Inday TrendingInday Trending
Ang Alon sa Buhay

Ang Alon sa Buhay

Parehong nagmula sa probinsya sina Alexis at Rhian at pareho rin silang nagtatrabaho sa barko bilang mga tiga-luto. Sa una ay naging magkaibigan sila hanggang dumating ang araw na nagkapalagayan sila ng loob at tuluyang naging magkasintahan.

Mula nang makilala ni Alexis si Rhian ay naging mas masaya ang buhay ng binata. Nakalimutan niya ang kalungkutan habang nasa barko dahil palagi niya itong kasama, kaya hindi na niya pinalampas ang pagkakataon na ligawan ito at nagtagumpay naman siya. Napasagot niya si Rhian at nakuha ang matamis nitong ‘oo’.

“Tama ba ang narinig ko? Sinasagot mo na ako Rhian?” gulat na gulat na tanong ni Alexis.

“Oo, sinasagot na kita Alexis!” nakangising sagot ng dalaga.

“H-hindi lang kasi ako makapaniwala, e. Akala ko ay wala kang pagtingin sa akin.”

“Hindi iyan totoo. Sa katunayan, palaging ikaw ang nasa isip ko. Masaya ako kapag kasama kita. May pagtingin din ako sa iyo Alexis,” tugon pa ng kausap.

“Salamat! Hinding-hindi mo pagsisisihan ang pagsagot sa akin, Rhian,” masayang sagot ng binata.

Mahigit dalawang taon din siyang nanligaw kay Rhian bago siya nito sinagot.

“Pasensya na kung ngayon lang kita sinagot, kinilala muna kasi kitang mabuti. Ayokong dumating ang araw na pagsisihan ang pagsagot ko sa iyo. Napatunayan mo naman sa akin na tapat ang iyong hangarin, kaya ipinagkakatiwala ko na sa iyo ang aking puso,” hayag pa ni Rhian sa binata.

“Gaya nang sinabi ko kanina, hinding-hindi mo pagsisihan ang pagsagot sa akin. Ipinapangako ko na ako ay magiging tapat sa iyo,” sinserong sagot ni Alexis.

Hindi naman nagsisisi si Rhian sa ginawang pagsagot sa binata dahil naging mabait ito sa kaniya, maalaga, tapat at mapagmahal na nobyo.

Mahigit dalawang taon na silang magkasintahan, walang dahilan para hiwalayan ni Rhian si Alexis dahil lahat ng hinahanap ng dalaga sa isang lalaki ay nasa katauhan na nito. Pagdating naman kay Rhian ay wala na ring hahanapin ang binata, maganda ito, mahinhin at disenteng tao kaya maraming naghahangad na manligaw rito. Si Alexis naman ay gwapo, masasabi mong siya’y perpektong lalaki dahil bukod sa gwapo ay mabait, maalaga at mapagmahal pa.

“Wala na akong mahihiling pa kay Alexis. Siya na ang lalaking itinadhana para makasama ko habang buhay,” sabi ni Rhian sa isip.

“O aking Rhian. Para sa akin ay ikaw na ang babaeng ihaharap ko sa altar,” wika naman ni Alexis sa sarili.

Wala silang naging problema sa kanilang relasyon dahil nagkakaintindihan naman sila kaya nakapagpagdesisyon na silang magpakasal. Nangako si Alexis kay Rhian na pagbaba nila ng barko ay magpapakasal na sila, tutal ay sobra-sobra na ang kanilang naipon at may kaya naman sa buhay ang pamilya ni Alexis. Marami silang naging plano sa loob ng barko para sa kanilang pagbaba.

“Sabik na ako sa nalalapit nating kasal mahal ko. Hindi na ako makapaghintay,” masayang sabi ni Alexis sa nobya.

“Ako rin, mahal ko. Gusto ko na nga pabilisin ang oras para maganap na ang ating kasal. Gustong-gusto na kitang tawaging ‘asawa’ ko,” malambing na wika ni Rhian.

“Mangyayari din iyan. Sa ngayon ay paghandaan natin ang lahat hanggang sa dumating ang pinakahihintay nating araw.Isang araw, nasa kalagitnnaan sila ng karagatan, mayroong hindi inaasahang pangyayari ang kinaharap nila. Bigla na lamang may bagyong dumating. Hinampas ng malalaking alon ang kanilang barkong sinasakyan hanggang sa tumaob ito. Ilang tao lamang sa lumubog na barko ang nabuhay at hindi napasama roon ang kasintahan ni Alexis na si Rhian.

Halos gumuho ang mundo ni Alexis nang makita na wala nang buhay ang babaeng pinakamamahal niya. Sinisisi rin niya ang sarili dahil hindi man lang niya ito nailigtas sa kapahamakan. Masuwerte siyang nakaligtas ngunit hindi nakaligtas sa pagkalunod ang dalaga, nagkahiwalay sila nang aksidenteng lumubog ang barko.

“Rhian! Rhian, mahal ko! Patawarin mo ako, hindi man lang kita nailigtas! Diyos ko, bakit siya pa? Bakit ang babaeng mahal na mahal ko pa ang nawala sa buhay ko?!” hiyaw ni Alexis habang yakap-yakap si Rhian.

Hindi makapaniwala si Alexis sa kinahantungan ng pag-iibigan nila ng nobya. Parang kailan lang nang nagplano silang magpakasal ni Rhian. Ngunit ngayon ay hindi na matutuloy dahil wala na ito. Mahirap man ay kailangan niyang magsimula nang panibagong buhay kahit pa nasanay na siyang kapiling ang dalaga.

Mabilis na lumipas ang dalawang taon. Masakit pa rin ang nangyari para kay Alexis ngunit kailangan niyang tanggapin na kapiling na ng Maykapal ang babaeng pinakamamahal niya. Sa isip niya ay darating din ang araw na magsasama silang muli ni Rhian at itutuloy nila ang naudlot nilang pagmamahalan, sa oras na bawiin na rin ng Lumikha ang kaniyang buhay.

Advertisement