Isang hapong puno na naman ng mga walang kwentang bagay ang pinagtu-tumpokan ng magba-barkadang sina Allen, Kyle, Leo at Joshua. Isang video kasi na puno na kabalastugan ang nag-viral sa internet at tuwang-tuwa naman ang mga ito roon. Biro dito, biro doon, tawa rito, tawa doon ang walang tigil nilang gawain kung sila ay nagkakasama-sama.
Pare-parehong mga nasa kolehiyo na ang tatlo maliban kay Joshua na tumigil na sa kaniyang pag-aaral dahil kapos ang kaniyang mga magulang upang makapagtapos siya sa kolehiyo. Ngunit ang kanilang mga personal na buhay ay hindi kailanman naging abala upang magsama-sama silang magkakaibigan.
“Hay! Buhay nga naman oh! Katamad!” hiyaw ni Allen na nakasandal sa may pader kung saan sila mahilig tumambay.
“Naku, p’re! Wala ba tayo pwedeng gawin diyan? Nakakasawa na mga pagmu-mukha ninyong lahat!” banat naman ni Kyle upang biruin ang mga kaibigan.
Sumunod doon ang muling tawanan ng buong barkada. Lumipas ang ilang minuto na wala silang ibang ginawa kundi ang tuksuhin ang isa’t isa upang maibsan ang bagot na nararamdaman. Sa gitna ng kanilang halakhak ay napansin nila ang dating kaklase na dadaan. Ngunit sa pagkakataong iyon, may kasama iyong babae na ubod ng ganda. Nagtinginan ang magka-kaibigan na tila may binabalak na gawin.
“Uy, Arvin! Chicks ata ‘yang kasama mo ah?” malakas na banat ni Leo sa paparating na Arvin kasama ang kaniyang nobya. Hindi iyon pinansin ng binatang si Arvin dahil alam niyang lalala lamang ang sitwasyon kung papatol siya bagkus mas lalo niyang binilisan ang paglalakad.
“Hoy! Wala ka bang naririnig?!” sigaw ni Allen.
“Sabi namin, sa amin na lang ‘yang magandang chicks diyan na kasama mo!” dagdag ni Kyle na patawa-tawa lang din kasama ng tropa.
“Su*pot! Su*pot! Su*pot!” malakas na hiyaw ng mga magka-kaibigan kay Arvin.
Hindi na nakapagtimpi pa ang binata at mabilis niyang pinuntahan si Allen na siyang pinakamalapit sa kaniya at inambahang susuntukin ito. Makikita sa mukha ni Arvin ang gigil sa pilyong kaklase. Ikinagulat ito ng buong tropa dahil hindi naman kahit na kalian gumanti iyon sa kanila. At dahil malakas ang loob ng magkakaibigan, hinamon nila si Arvin ng suntukan.
“Oh, bakit? Bakit? Matapang ka na ba? Ha?!” matapang na amba ni Leo kay Arvin na agad namang dumistansiya kay Allen. Alam niyang mali ang kaniyang desisyon na sumugod. Pinauwi niya kaagad ang kaniyang nobya dahil alam niyang matindi-tinding away ang magaganap sa mga oras na iyon.
Tulad sa isang pelikula, pinalibutan ng magba-barkada ang kawawang si Arvin na noo’y pawis na pawis at hindi na rin alam ang gagawin. Wala pa naman halos tao sa kalye dahil ipinagbabawal ang pagtambay. Sakto rin at wala ang mga tanod upan sana siya ay makahingi ng tulong. Pumikit siya nang makita na papalapit na sa kaniya si Joshua upang bugbug*n siya, nang isang malaking boses ang nagpatigil nito.
“Ano’ng nangyayari dito?” wika nito. Paglingon niya ay isang lalaking may kasamang mga tanod ang nasa may ‘di kalayuan. Nang makita iyon ng magkakaibigan, agad silang naghiwa-hiwalay ng daan at nagsipag-takbuhan.
