Inday TrendingInday Trending
Dinaan sa Dahas ng Lalaki ang Babae Para sa Kaniya Ito Maikasal; Matutunan Kaya Siyang Nitong Mahalin?

Dinaan sa Dahas ng Lalaki ang Babae Para sa Kaniya Ito Maikasal; Matutunan Kaya Siyang Nitong Mahalin?

Maganda at matalino si Astrid kaya hinahangaan siya at maraming nagkakagusto sa kaniya sa eskwelahan. Halos lahat yata ng kalalakihan ay nahuhumaling sa kaniya at palaging nakabuntot saan man siya magpunta.

“Napakaganda mo talaga, Astrid. Napakasuwerte ng lalaking magiging boyfriend mo,” sabi ng isang binata niyang kaklase.

“Boyfriend? Wala pa sa isip ko ‘yan. Nasa pag-aaral lang ang focus ko ngayon,” sagot niya.

Ngunit ang totoo ay may kasintahan na siya. Ang masuwerteng lalaki ay si Homer, isang mahusay na varsity player sa kanilang eskwelahan. Kinakikiligan din ng mga kababaihan sa taglay nitong kaguwapuhan. Si Homer din ang kaniyang unang pag-ibig.

“Totoo ba? Totoong ako ang iyong first?” tanong ni Homer nang misang lumabas sila at nag-date.

“Oo sabi, eh! Bakit hindi ka ba naniniwala?” nakangiting tanong ni Astrid sa nobyo.

“Naniniwala naman ako, eh. Nagulat lang ako sa sinabi mo na ako ang first love mo. So, kung ako ang iyong first love, e, ‘di puwede na bang ako rin ang iyong first kiss?” nakangising tugon ng binata.

Napahawak si Astrid sa kaniyang mga labi.

“A-ayoko nga! Hindi porket ikaw ang first love ko, eh puwede mo na akong halikan ha!

Kung titingnan ay moderno sa panglabas at kilos si Astrid pero konserbatibo pa rin siya. ‘Ika nga, eh dalagang Filipina.

“Sige na, babe! Pagbigyan mo na ako!” pangungulit ni Homer.

“Hindi! Saka na ‘yan kapag kasal na tayo!” tugon niya.

Napakamot sa ulo ang lalaki.

“Ang daya naman!”

Nang makatapos ang dalawa sa high school, gusto ni Homer na palagi pa rin silang magkasama ng nobya.

“Dito ka na lang sa probinsya mag-kolehiyo, babe. Huwag ka nang tumuloy sa Maynila! Para ‘di tayo magkalayo,” wika ni Homer kay Astrid.

“’Di maaari, Homer. Lahat ng mga kapatid ko’y sa Maynila nagtapos!” pagtanggi ni Astrid.

“Kung iiwan mo rin lang ako at pupunta ka sa Maynila, eh ‘di pakasal na lang tayo at bumuo na tayo ng pamilya,” seryosong sagot ng lalaki.

Napamulagat si Astrid sa sinabi ng nobyo.

“Ano? Nababaliw ka na ba? Hindi maaari ang gusto mo! May mga pangarap pa ako na gusto kong matupad. Hindi pa ako handa sa pagpapakasal at pagkakaroon ng pamilya,” pagtutol niya.

Hindi rin siya napigilan ni Homer. Natuloy pa rin siya sa pagpunta sa Maynila at doon nag-aral ng kolehiyo. Nag-enroll siya sa kilalang pamantasan at kumuha ng kursong Banking and Finance. Umupa rin siya sa isang boarding house na malapit sa pinapasukang eskwelahan. Doon niya nakilala si Jester.

“Ikinagagalak kitang makilala, hija. Ngayon lang ako nagkaroon ng magandang tenant na gaya mo,” wika ng lalaki sa kaniya habang tinutulungan siya sa pag-aayos ng mga bagahe niya.

“N-naku, salamat po, Mang Jester,” sagot ng dalaga.

