Dalawang taong nakipagsapalaran sa Amerika si Nelia. Nilisan niya ang Pilipinas at ang minamahal na pamilya sa pag-asang makakahanap ng higit na magandang kabuhayan at kinabukasan sa ibang bansa.
Isa siya sa maraming pinalad na pinagkalooban ng visa upang makapamasyal sa Amerika bilang turista. Ang pahintulot na ito ay may bisa lamang nang anim na buwan; samakatuwid, pagdating ng takdang panahon, ang turista na pinagkalooban ng visa ay inaasahang lilisanin ang banyagang bansa at babalik sa pinanggalingang bayan. Isa siya sa maraming Pinoy na sa halip na bumalik sa sariling bansa ay nagpasiyang “magtago” at makipagsapalaran sa Amerika.”Narito na ako, bakit pa ako babalik? Gusto kong makapag-ipon muna ng pera bago bumalik sa Pilipinas,” wika niya sa isip.
Naghanap siya roon ng mapapasukang trabaho at sa awa ng Diyos ay nakakuha naman siya agad. Nakapasok siya bilang kasambahay sa mag-asawang Amerikano. Masuwerte naman siya sa naging amo niya dahil mabait naman ang mga ito lalung-lalo na ang among babae. Dahil sa kabutihang loob ng mga amo ay sinuklian din niya ito ng kabaitan sa pamamagitan ng pagtatrabaho nang maayos at tapat.
Isang araw, tumawag siya sa kaniyang pamilya para kumustahin ang mga ito.
“Hello mga anak. Kumusta na kayo? Ang tatay ninyo?” tanong niya.
“Mabuti naman po at tumawag na kayo ‘nay! Miss na miss na po namin kayo!” sabik na sabik na wika ng panganay niyang si Tonette.
“Hello, ‘nay! Uwi ka na po rito,” sabi naman ng bunso niyang si Peter.
“Mahal ko, kumusta ka na riyan? Miss ka na namin ng mga bata,” saad naman ng kaniyang mister na si Perry.
“Okay lang naman ako. Kung miss niyo na ako, ay mas lalong miss ko na kayo. Huwag kayong mag-alala, kaunting tiis na lang at uuwi na rin ako. Nga pala, natanggap niyo ba ang pinadala kong balikbayan box?” tanong niya.
“Oo, natanggap na namin mahal. Tuwang-tuwa nga itong mga anak natin sa mga padala mo, pero isa lang talaga ang pinakasasabikan nila, ang muli kang bumalik dito sa atin,” sagot ng asawa.
Hindi agad nakapagsalita si Nelia. Sa pahayag pa lang ng mister ay nais na nitong iparating sa kaniya na dapat na siyang umuwi sa sariling bayan na hindi pa niya handang gawin sa ngayon dahil hindi pa siya nakakaipon ng sapat na pera para sa kinabukasan nila ng kaniyang pamilya. May trabaho naman ang asawa niyang si Perry ngunit hindi iyon sapat para matugunan ang pangangailangan nila lalo pa at mas lalong nagmamahal ang mga bilihin at gastusin sa Pilipinas.
“Pasensiya na pero kailangan ko pang magtrabaho rito para makaipon ng pera para sa kinabukasan ng ating mga anak. Isang taon lang naman ang hinihiling ko sa inyo. Sana naman ay maintindihan ninyo.”
Bago matapos ang pakikipag-usap niya sa kaniyang mag-aama ay malungkot ang tono nang pamamaalam ng mga ito hanggang sa tuluyang mawala sa kabilang linya.
“Ang aking mag-aama,” mangiyak-ngiyak niyang bulong sa sarili na sobra na ring nananabik sa mga ito.
Ngunit walang magawa si Nelia, alang-alang sa mga minamahal niya sa buhay at sa ikabubuti ng mga ito ay mas pinili niya ang hamon ng pag-iisa at kalungkutan sa ibang bansa. Pinatibay niya ang kalooban at pinatatag ang pagkatao upang siya’y magtagumpay sa mga pagsubok sa dayuhang lupa na piniling maging pansamantalang tahanan kahit na pagiging ‘TNT’ pa ang kaniyang estado roon.
Sa pagkawalay sa kaniyang pamilya ay binubusog naman niya ang mga ito ng kaniyang mga padalang balikbayan box. Sa mga balikbayan box na ipinapadala ni Nelia sa kaniyang mag-aama, laging may laman na mga tsokolate, biskwit, mga pagkaing de lata, sitsirya, at iba sari-saring pagkaing-Amerikano, mga damit, pabango, sapatos, na nagsisiksikan sa loob ng kahon. Bukod doon ay mayroon din nakapaloob na mga gadgets para sa kaniyang dalawang anak.
Nang muli siyang tumawag sa mga ito para mangumusta, imbes na matuwa ang mga anak sa kaniyang mga padala ay umiyak at nalungkot pa ang mga ito.
“Nay, kailan po ba kayo uuwi? Balik na po kayo rito sa atin,” sabi ng bunsong anak habang humihikbi.
“Ikaw po ang kailangan namin ‘nay at hindi po ang mga pasalubong niyo,” wika naman ng panganay niya.
“Mahal, narinig mo ba ang mga bata? Ikaw ang gusto nila at hindi ang anupaman. Umuwi ka na. Siguro naman ay sapat na ang naipon mo riyan sa Amerika,” saad naman ng kaniyang mister.
Matapos makausap ang mag-aama ay buong araw niyang pinag-isipan ang sinabi ng mga ito at nabuo ang isang desisyon. Muli niyang tinawagan ang kaniyang asawa.
“Hello mahal? Tama ka at tama ang mga bata. Mas kailangan ninyo ako riyan. Hindi pa sapat ang naiipon ko pero malaking tulong na para sa pagtatayo natin ng maliit na negosyo. At isa pa, kailangan ko rin kayo,” mangiyak-ngiyak na sabi niya.
Makalipas ang isang linggo ay nakabalik na sa Pilipinas si Nelia at kasama na niya ang kaniyang pinakamamahal na mag-aama. Labis na kasiyahan ang naidulot niyon kay Perry at sa dalawa niyang anak na sina Tonette at Peter.
“Salamat po ‘nay at bumalik na kayo,” masayang bungad ng kaniyang panganay.
“Huwag ka na pong aalis ulit ‘nay ha?” sabad naman ng bunso.
“Hindi ba kayo nalulungkot at wala na kayong matatanggap na balikbayan box na punumpuno ng tsokolate, mga imported na damit at sapatos?” tanong niya.
“Wala pong pasalubong na hihigit pa sa iyong pagbabalik ‘nay,” pahabol pa ng panganay na si Tonette.
Sa huli ay napagtanto ni Nelia na ang mahalaga sa buhay ay makasama niya ang pamilya at buo silang mag-anak. Mahalaga ang salapi at mahalaga rin ang karangyaan, ngunit ang mga ito ay hindi maaaring maging kahalili sa pagsasama-sama ng pamilya, sa hirap man at sa ginhawa.