Inday TrendingInday Trending
Bakit Bumili Ng Maleta Si Misis?

Bakit Bumili Ng Maleta Si Misis?

May hang-over pa si JP nang umuwi siya sa kanilang bahay. Naabutan niyang wala roon ang anak at misis niya. Naisip niyang mabuti na rin iyon para hindi siya mabungangaan ng kaniyang maybahay.

Ngingisi-ngisi pa siya nang maalalang, galing siya sa kaniyang number two at doon nagpalipas nang buong magdamag. Noong isang gabi ay ganoon din kasi ang ginawa niyaʼt inulan siya ng ratatat ng bunganga ng kaniyang asawa pagkatapos ay iniyakan siya

“Nasaan kaya ang mga ʼyon?” Napakamot si JP sa kaniyang ulo nang matapos niya nang halughugin ang kaniyang bahay at hindi pa rin niya nakikita ang kaniyang mag-ina. Kung lumabas man silaʼy hindi pa rin bumabalik ang mga ʼto.

Pumasok na lamang siya sa kanilang kwarto para magpahinga. Uuwi rin naman siguro mamaya ang asawaʼt anak niya.

Ngunit wala pang isang oras na nakakaidlip si JP ay humahangos siyang napabangon sa kama. Sapo niya ang kaniyang mukha at pawisan ang buo niyang katawan.

Paanoʼy nanaginip siyang iniwan na raw siya ng kaniyang mag-ina!

Tumayo si JP para sana kumuha ng tubig sa kusina, ngunit agad niyang napansin ang tatlong malalaking maletang nakaharang sa pintuan ng kanilang kwarto. Bigla siyang kinabahan. Dumiretso siya upang tingnan ang mga kabinet na lalagyan ng kanilang mga damit at nakita niyang halos wala na roon ang lahat ng mga gamit ng kaniyang misis!

Doon ay nakasigurado na siya sa kaniyang kutob… balak nga siyang layasan ng kaniyang mag-ina!

Agad na nilukob ng takot ang puso ni JP. Paano na lang siya kung wala na ang mga ito?

Ngunit biglang nag-flashback sa kaniyang isipan ang mga panahong hindi ang kaniyang mag-ina ang kasama niya, kundi ang kaniyang mga babae. Ang mga panahong umiiyak ang kaniyang maybahay dahil nababasa nito ang mga text messages ng kabit niya sa kaniyang cellphone! Ni hindi niya mabilhan ng pasalubong man lang ang kaniyang anak, samantalang nabibilhan niya ng bulaklak at tsokolate ang kaniyang kabit.

Bigla siyang natawa sa kaniyang sarili. Ano ang karapatan niyang matakot na iwanan siya ngayon ng kaniyang mag-ina, e, siya naman ang unang umabandona sa kanila?

Tumulo na lang ang luha ni JP sa pagsisisi, na siya namang pasok ng kaniyang asawa.

“Gising ka na pala,” seryosong sabi nito. “B-Bakit ganiyan ang hitsura mo? Umiiyak ka ba?” takang dagdag pa nito nang pamansin ang luhaan niyang mga mata.

Walang anu-anoʼy dinamba niya ito ng yakap. “Wag mo akong iwan, mahal! Nagsisisi na ako. Wag nʼyo akong iwan ni Bunsoy!” ang nakikiusap na sabi niya sa asawa habang nakasubsob ang luhaan niyang mukha sa balikat nito.

“A-ano bang sinasabi mo, JP? Lasing ka lang,” giit naman nito na pilit siyang itinutulak mula sa pagkakayakap.

Lalong natakot si JP dahil doon. Dati-rati naman ay hindi umaangal sa yakap niya ang asawa, ngayon ay halos itaboy na siya nito!

“Please, mahal, nagsisisi na ako. ‘Wag mo lang akong iiwan. Hindi na ako uulit. Babawi ako, please!” Halos lumuhod na si JP sa harap ng asawa.

“JP, ano ba?!”

“Please, mahal. Nakita ko ʼyong mga maletang nandyan sa pintuan. Nakita ko ʼyong mga damit na nilagay mo roon. Alam kong balak nʼyo akong iwan dahil wala akong kwentang ama at asawa. Babaero ako! Pero magbabago na ako, wag mo lang akong iwan, please.” Pinagsaklop na ni JP ang kaniyang mga palad at pilit na pinakikiusapan ang kaniyang misis.

Napabuntong hininga na lang tuloy ang asawa niya sa kaniya.

“JP, alam ko naman ang lahat ng kalokohan mo. Oo, nasasaktan ako dahil sa mga ginagawa mo, pero hindi kita kayang iwan. Ayokong lumaki ang anak natin na hindi ka niya kagigisnan kaya tinitiis ko ang lahat. Sana nga magbago ka na. Sana magbago ka, kahit na ang totooʼy wala naman akong balak na iwan ka sa ngayon. Iyong mga maletang nakita mo kasi ay mga damit nating hindi ginagamit na balak ko nang i-donate. Hindi kita iiwan,” ang sagot ng kaniyang asawa na agad namang ikinabigla ni JP.

Ganoon pa man, tinupad pa rin ni JP ang pangako niya sa asawa. Nakipaghiwalay siya sa kaniyang kabit at hindi na kailan man muling naghanap ng iba. Bumawi siya sa anak. Ang mga libreng oras niya ay palagi na niyang inilalaan sa kaniyang asawa at kanilang anak, na ngayon ay magiging dalawa na.

Advertisement