
Sukdulan ang Galit ng Dalaga sa Kaniyang May Sakit na Tiyahin; Ikapanlulumo Niya ang Tunay na Katauhan Nito
Noon pa man ay mainit na ang dugo ni Ruth sa tiyahin niyang si Magnolia. Pakiramdam niya kasi ay masyado itong pumapapel sa pamamahay nila.
“Pakiusap, kung uuwi ka ng hatinggabi ay magpapaalam ka sa mama at papa mo nang hindi sila nag-aalala sa iyo,” wika ng tiyahin niya nang minsang umuwi siya ng alas-dose ng gabi. Napasarap ang kuwentuhan nila ng nobyo niyang si Henry sa bahay nito kaya ‘di nila namalayan ang oras.
“Puwede ba, tita, huwag mo na akong sermunan! Narito na ako at wala namang masamang nangyari sa akin dahil kasama ko ang boyfriend ko! Masyado kang pakialamera!” inis niyang sagot kay Magnolia.
“Ruth, huwag mong pagsalitaan nang ganyan ang Tita Magnolia mo! Nawawala na yata ang paggalang mo!” galit na sambit ng kaniyang ina na si Irene.
“Kailan ka pa natutong sumagot ng pabalang sa tita mo?” sabad ng ama niyang si Juancho.
“Eh, palagi na lamang siyang nakikialam sa bahay na ito! Akala mo siya itong magulang ko kung makasermon sa akin!” singhal ni Ruth sa mga magulang.
“Aba’t ang batang it…” kakagagalitan pa sana siya ng ina nang muling magsalita ang kaniyang tiyahin.
“Hayaan niyo na siya. Pagod lang siguro siya. Pumasok ka na sa kuwarto mo, Ruth, at pauwiin mo na itong si Henry. Tiyak kong hinahanap na rin siya ng mga magulang niya,” sabi ni Magnolia sa dalaga.
“Hay naku, kaya tumitigas ang ulo ng batang ‘yan ay kinukunsinti mo, Magnolia,” sambit ni Juancho.
“Ewan ko ba, kung bakit lumaking sutil ang batang ‘yan! T-teka, Magnolia, ikaw dapat ang pumasok na sa kuwarto mo, masama sa kalagayan mo ang magpuyat,” nag-aalala namang sabi ni Irene.
“Samahan mo na si Magnolia sa kuwarto niya, Irene, at ikaw, Ruth, manahimik ka na rito sa bahay!” wika ni Juancho sa anak.
“Ihahatid ko muna sa labas si Henry!” inis na sagot ni Ruth.
Bago umalis ang nobyo ay kinausap siya nito.
“Hindi yata tama ang inasal mo kanina, Ruth. Tiyahin mo pa rin ang kausap mo. Hindi ka ba naaawa sa kaniya, mukhang may sakit siya tapos ay sinagot mo pa? Bakit ganoon mo siya kausapin kanina?” nagtatakang tanong ng lalaki.
“Kinasusuklaman ko ang babaeng ‘yon! Ang akala niya’y siya palagi ang bida sa bahay. Kung makasermon sa akin akala mo’y siya ang nanay ko. Wala akong pakialam kung may sakit siya, palagi naman nagpapaawa ‘yon para sa kaniya nakatuon ang atensyon nina mama at papa. P-pero pasensya ka na sa nangyari ha? Nakakahiya tuloy sa iyo,” tugon ni Ruth saka naglambing sa nobyo.
“Sa susunod ay ayoko nang maulit iyon ha? Hindi mo dapat sinasagot ang tiyahin mo. Kadugo mo pa rin siya,” paalala ng lalaki.
Kahit pa kinausap na siya ng nobyo na irespeto ang tiyahin ay muling naulit ang pagsagot-sagot niya kay Magnolia nang magkakasabay silang kumain sa bahay.
“Ano ka ba naman, Tita Magnolia! Uubo ka rin lang sa harap pa ng bisita? Nakakawalang gana tuloy kumain!” inis niyang sabi nang biglang umubo ang tiyahin.
“Ruth! Ang bibig mo! Pasensiya ka na, Henry, masyadong prangka ang girlfriend mo. Pagpasensiyahan mo na rin ang tiyahin niya. Masama kasi ang pakiramdam, eh,” wika ni Juancho sa binata.
“It’s alright, tito. Naiintindihan ko po,” magalang na sagot ni Henry.
“Pasensiya na kayo. Nakalimutan ko kasing uminom ng gamot. Hayaan niyo at papasok na lamang ako sa kuwarto ko,” sabi ni Magnolia at dahan-dahang tumayo sa pagkakaupo at tuluyang umalis sa hapagkainan.
“Kahit kailan ba ay hindi mo pakikitaan ng paggalang ang tita mo, anak? May sakit siya, kaunting respeto naman. Nasasaktan din ang damdamin niya!” inis na sabi ni Irene sa anak.
Hindi naging maganda ang ibinunga ng tagpong iyon sa relasyon nina Ruth at Henry.
“W-what? Dahil lang sa nangyari ay nakikipagkalas ka sa akin, Henry?” gulat na tanong ng dalaga sa nobyo.
