
Naiinis ang Estudyanteng Ito sa Propesor na Nagpapahirap daw sa Kanila, Nanlamig Siya sa Balitang Natanggap Tungkol Dito
“Ano ba ‘yang si Ma’am Charity, tao pa ba siya? Matatapos na ang buong semestre natin, ni hindi pa lumiliban sa klase kahit isang beses! Pagod na pagod na ako sa klase niya! Napapanaginipan ko na nga siya, eh!” reklamo ni Summer sa kaniyang mga kaklase, isang hapon habang sama-sama silang kumakain ng binili nilang tuhog-tuhog sa katapat na hardin ng kanilang silid.
“Halos araw-araw ba naman, mayroon siyang pinapagawa at kinukuda sa harapan! Sino ba namang hindi mananaginip tungkol sa kaniya, hindi ba?” tugon ng kaibigan niyang inis na inis na rin sa gurong iyon na agad namang sinang-ayunan ng iba nilang kaklase.
“Sinabi mo pa! Kung ang ibang propesor dito sa unibersidad ay minsan lang pumasok sa klase, siya naman, parang wala nang bukas kung magpagawa ng aktibidades at sinusulit pa talaga ang oras ng klase niya! Ano tayo, mga robot? Sa kaniya lang ba tayo may klase? Nakakainis talaga!” sambit niya pa habang panay ang dabog ng mga paa.
“Hoy, pumasok na siya sa silid natin, halika na! Ayokong magpaliwanag sa harapan kung anong pinag-aralan natin kahapon!” sambit ng kaniyang kaibigan dahilan para magtakbuhan papasok ang kaniyang mga kaklase at siya’y maiwang nakaupo roon.
“Saglit! Hintayin niyo ako!” sigaw niya habang nagmamadaling tumakbo patungo sa kanilang silid.
Halos araw-araw nagrereklamo ang dalagang si Summer dahil sa sobrang sipag nilang propesor sa isa niyang pinapasukang klase. Kada papasok kasi ito, hindi maaaring wala itong ipapagawa sa kanilang aktibidad o kung hindi naman, magbibigay ito nang takdang-aralin na labis niyang ikinaiinis.
Hindi pa ito umaalis sa kanilang silid hangga’t may natitirang minuto sa oras ng pagtuturo nito kahit wala na itong dapat ituro. Kahit nga isang minutong natitira sa oras nito, gugugulin pa nito sa pagbibigay ng aral tungkol sa buhay.
Kabisado niya na ang palagi nitong sinasabi sa kanila, “Sulitin niyo ang bawat minuto ng buhay dahil ang mga sandaling lilipas ay hindi niyo na maibabalik,” na para sa kaniya, walang kakwenta-kwentang bagay.
Palagi niyang bulong sa kaniyang kaibigan, “Wala na ‘yang masabi kaya lagi niya ‘yan sinasabi. Natatakot yatang mabawasan ng sweldo kapag hindi niya sunilit ang isang minuto sa klase natin!” na ikinatatawa naman nito.
Noong araw na ‘yon, pagkapasok niya sa kanilang silid, labis siyang nagulat sa itsura ng kanilang propesor. Namumutla ito at tila walang sigla sa mukha, hindi katulad ng mga dati nitong itsura na may pulang lipstick at magigiliw na mga ngiti sahulan para siya’y labis na magtaka at ito’y usisain niya.
“Ma’am, naubos na ba ang pula mong lipstick?” tanong niya na ikinatawa ng lahat.
“Oo, eh, mayroon ka ba riyan? Pahingi naman,” segunda nito na lalong ikinatawa nang lahat at dahil nga maloko siya at nais niyang maubos sa kalokohan ang oras ng kanilang klase, inilabas niya talaga ang kaniyang lipstick at nilagyan ang kanilang guro.
“Gusto niyo ba, ma’am, na lagyan ko rin kayo ng eyeshadow at kilay?” patawa-tawa niyang tanong.
“Naku, huwag na! Sa burol ko na lang, magklase na muna tayo ngayon!” sagot nito na ikinatawa nila lalo.
“Ang tagal naman no’n, ma’am, gusto na kitang lagyan ng make-up!” giit niya pa na ikinatawa lamang nito saka agad nang nagsimula sa pagtuturo.
Katulad ng dati, sinulit na naman nito ang oras ng kanilang klase at madilim na silang pinauwi. Sa pagod niya, pagkauwi niya ng bahay, kumain lamang siya at agad nang dumiretso sa pagtulog.
Kinabukasan, nagising na lang siya sa tawag ng kaniyang kaibigan at nang sagutin niya ito, halos manlamig siya sa balitang sinabi nito. “Wala na si Ma’am Charity, Summer! May sakit pala siya sa puso at kahapon ang huling taning ng buhay niya! Ngayon, hinahanap ka ng pamilya niya dahil hiling daw ni ma’am na ikaw ang maglagay ng make-up sa kaniya,” wika nito dahilan para mabitawan niya ang selpon at maiyak.
Ilang minuto lang, sinundo na nga siya ng kaniyang kaibigan pati ng kapatid ng naturang propesor. Ginawa niya nga ang make-up nito habang mangiyakngiyak sa mga alaala at mga aral na bigay nito tungkol sa buhay.
Wika niya pa, “Kaya mo pala palaging pinapaalala sa amin na sulitin ang buhay dahil bilang na pala ang mga araw mo rito. Sana sinabi mo naman, ma’am, para kahit isang beses, napasaya at napasalamatan ka naming lahat,” saka siya saglit na tumigil sa paglalagay ng make-up upang yakapin ito at humagulgol.
Doon niya labis na napagtantong kaya pala sinusulit nito ang bawat pagkakataon na sila’y matuturuan dahil hindi ito sigurado kung iyon na ang huling araw ng buhay nito.
“Salamat at patawad, Ma’am Charity,” huli niyang sambit dito bago niya ito muling lagyan ng pulang lipstick.
Simula noon, araw-araw niyang itinatatak sa isipan ang mga bilin at aral nito sa buhay. Sa ganoong paraan, nabawasan na ang kaniyang pagiging reklamador, nabigyan niya pa ng halaga ang bawat minuto na mayroon siya sa mundong ito.