Si Jester ang may-ari ng boarding house. Mas may edad ang lalaki kesa sa kaniya ngunit kahit sampung taon ang agwat nito kay Astrid ay lutang na lutang pa rin ang kakisigan at kaguwapuhan nito. Wala pang asawa ang lalaki kaya minsan ay nagtataka siya kung bakit sa edad nito ay hindi pa ito lumalagay sa tahimik.

Mabait si Jester at mapagbigay. Madalas itong may ibinibigay na kung ano-ano sa kaniya.

“Meron akong dalang manggang hilaw. Masarap ito!” sabi ng lalaki nang minsang dumalaw ito sa kaniya.

“Salamat, Mang Jester. Nag-abala pa po kayo,” tugon niya.

Dahil sa may edad na, madaling nagtiwala si Astrid sa lalaki. Ikinuwento niya rito na may nobyo na siya. Maging ang pangungulit ni Homer na sa probinsya na lang siya mag-aral at ang gusto nitong pagpapakasal sa kaniya para hindi sila magkalayo ay sinabi niya kay Jester.

Isang gabi, naabutan siya nitong umiiyak.

“O, umiiyak ka na naman? Si Homer na naman ba ang dahilan ng iyong pagluha?” nag-aalalang tanong ng lalaki.

“Pinipilit na talaga niya akong bumalik sa probinsya, Mang Jester. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Baka makipaghiwalay na siya sa akin kapag hindi ko siya pinagbigyan,” lumuluhang sagot ni Astrid.

Pinahid ni Jester ang luha sa mga mata niya at pinakalma siya.

“Huwag ka nang umiyak. O, inumin mo muna itong dala kong juice at nang gumaan ang pakiramdam mo,” sambit ni Jester sabay abot ng inumin sa kaniya.

Buong tiwala namang ininom ni Astrid ang juice na inialok sa kaniya ng lalaki. Mayamaya ay bigla siyang nakaramdam ng pagkahilo at nawalan ng malay.

Kinaumagahan ay nangilabot si Astrid nang siyang magising.

“Hindi! A-anong g-ginawa mo sa akin?!” gulat niyang tanong kay Jester nang matuklasang katabi niya ito sa kama at wala itong suot na anumang damit.

Saka lamang niya napagtanto na may inilagay na pampatulog ang lalaki sa inumin na ibinigay nito.

“P-patawarin mo ako, Astrid! Mula nang magkakilala tayo ay nahulog na ang loob ko sa iyo. Mahal kita, ayokong maagaw ka pa sa akin ni Homer!” pagtatapat ni Jester sa kaniya.

“Pinagkatiwalaan kita, pero bakit mo ito ginawa sa akin? Napakasama mo!” hagulgol ni Astrid na diring-diri sa nangyari sa kaniya.

“Huwag kang mag-alala. Pakakasalan kita, Astrid. Nakahanda kong kausapin ang mga magulang mo,” hayag pa ng lalaki.

“Ayoko! Hindi mangyayari ang gusto mo!” pagtanggi niya.

“P-pero wala ka nang magagawa, Astrid. May nangyari na sa atin! Paano kung magbunga ang ginawa ko sa iyo at nalaman ni Homer ang nangyari sa atin? Pakakasalan ka pa ba niya?” natatawang sabi ni Jester.

Natakot si Astrid sa sinabing iyon ng lalaki kaya wala siyang nagawa kundi ang pakasalan si Jester. Namanhikan ito sa kaniyang mga magulang at magalang na hiningi ang kaniyang mga kamay. Dahil nga sa may namagitan na sa kanila ay pumayag na rin ang mga ito sa kanilang pag-iisang dibdib. Ngunit dahil labag pa rin sa loob niya ang pagpapakasal kay Jester ay nagtangka siyang tumakas at binalak na makipagkita sa nobyong si Homer ngunit nang puntahan niya ito sa bahay nito ay siya pa ang nasorpresa.

“H-homer?! Hindi!”