“Sorry, pero sumosobra ka na, Ruth. Ayoko sa babaeng walang respeto sa kapwa. Kung ‘di mo magawang galangin at irespeto ang kamag-anak mo…paano mo igagalang ang aking ina at iba pang mahal ko sa buhay?” dismayadong tugon ni Henry sa kaniya.
Nang dahil doon ay mas nadagdagan ang poot ni Ruth sa Tita Magnolia niya.
“Magtutuos kami ng babaeng ‘yon! Humanda siya sa akin!” gigil na sambit niya sa isip.
Galit na galit siyang umuwi sa bahay para harapin ang tiyahin ngunit isang tagpo ang muling gumulat sa kaniya.
“Huh?! Si papa, nakayakap at hinalikan pa sa labi si Tita Magnolia?!”
Mas lalong nag-init ang ulo ni Ruth at kinompronta na ang tiyahin sa harap ng amang si Juancho.
“Walang hiya ka talagang babae ka! Iniwan ako ni Henry dahil sa iyo tapos ay si papa naman ang kinakalantari mo!” sigaw niya.
Agad siyang sinaway ni Juancho.
“Watch your language, Ruth! Huwag mong pagsalitaan nang ganiyan ang tiyahin mo!”
“Tiyahin? Really? Wala akong kamag-anak na traydor! Ngayon ay natitiyak ko nang hindi ka namin kadugo, Magnolia!” sagot ni Ruth na nagpupuyos ang damdamin.
‘Di sinasadyang narinig sila ng inang si Irene at lumapit sa kanila.
“A-anong ibig sabihin nito? Bakit ka nagsisisigaw, anak?” anito.
“O, mama, mabuti’t narito ka! I saw papa flirting with this wh*re!” sumbong ni Ruth sa ina.
Walang nagawa si Magnolia kundi ang umiyak na lang sa isang tabi.
“Tumigil ka na, Ruth! Dapat mo na ngang malaman ang katotohanan, ang tungkol sa kaniya,” wika ni Irene sa anak.
“Anong katotohanan ‘yon, mama? Sino ba talaga ang babaeng ‘yan sa buhay natin?” naguguluhang tanong ni Ruth.
“Ang babaeng nilalapastangan mo ang tunay na nagmamay-ari ng pamamahay na ito!” hayag ni Irene.
“What?” gulat na sambit ni Ruth.
“Si Magnolia ang legal na asawa ng papa mo, anak at ako’y kabit lang ng iyong ama. Baog si Magnolia na kahit kailan ay hindi na magkakaroon ng anak at iyon ang dahilan kung bakit nahulog ang loob at nahumaling sa akin ng papa mo at ikaw ang naging bunga. Inunawa at pinatawad niya kami ng papa mo… kahit alam namin na mali ang ginawa niyang pag-unawa. Pinatira niya tayo sa kaniyang bahay pati ang negosyong bumubuhay sa atin at pinapatakbo ng papa mo ay pagmamay-ari niya. Kahit malaki ang kasalanan namin sa kaniya ay nagawa pa rin niyang kupkupin tayong mag-ina at itinuring pa niyang pamilya sa kabila na tayo’y mga sampid lamang. Ipinakilala namin siya sa iyo ng papa mo bilang tiyahin dahil iyon ang gusto niya. Napamahal na siya sa iyo, Ruth. Mahal na mahal ka niya kahit hindi ka niya kadugo. Ngayon ay siya ang nangangailangan, anak. May taning na ang buhay niya dahil malubha na ang sakit niyang leuk*mia. Nais lamang niya na may makasama sa mga nalalabi niyang mga araw,” bunyag pa ng ina.
“Patawarin mo kami, anak, kung hindi namin naipagtapat sa iyo ang totoo,” saad naman ni Juancho sa anak.
Ang nagliliyab na galit ni Ruth kay Magnolia ay napalitan ng pagtangis at pagluha. Biglang naging maganda sa paningin niya ang babaeng kaihit kailan ay hindi niya nagawang irespeto.
“T-tita Magnolia… patawad! Hindi ko alam, salamat sa lahat! Nahihiya ako sa mga nasabi at nagawa ko sa iyo,” hagulgol ni Ruth at mahigpit na niyakap ang mahinang katawan ng babae.
“Salamat din sa inyo, Ruth, dahil kahit paano’y natupad ang pangarap ko na magkaroon ng pamilya. Aalis ako sa mundong ito nang maligaya sa piling ninyo,” tugon ni Magnolia na yumakap din sa kaniya nang mahigpit.
‘Di nagtagal ay pumanaw na rin si Magnolia na tuluyang ginupo ng malubhang karamdaman ngunit sa paglisan nito’y nakatatak na sa puso at isip ni Ruth ang kabutihang loob ng babae. Ang pagkakaroon nito ng malaking puso at pagiging mapagbigay ng pagmamahal ay habambuhay niyang hahangaan at sasaluduhan.
“Mami-miss ka namin, Tita Magnolia. Muli, maraming salamat sa hiram na kaligayahan,” pamamaalam ni Ruth sa babaeng itinuring na niyang pangalawang ina.