Inday TrendingInday Trending
Buhay Ko, Kapalit Sa Buhay Niyo

Buhay Ko, Kapalit Sa Buhay Niyo

“Iya, kailangan na kailangan ni papa ng pera para sa gagawing operasyon sa puso niya,” tumatangis na wika ni Yvon, ang panganay na kapatid, sa kabilang linya.

“Magkano raw ba ang kakailanganin, ate?” malungkot namang tanong ni Iya.

“Nasa P200,000.00 ang sinabi sa’min ng doktor na tumitingin kay papa,” patuloy pa rin ito sa pag-iyak.

Saan siya kukuha ng gano’n kalaking pera? May trabaho naman siya pero hindi pa rin aabot ang ipon niya sa ganoong kalaking halaga!

“Sige, ate. Hahanap ako ng paraan,” wika ni Iya sabay hingang malalim.

Anong paraan ba ang mahahanap niya? Kahit doble-doblehin pa niya ang kaniyang trabaho ay hinding-hindi niya mabubuno ang kailangan nilang halaga.

“DIANNA, may alam ka bang mauutangan ko ng malaki? O ‘di kaya’y raket na malaki ang bayad?” tanong ni Iya sa kaibigang si Dianna. Pareho silang OFW sa Japan at mas kilala ang babae na raketera dahil hindi lang isa ang trabaho nito.

“Malaki ang ibabayad? Naku! Wala friend e, mayroon akong alam na malaki ang ibibigay na bayad. Simple lang naman. Magbebenta ka ng internal organ mo, kidney o kaya naman atay mo,” seryosong wika ni Dianna.

“Bakit, nasubukan mo na ba ‘yon?” takang wika ni Iya.

Agad namang tumango si Dianna. “Isang beses no’ng kailangan ng nanay kong ma-operahan sa tumor niya. Ibinenta ko ‘yong isang kidney ko. Wala akong choice e.”

Natatakot man sa naiisip na pwedeng manganib ang buhay niya sa gagawin, katulad ni Dianna ay wala na rin siyang ibang pagpipilian.

“Magkano ang ibinayad sa’yo?” maya-maya ay tanong niya.

“Isang kidney, kalahating milyon,” agad namang sagot ni Dianna.

Sakto! May sosobra pa dahil P200,000.00 lang naman ang kailangan ng papa niya.

“P-pwede mo bang ituro sa’kin kung saan ‘yan?” Natatakot man ay nilakasan niya ang kaniyang loob. “Kailangan na kailangan ko kasi ng pera ngayon dahil kailangang ma-operahan ng papa ko sa puso.”

“Sigurado ka ba, Iya?” Dudang tanong ni Dianna sa kaniya.

“Wala na akong ibang pagpipilian, Dianna. Ayoko namang umabot sa puntong pagsisihan kong wala man lang akong nagawa para matulungan ang papa ko,” malungkot at natatakot niyang wika.

“Sige. Samahan kita doon bukas. Basta friend, palakasan ng loob at tibay ng sikmura lang naman ang kailangan mo. Isipin mong ginagawa mo lang ang lahat ng ito para sa pamilya mo,” wika ni Dianna sabay tapik ng balikat niya. Pinapalakas lamang ng kaibigan ang kaniyang loob.

Kinabukasan, sinamahan nga siya ni Dianna sa hospital. Mabilis na naiayos ang lahat ng usapan nila. May mga pinirmahan din siyang mga papel kung saan nakasaad na kusang loob niyang ibinenta sa mga ito ang kaniyang isang kidney.

Limang oras si Iya sa loob ng operating room at laking pasasalamat niya dahil sa awa ng Diyos ay nagising pa siya.

“Dianna, pwede ba akong makiusap sa’yo?” Nahihirapan pa siyang magsalita dahil ramdam na ramdam pa niya sa kaniyang tiyan ang sugat ng pinaghiwaan. “Ipadala mo sa ate ko ang tatlong daang libo at sabihin mo sa kaniya na ipa-opera na niya ang papa namin,” dugtong pa niya.

“Sige, friend. Babalikan kita rito mamaya ah. Magpahinga ka na muna, alam ko kung gaano kasakit ang mga tahing iyan,” wika ni Dianna saka siya muling inalalayang humiga sa kama.

“Maraming-maraming salamat Dianna ah,” mangiyak-iyak niyang sambit.

“Pasalamatan mo ang sarili mo Iya, sa katapangan na iyong ginawa. Napaka-swerte ng pamilya mo dahil may anak silang kagaya mong handang i-sakripisyo ang sarili, mabuhay lamang sila.

Puhunan natin ang katawan natin, Iya. Kung wala na tayo sa mundo, sino na ang mag-aalaga sa pamilya natin? Kaya magpahinga ka at muling magpakalakas. Dahil habang may buhay tayong mga OFW na tanging inaasahan ng mga pamilya natin, habang buhay rin tayong kakayod at magsasakripisyo para sa kanila,” mahabang paalala ni Dianna.

Niyakap niya ang kaibigan upang ipadama rito ang kaniyang sensirong pasasalamat. “Walang susuko, Dianna,” mangiyak-iyak niyang wika.

Kinagabihan, agad na nakatanggap ng tawag si Iya, ang kaniyang kapatid na si Yvon.

“Iya, maraming-maraming salamat.”

Hindi man niya nakikita ang mukha ng kaniyang kapatid ay alam niyang tumatangis na naman ito sa kabilang linya.

“Naka-schedule na si papa para sa surgery niya mamaya, bunso. Thank you ah. Hindi ko alam kung papaano ka pasasalamatan,” patuloy na wika ng kaniyang Ate Yvon.

“Balitaan mo ako ate kapag okay na si papa,” masaya niyang wika.

Hindi natin alam kung anong klaseng pagsasakripisyo ang ginagawa ng ating mga mahal sa buhay sa ibang bansa. Katulad na lamang ni Iya, na inilagay na ang sarili sa tiyak na kapahamakan upang madugtungan ang buhay ng ama. Kaya pahalagahan natin sila at huwag aabusuhin, dahil hindi madaling mamuhay sa lugar na malayo sa iyong pamilya.

Advertisement