Naiwan doon si Arvin na nakahinga nang malalim dahil nakalusot siya sa isang sitwasyong alam niyang wala siyang magagawa. Tinapik siya ng lalaking kasama ng mga tanod na humabol sa magkakaibigang tumakbo. Wala man siyang masabi, agad naman siyang nagpasalamat sa lalaking naroon.
“Naku, maraming salamat po, ‘tay! Malamang sa malamang ay nabugb*g na ako ng mga iyon kung hindi kayo dumating,” laking pasasalamat ni Arvin sa lalaking iyon.
“Walang anuman, hijo. Sa totoo lang nakita ko ang buong pangayayari kaya tumawag kaagad ako ng mga tanod para makatulong sa’yo,” paliwanag naman ng may edad na rin na lalaking nagtitinda ng mga oras na iyon ng mga lakong gulay.
“Oh, siya, umuwi ka na at baka balikan ka pa ng mga iyon,” aniya kay Arvin na agad namang umuwi ng mga oras na iyon.
Samantala, hinahabol pa ang kanilang paghinga, ang mga magkakaibigan ay napuno ng inis sa kanilang kaklase na si Arvin pati na sa matandang lalaki na nagtawag ng mga tanod.
“Ang malas naman, p’re! Pa’no pag nakaabot ito sa erpats ko, yari ako doon! Tropa pa naman niya mga tanod!” paliwanag ni Allen na nag-aalala kung namukhaan ba sila ng mga tanod.
Isa-isang nagsisihan ang magkakaibigan. Ngunit si Leo, nakatulala, tahimik, at tila may iniisip.
“Balikan natin ‘yon, p’re,” biglang wika nito sa mga nagtatalong kaibigan.
“Aba! Siyempre! Hindi maaaring hindi ‘no? Sa inabot nating ‘to. Lagot sa atin ‘yang Arvin na ‘yan!” galit na dagdag ni Joshua na tumutukoy sa kanilang kaibigang si Arvin.
“Tama! Kung nakatakas satin ‘yang Arvin na ‘yan ngayon, sa susunod, hindi na!” sambit naman ni Kyle.
“Basta umayos kayo ha? Ayokong mapagalitan ng erpats ko,” nag-aalalang wika naman ni Allen.
“Hindi. Saka na si Arvin,’ muling sambit ni Leo na nagpatahimik sa lahat.
“Iyong matanda muna. Tara sundan niyo ako,” huling wika niya at sinundan naman siya ng mga kaibigan.
Makalipas ang ilang minuto lamang, nang masigurado nilang wala na ang mga tanod, tinanaw nila sa may kalayuan ang matandang naglalako ng gulay. Dala-dala nito ang kaniyang munting kariton kung saan naroon ang mga tindang gulay.
Naka-sumbrelo si tatay na kulay itim, may panyo sa kaniyang balikat, habang tulak-tulak ang nasabing kariton na gutay-gutay at yari sa kahoy. Sa bawat bahay na madadaanan nito, nagsusukbit ang matanda ng maliit na plastic na may lamang mga gulay.
Nang makita iyon ng magka-kaibigan, agad na naantig ang kanilang mga puso. Halos hindi sila makapag-salita dahil sa kanilang nasasaksihan. Habang sila ay nakatambay at walang ginagawa kung hindi puro kalokohan, may isang matanda na kapos na tumutulong sa kapwa niyang nangangailangan. Kaya naman, sa halip na gantihan nila ang matanda, nagpakita sila rito habang nakatungo ang mga ito. Na-mukhaan sila ng matanda at nang bubuka na sana ng kaniyang bibig…
“Pasensiya na po!” malakas at sabay-sabay na wika ng magkakaibigan.
Napangiti ang matanda sa mga kabataan na iyon. Sinabihan niyang huwag na sanang maulit iyon at ibuhos na lamang nila ang kanilang buhay sa paggawa ng importanteng bagay na siyang tunay makakapagpasaya ng kanilang mga puso. Dahil ang tunay na pagiging masaya ay nasa pagtulong sa kapwa at hindi sa pananakit ng ibang tao.