Inday TrendingInday Trending
Huwag Mo Akong Tatawaging Ama!

Huwag Mo Akong Tatawaging Ama!

Walang araw na hindi umuwi nang lasing na lasing si Mang Larry. Dahil din dito ay madalas niyang mapagbuhatan ang kaniyang anak-anakan na si Carlo. Para sa kaniya kasi, isang malaking pagpapaalala ang binata ng kawalanghiyaan ng kaniyang asawa.

Susuray-suray na pumasok sa kanilang bahay ang amain.

“Tay, lasing na naman kayo. Saglit po at ipaghahanda ko kayo ng matapang na kape,” wika ni Carlo habang nagmamadaling inaasikaso ang amain.

“Ul*l! Huwag mo nga ako matawag-tawag na tatay. Hindi kita anak! Anak ka ng malanding ina mo sa iba at pagkatapos magpakasasa ay iniwan ka dito! Lumayas ka ritong hay*p ka!” sigaw ni Mang Larry.

“Umupo na kayo rito, ‘tay. Kukuha lang po ako ng bimpo at tubig. Pupunasan ko kayo. Ito po ang kape ninyo,” tangkang pag-abot ni Carlo ng kaniyang tinimplang inumin ng amain. Ngunit bago pa man niya ito maiabot ay tinabig na ito ni Mang Larry at natapon sa paanan ng binata. Pinilit na lamang niyang tiisin ang hapdi na nararamdaman.

Marahil ay sanay na rin si Carlo sa pagtrato sa kaniya ng amain. Kahit kasi halos araw-araw siyang pinapalayas nito ay hindi rin niya makuhang umalis. Tinitiis na lamang niya ang pang-aalipusta at pagmamaltrato sa kaniya ng kaniyang ama-amahan.

“Hindi ko nga malaman sa’yo, Carlo, bakit ayaw mo pang umalis sa inyo. Dito ka na muna sa amin. Naiintindihan naman ng mga magulang ko ang sitwasyon mo. Kapag may malilipatan ka na o kapag nahanap mo na ang nanay mo, pwede ka nang lumipat. Kaysa nagtitiis ka riyan sa amain mo,” sambit ni Rocky, kaibigan ni Carlo.

“Mabait naman ang tatay kapag hindi nakainom. Hindi naman ganyan ang trato niya sa akin. Saka baka hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matanggap ang paglisan ni nanay. Maging ako nga ay hindi ko na alam kung saan siya hahanapin at bakit sa dinami-dami ng tao ay kay Tatay Larry pa niya ako iniwan,” paglalahad ng binata.

“Basta kung kailangan mo ng tulong, narito lang ako, ‘tol. Alam mo naman ‘yan!” wika ni Rocky.

Walang sawa si Carlo sa pagdarasal na sana isang araw ay matanggap din siya ng kaniyang Tatay Larry. Sa pangungulila niya sa kaniyang ina ay hindi rin maiwasan ng binata na malungkot sapagkat wala siyang maituring na pamilyang kaniya, iyong tunay na magmamahal sa kaniya.

Ngunit sa araw-araw na nararanasan ni Carlo sa amain ay may mga pagkakataon na gusto na lamang niyang bumitaw. Lalo na kung walang habas siyang saktan at pagmalupitan ng lasing na ginoo.

“Tay, kailan po ba ninyo ako matatanggap?” tanong ni Carlo habang umiiyak sa pagmamakaawa sa amain.

“Lahat naman po ay kinakaya ko at ginagawa ko para pakisamahan kayo. Pero kahit anong gawin ko ay hindi pa rin sasapat,” dagdag pa ng binata.

“Hindi ko alam kasi sa’yo kung bakit pinagsisiksikan mo dito ang sarili mo. Ni wala ka ngang puwang dito. Bunga ka ng paglalandi ng ina mo sa iba! Bakit kailangan na akuin ko ang responsibilidad sa iyo? Bakit hindi ka doon sa tunay mong ama magpabuhay?! Hanggang ngayon ay pinahihirapan ako ng ina mo, alam mo ba ‘yon! Napakakapal ng mga pagmumukha ninyo!” galit na galit na sambit ni Mang Larry habang tangkang gugulpihin muli si Carlo.

Sa tindi ng kaniyang galit ay nanikip ang dibdib nito.

“Tay, tay!” tawag ni Carlo. “Ano pong nangyayari sa inyo? Mga kapitbahay tulungan ninyo kami!” sigaw ng binata.

Agad na naidala si Mang Larry sa pinakamalapit na pagamutan. Doon ay sinuri siya at napag-alaman na malala na pala ang kaniyang sakit sa atay at nagkaroon na ito ng maraming kumplikasyon.

Mula noon ay patuloy ang panghihina ni Mang Larry. Ngunit kahit anong mangyari ay hindi siya pinabayaan ni Carlo. Naging matiyaga ang binata sa pag-aalaga niya sa amain. Ni hindi nga ito natutulog kapag may dinaramdam na masakit si Mang Larry.

“Bakit narito ka pa rin?” wika ng amain. “Bakit sa kabila ng lahat ng ginagawa kong kasamaan sa’yo ay narito ka pa rin at nakukuha mong alagaan ako?” pagtataka niya.

“Kasi tatay ko po kayo,” deretsong tugon ni Carlo. “Kahit ilang beses niyo akong pagmalupitan, saktan at palayasin, kahit na ilang beses niyong sabihin sa mukha ko na anak ako sa iba ng nanay ko at hindi sa inyo, para sa akin, kayo po ang tatay ko. Hindi ko po kayo iiwan kahit ano ang mangyari. Kahit ayaw niyo akong makita, hindi ko po kayo iiwan sapagkat gusto ko po na alagaan kayo,” dagdag pa ng binata.

“Sa panahong kailangan ninyo ako, ‘tay, nandito po ako. Kasi kayo ang tatay ko. Kayo ang pamilya ko. Mahal ko po kayo, ‘tay,” patuloy na wika ni Carlo habang pinagsisilbihan ang amain.

Hindi na napigilan pa ni Mang Larry ang kaniyang nararamdan at napatulo na lamang ang kaniyang luha sa mga narinig sa binata. Hindi na niya namalayan na dumadampi ang kaniyang mga kamay sa ulo ng anak-anakan.

“Patawarin mo ako sa lahat ng pagkakasala ko sa iyo. Patawarin mo ako sa mga taon na hindi kita naituring man lang kahit bilang isang tao. Patawarin mo ang tatay. Patawad, anak!” lumuluhang sambit ni Mang Larry.

Napayakap na lamang ni Carlo sa amain. Sa pagkakataon na iyon ay naibsan ang lahat ng sama ng loob na kaniyang nararamdaman. Tinapos ng mga yakap na iyon ang lahat ng taon na hindi sila ayos ng ama. At sa pagkakataon na iyon alam nilang hindi pa huli ang lahat para magsimulang muli.

Binigyan ng isa pang pagkakataon ng Diyos si Mang Larry upang itama ang lahat ng pagkakamali nito. Tila isang mirakulo kasi na gumaling ito mula sa kaniyang malalang sakit. Simula noon ay namuhay nang masaya si Mang Larry at Carlo bilang tunay na mag-ama.

Advertisement