinagbago mo. Hindi na kita nakakausap at palagi ka na rin nag-iinom. Grabe, hindi na ikaw ‘yung dating kaibigan ko,” saad naman muli ni Arthur sa kaibigan.

“Bakit pakiramdam ko nagseselos ka lang yata kasi mas malapit na ako sa boss natin? Naiiwan ka na sa baba, pasensya ka na, Arthur, hindi kita kayang buhatin pataas. Dapat ikaw rin kasi ang gumawa ng paraan. Lumabas ka kasama sila, mag-inom o ‘di kaya magsigarilyo ka minsan kasama namin. Makikita mo, aangat ka rin! Pero, sige, dahil kaibigan kita, sasabihin ko ang pinakamalupit na sikretong mayroon ako ngayon at kung bakit alam kong mapo-promote ako. Ako lang naman ang naghahatid at sundo doon sa babae ng boss natin! Sabi niya sa akin ay ipagpatuloy ko lang daw iyon dahil bibigyan niya talaga ako ng promosyon,” baling naman ni Rafael saka ito ngumiti sa kaibigan.

“Rafael, naririnig mo ba ang sarili mo? Ganyan na ba talaga sa’yo ka-importante ang tumaas sa trabahong ito? Hindi na kita kilala! Magbitiw na tayo sa trabaho kung nagiging ganyan ka lang din naman!” baling ni Arthur sa kaniya.

Tumawa ng malakas ang binata at tiningnan niyang mabuti ang kaibigan.

“Pareng Arthur, b*kla ka ba? Nagseselos ka siguro talaga, ‘no? Umamin ka nga sa’kin, may pagtingin ka ba sa akin? Bakit ka nagkakaganyan?” natatawa nitong sambit kay Arthur.

“Hindi ako b*kla, b*ding o s*lahis, kaibigan mo ako, Rafael at iyon ang kinalimutan mo! Siguro nga nagseselos ako, pero hindi dahil mas mataas ka na sa akin kung hindi dahil nakalimutan mo na ako. Nakalimutan mo nang samahan ang matalik mong kaibigan. At ‘yung pagtatakip mo sa babae ng boss natin? Nasaan na ang prinsipyo mong hindi ka gagaya sa tatay mo? E sa ginagawa mong iyan ay parang naging babaero ka na rin. Walang sinumang babae ang papangarapin na maging kabit at walang sino mang asawa ang may gustong malaman na may babaeng iba bukod sa kanila. Nasaan na ang dating Rafael na kilala ko? Walang kwenta ang posisyon at trabaho mo, pati na rin ang pera mo, kung panloloko lang naman pala ng kapwa ang kaya mong gawin! Isipin mo na lang sana ‘yung asawa ng boss natin na niloloko niya! Parang ikaw na rin mismo ang nanloko sa nanay mo!” galit na wika ni Arthur kay Rafael bago siya umalis.

Nanlamig naman ang tainga ni Rafael sa kaniyang narinig at tila nahimasmasan sa litanya ng kaniyang kaibigan. Ngayon siya nagising muli na maling-mali pala talaga ang tinatahak niyang landas sa pag-angat sa industriyang iyon. Kinaumagahan ay kinausap niya ang kaniyang boss patungkol sa pagbibitiw niya sa pagtatago ng babae nito at wala na rin siyang pakialam kung hindi siya ma-promote. Pinuntahan din niya kaagad si Arthur.

“Arthur, pasabi naman kay tita na namimiss ko na ang luto niyang sinigang. Kain tayo minsan sa inyo!” saad nito sa kaibigan. Hindi na sumagot pa si Arthur at tinapik lamang sa balikat ang kaibigan. Alam niyang nagbalik na ang dati niyang kaibigan na may paninindigan.

Ngayon mas magaan ang loob ng binata, laking pasasalamat niya sa Diyos na binigay sa kaniya ang kaibigang si Arthur dahil ito ang nagsilbing ilaw niya upang makabalik sa tamang landas.

Advertisement