Kitang-kita niya na may kahalikan itong ibang babae. Natuklasan niya na matagal na pala siyang pinagtataksilan ni Homer. Nahumaling ito sa ibang babae nang magkalayo silang dalawa. Hindi pala naging tapat sa kaniya ang nobyo, sayang lang ang iniukol niyang pag-ibig para rito. Sa sama ng loob ay itinuloy niya ang pagpapakasal kay Jester kahit pa malaki ang agwat ng kanilang edad.

Nang mag-asawa na sila ay natutunan na rin niyang mahalin si Jester. Sobrang maalaga at maasikaso ito sa kaniya na para bang isa siyang babasaging kristal. Isang araw ay may ipinagtapat ang lalaki na ikinagulat niya. May lihim pala itong itinago sa kaniya.

“A-ano? Hindi totoo na may nangyari sa atin?!”

“Oo, mahal ko. Niloko lang kita, walang nangyari sa atin nang gabing iyon. Wala akong ginawa sa iyo. Iginalang ko ang iyong pagkababae dahil mahal na mahal kita, Astrid. Nagsinungaling ako dahil natakot ako na tuluyan kayong magpakasal ni Homer. Ang sabi mo’y siya ang una mong pag-ibig, anong laban ko sa kaniya na mas bata kaysa sa akin? Kaya ako na ang gumawa ng paraan para mapasaakin ka,” bunyag ng mister.

Sa una ay hindi siya makapaniwala sa panlolokong ginawa sa kaniya ni Jester ngunit kahit nalaman niya ang totoo ay hindi niya nagawang magalit sa kaniyang asawa. Sa halip ay mas lalo pa niya itong minahal.

“’Di ko akalaing nagawa mo ‘yon. Napaniwala mo ako at ang aking mga magulang sa panloloko mo, p-pero mabuti na rin ang nangyari dahil nalaman ko na ikaw ang mas karapat-dapat kong mahalin, Jester. Alam mo ba na binalak kong tumakas noon sa ating kasal at binalikan ko si Homer? Pero huli na pala ako, natuklasan kong may iba na siyang babae at matagal na niya akong pinagtataksilan. Hindi ko siya dapat pinagkatiwalaan dahil hindi niya ako totoong minahal. Sa iyo ko naramdaman ang tunay na pag-ibig, Jester, dahil kahit dinaan mo sa kasinungalingan ang pagkuha mo sa aki’y ipinadama mo naman na sobra akong mahalaga sa iyo, mahal ko,” sagot ni Astrid sa asawa.

Hindi na napigil ni Jester ang mapaluha sa inamin ni Astrid. Natutunan na rin siyang mahalin ng babaeng iniibig niya.

“Totoo ba ang narinig ko? Mahal mo na rin ako?” masayang tanong ni Jester.

“Oo, Jester. At tama ka sa sinabi mo na si Homer ang una kong pag-ibig ngunit ikaw ang ngayon at huli kong paka-iibigin,” sagot ni Astrid saka niyakap nang mahigpit ang mister at hinalikan sa labi.

At pinagsaluhan nila ang gabing iyon ng walang kapantay nilang pag-ibig sa isa’t isa. Ang hindi alam ni Astrid, bukod sa boarding house ay nagmamay-ari rin si Jester ng malaking lupain sa Negros. Nagmula si Jester sa mayamang angkan at nang naulila sa mga magulang ay sa lalaki naiwan ang lahat ng ari-arian at malawak na lupain ng pamilya. Pinili lamang ni Jester na mamuhay nang simple hangga’t hindi nahahanap ang babaeng pag-aalayan ng magandang buhay na tinatamasa. Ngayon, habang ipinagpapatuloy ni Astrid ang pag-aaral sa kolehiyo ay wala siyang kamalay-malay na hindi na pala niya kailangang magtrabaho kapag nakapagtapos na siya sa pag-aaral dahil buhay reyna na siya sa piling ng milyonaryo niyang asawa.

Advertisement